Para sa Kagyat na Ginhawa sa Taumbayan at Kasarinlan ng Bansa
Isulong ang Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya!
Mensahe ni Rafael Mariano, Presidente, sa Pambansang Kumbensiyon ng Makabayan
PAGBATI sa lahat sa makasaysayan, makabuluhan at napapanahong pagtitipon sa araw na ito.
Kasama natin ang iba’t ibang sektor mula sa mga panbansa-demokratikong organisasyon, ang ating mga kaibigan at kaalyado sa makabuluhang adhikain, upang saksihan ang pormal na deklarasyon ng ating mga makabayang kandidato sa pagka-Senador para sa 2025 midterm elections.
Batid nating lahat ang reyalidad ng halalan kung saan dominado ng mga pampulitikang dinastiya at tradisyunal na pulitikong kumakatawan sa mga interes ng mga oligarkiya, panginoong maylupa, at mga dayuhang mandarambong. Marahil halos lahat sa atin ay nakasaksi na ng mga pagkwestiyon at pag-aalinlangan sa kapasidad ng Makabayan Coalition na magpatakbo ng isang buong slate sa Senado sa kabila ng maraming limitasyon lalo sa usapin ng rekurso, impluwensiya, at iba pang tradisyunal na makinarya.
Subalit sadyang hindi katanggap-tanggap na pababayaan na lamang natin ang mamamayang Pilipino na walang alternatibong pagpipilian sa pagitan ng nagbabanggaang kadiliman at kasamaan—sa pagitan ng nag-aagawan sa kapangyarihan na pangkating Marcos Jr. at Duterte.
Kaya ang ating inihahapag: Taumbayan naman! Taumbayan ang sadyang nararapat sa Senado.
Ano ang mga programang isusulong ng Makabayan senatorial slate?
Pangunahin ang para sa demokratikong interes ng malawak na mamamayan—ang interes ng uring magsasaka. Tunay na reporma sa lupa, alinsunod sa nakahain na sa Kongreso na Genuine Agrarian Reform Bill, kung saan ang batayang prinsipyo ng sentral na layunin ay ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, at unti-unting pagpawi sa lahat ng anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan.
Syempre ang pagpapaunlad ng kanayunan at magiging pundasyon para sa pagpapaunlad ng ating mga susing industriya tulad ng manupaktura, na lilikha ng sapat na trabaho para sa mamamayang Pilipino. Kaakibat ng pambansang industriyalisayon ang pagsuporta sa mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagtitiyak sa nakabubuhay na sahod, security of tenure, at iba pang karapatan sa paggawa.
Ang ilan pang makabuluhang programa para sa iba’t-ibang sektor ay maririnig natin sa ating mga kandidato.
Kaya sa kabuuan, bitbit ng bawat kandidato ng Makabayan ang pang-araw-araw na hinaing at adhikain ng ordinaryong Pilipino para sa mga makabuluhang pagbabagong panlipunan. Ito ang hindi natin kailanman naramdaman at hinding-hindi mararamdaman sa mahabang panahong pagkakaluklok ng iilang mga pangalan at pamilya, na ginawang negosyo at sindikato ang paggu-gubyerno.
Sa katanungang “paano tayo makikipagsabayan” sa mga kandidatong magmumula sa pamilya ng real estate developer, action star, mga patakbo ng dating Pangulo, at mga malalaking pangalan na nagnanais manumbalik sa posisyon? Narito na ang sagot. Narito sa kasalukuyang kumbensyon ang ating masisigasig na organisador, volunteer, kampanyador at propagandista, na magpapalaganap hindi lamang ng mga pangalan ng ating mga kandidato, kundi ng ating pambansa-demokratikong programa na nagtatakwil sa kasalukuyang umiiral na bulok at pahirap na sistemang panlipunan.
Kaya itong ating kampanya at hindi magtatapos sa pangangalap ng boto para sa ating mga Senador at Party-list; ito ay isang malawak na kilusan at kampanyang masa, kung saan itataguyod ang pambansa-demokratikong adhikain ng masang anakpawis higit pa sa panahon ng kampanyang elektoral.
Bilang panghuli, hamon sa bawat isa sa atin ang higit pang pagpupursigi at kasigasigan para sa pagpapalawak ng ating mga kasapian sa maraming Komunidad, sakahan, pagawaan, eskwelahan, at sa lahat ng konsentrasyon, na magiging balon ng ating mga volunteer hanggang sa buong-panahong kikilos at mangangampanya para sa ating mga kandidato at programa.
Isulong ang bagong pulitika, ang pulitika ng pagbabago. Taumbayan naman! Taumbayan ang higit na nararapat sa Senado! #