Pampalasa, Pampa-ALSA

ni Rene Boy Abiva

 

Sa bayang mayaman sa utang at pait,

pambulag ang artipisyal na linamnam at tamis

upang ang mga karaniwang sikmura’y ‘di mag-alsa.

 

Matamis na pampalasa ang humulma sa kabataan ni Ignas Dungrit

na iiyak-iyak kung ‘di magkukulay dugo

ang prinitong itlog ng manok o tinapa sa kanyang plato,

dahilan upang magkanda-utang-utang ang kanyang inang kubrador ng huweteng

ng Papa ketsap sa tindahan ni Aling Usyang.

Minsa’y nakapatama ang ina ni Ignas,

anong ligaya n’ ya noong una.

Kaso, nang malamang kalot ang napagwagiang taya,

anong sungit at bagsik ang kanyang simangot

na nai-ukit sa kanyang gusgusing labi at mata.

   

Gayundin si Manolito Lasenggo

na madalas bugbugin ang kanyang labanderang asawa

kung ‘di s’ya nito maipaghahanda ng sawsawang maasim-asim

para sa paborito niyang pulutang tsitsarong kropek na tingi-tingi

o tsitsarong Bulacan na tatlo ang sandaan

na madalas n’ yang bilhin

sa kumpareng tindero sa Amucao.

Mapili pa naman ang gago, kung ‘alang Datu Puti’y Silver Swan ang hanap.

Ayaw n’ya ng Rosas o Basi na gawa ng kanyang sariling bayan.

Kaya ang halos magkubang asawa sa kalalaba,

anong tatag na ini- uutangan ang mister

sa talipapa ni Aling Talin.

Minsa’y naningil ang matandang balo,

at naabutan n’ya ang lasing na si Manolito

himalang binayaran naman s’ya,

binayaran s’ya ng matatalim na limang saksak

na itinindig sa kanyang yayat at kulubot na dibdib.

Dumating ang mga pulis upang siya’ y pasukuin,

kaso nag-ala Rambo

kaya ang kinalabasan, nabalitang nanlaban at patay.

 

Pinagkakitaan ng mga artipisyal na pampalasa

ang buhay at kapalaran nilang mga karaniwang tao

mula sa pawis ng kubrador na ina ni Ignas Dungrit

at sa labanderang asawa ni Manolito

hanggang sa kamatayan ng balong si Aling Talin.

 

Ibang usapin pa ang labis na halagang nakulimbat

sa ‘sanlibo at limang daang mangagawa sa Marilao, Bulacan.

At sa higit dalawang dekada ng pag-iral,

buti pa ang kumpanyang pampalasa,

literal na ang buhay ay masaya at masagana.

E silang taga-gawa ng pampalasa,

halos magpakamatay para lamang mabuhay.

Nagtitiis sa mga barung-barong ng mga bayan-bayan.

Nagtitiis sa buhay-dagang pamumuhay

at kung kumahig ang dalawang paa at kamay,

anong pilit-ligaya nilang sikmuraing lunukin

ang nangingitim na kanin at pinakulong talbos ng kangkong

o kamote na ‘ala man lang pampalasa ni asin.

 

Subalit ‘di kayang pigilan ng artipisyal na pampalasa

ang hangganan ng pait.

 

Pampa-ALSA.

Umabot sa sukdulan ang pagtitiis ng mga manggagawa.

Hunyo 2 ay itinayo nila ang barikada.

Paano ba naman kasi, sa daan-daang pwersa sa paggawa’y

limandaan lamang ang regular at karamiha’y kontraktwal.

Mababa pa ang sahod, ‘alang over-time pay at ‘alang benepisyo

sa kung anu-anong kaltas ng kanilang amo.

Habang ‘alang awang pinagtatanggal ang ilan sa kanilang nadisgrasya

habang nasa paggawa

kabilang ang mga nagtayo at nagbuo ng unyon.

 

Nag-alsa ang mga tagapaglikha ng pampalasa.

At agad nagsabwatan ang kapitalista at mga mamamatay-tao na pulis

at yinusak-yusak ang hanay ng mga nagpoprotesta.

Marami sa kanila ang umuwing sugatan at may biyak sa noo.

Marami sa kanila ang tinutukan ng baril sa ulo.

Marami sa kanila ang pasa sa katawan ang tinamo.

Ngunit higit na mas marami ang gaya nila

ang magkakapit-bisig sa nalalapit na SONA ng pangulo.

 

Kakalantog ang mga lansangan

mula sa kanilang kolektibong lakas at malay! 

May alab na namamayani sa kanilang puso

na mas mainit pa sa nagbabagang punglo!

 —-

Hunyo 16, 2018

Lunsod ng Queson, Pilipinas