ATANG

ni. R.B. Abiva

Anim na araw nang inaapoy ng lagnat si Bitot. Anim na araw na rin siyang hindi nakakalabas ng kanilang barung-barong na nakatirik sa pasigan ng Estero Dolorosa. Anim na araw na ring aligaga ang kanyang amang si Kulas na kantero sa itinatayong SM gayundin ng ina niyang si Marta na tindera ng sampagita sa Parokya ni San Nikolas ng Tolentino, ang pintakasi ng mga kaluluwa sa purgatoryo. At sa pang-anim ngang araw ng kanyang pagkakasakit, siya’y pinukol ng walang katulad na deliryo.

Napauwi nang wala sa oras si Kulas mula sa konstruksyong pinapasukan gayundin si Marta. Inabutan nilang umiikot-tumitirik ang bola ng mata ni Bitot. Nanginginig at walang ibang usal ang yayat na katawang may tuyong bibig kundi ang ngalan ng kanyang ama at ina.

Kumaripas ng takbo si Kulas palabas ng kanilang tahanan at dagli nitong tinahak ang madilim-masikip-mabahong kalyehon papunta sa bahay ni Kapitan Tiyago. Uutang siya ng kwartang ipampapagamot sa nag-aagaw buhay niyang anak. Noong mga sandaling yao’y abala sa paglalaro ng madyong ang kanyang pakay. Nilapitan niya ito subalit isang malaking pagtanggi ang kanyang natanggap. Lumuhod siya. Nagmakaawa. Subalit uyam at irap pa ang kanyang tinamo. Ano at saan naman daw huhugot ng ipambabayad ng utang ang gaya ni Kulas na isang kahig, isang tuka? Ni Kulas na wala man lang magandang asawa?

Nang mahimasmasang walang mapapala’y nagpasya si Kulas na umuwi na lamang. Pagkarating niya sa bukana ng kanilang barung-barong ay sinalubong siya agad ng mabigat at matalim na alulong at palahaw. Boses iyon ni Marta na isinisigaw ang ngalan ni Bitot. Malakas. Malakas na malakas!

Ano pa’y kinutuban na ng masama si Kulas at pagkabukas niya ng kanilang pintuang yari sa yero, animo’y sinakmal ang kanyang puso’t sumungalngal ito sa kanyang lalamunan. Nanginig ang kanyang laman at animo’y ibinudbod ang kanyang puso sa isang palanggana ng bubog. Laylay-matigas na ang katawan ni Bitoy sa pawisan-luhaang dibdib ng kanyang ina habang tirik-nawalan na ng pusikit ang kamay nitong mahilig kumaway sa tuwing aalis si Kulas.

Balisang nilisan ni Kulas ang gigiray-giray nilang tahanan. Umalis siya sa araw ding yaong napabalitang ipinakain kay Kapitan Tiyago ang mga bola ng madyong. At sa araw ding yao’y natagpuan si Kulas na nakasubsob ang ulo sa kulay lupang mascuvado, may apat na butas sa katawan at dalawa sa ulo.

Oktubre 9, 2019

Lungsod Quezon, Maynila

Tala: Atang- Iloko ng alay.

ABOT NG ULAN ANG HANGGANAN NG ABISMO

ni R.B.Abiva

Matagal-tagal ka nilang hinintay

kasama ng uhaw na pilapil at pinitak,

hapong kalabaw, baka, kambing, at tagak

at mga kuhol at palakang bihira nang humalakhak;

sa paanan ng mga hubad na suhay

ng magaspang-magaang butil ng palay

na walang ibang mai-aalay

kundi payak-malusog sanang buhay;

paglipas ng oras ay bakit nag-iba ang kaway

may halong bulong at alingasngas ng agaw- buhay

ang dibdib ng lupang hungkag-bitak-lusak

naging libingan ng gaya ni Tanong Itak;kaydaling nagpasya’t biniyak ang paghihintay

kaydaling nagpasya’t biniyak ang paghihintay

ng mga paang alipungai’t inakap ang pakay

na hugutin ang puso, atay, at malay

ng  diyus-diyosang  mahalay-mamamatay

na lango sa katas ng talampunay;

gamit ang mala-karit at palang nilang kamay

at sing-init ng araw nilang matang nakatunghay,

sa bigwas ng hanging handog ay tagulaylay

tinuldukan ng mga katawang mala-tangkay

ang ugat ng paghihirap na gumugutay;

nang magtagumpay,

sama-sama nilang hinukay

ang paglilibingan sa mga mabuway

gayundin ang baul at aklat ng bulag na palagay.

Setyembre 18, 2019

Lungsod Quezon, Maynila 

Palang- Isang uri ng itak na ginagamit sa paggapas ng tubo.

Tagulaylay- Martsa o awit pandigma.

Inilathala ng UP Writers Club noong Setyembre 20, 2019.

DUGUANG LANGIT

ni R.B.Abiva

 

Pagkatapos mananghalia’y

ipinakita ni Sumatra

kay Ayu Putri Wijianti

ang mukha ng hinaharap–

pagkatapos hubaran ng makapal

na usok na sinlaki

ng mga bundok

mula sa nasusunog na

kagubatan– ang mapanlinlang

na bughaw na kalangitan:

nakapangingilabot pala

ang nalalapit na

paniningil ng

mata ng Diyos

na si Kratos!

At maging ang diyus-diyosang

si Widodo

            ay tiyak mapupulbos!

Setyembre 24, 2019

Lungsod Quezon

Kratos- Anak ni Zeus; Diyos ng Digma.

LIWANAG AT DILIM

ni R.B. Abiva

“Iya’y dalamhati ng inulilang Ama/ at lungkot sa tumatangis na Ina/ iyan ay glorya at biyaya/ kabanalan at pagpapala;/ isang sumpa sa mga nanlaban;/ isang pagbabanta sa mga lumalaban!”-Arlan Camba, Sabado De Gloria, 2018

Kakaibang tanawin

ang inyong mapagmamasdan

sa nangingitim-nagdurugong papawirin

sa sandaling magsalubong

ang mga pagod na atomo;

kanilang aagawing-pilit  

ang espasyo sa natitirang siklo

ng oras sa umiikot-nagrerebeldeng mundo;

pagmasdang mabuti

ang pinag-aagawan nilang langit,

ang nakatakdang pagbulid at pagsalapisap

ng kanilang mga daliri, bisig, at kamao,

ang pagbigkas ng matalim-matulis-nagbabaga nilang dila

ng mga magagaspang-matatalas na talinghaga’t berso

na walang sini-sino’t rinarahuyong poder at persona,

na waring si Bukowski kung tumula

na sintalim ng Stilleto

na doble ang talim at kamandag,

o ni Tiyong Gelacio

na kung maghandog ng prosa

sa dulang nilang mga kawawa

ay sintamis ng tubo ng Azucarera

at sintalim ng palang;

ito (ba) ang ma(na)babanaag mo?

Ang mabagsik-madugo

na pagtabing ng telon

sa mundo nating mga homo?

Setyembre 16, 2019

Lungsod Quezon, Maynila

Stilleto- punyal ng mga sundalong Amerikano noong WWII.

Palang- tawag sa itak na pinampuputol ng tubo.

Eksibisyon: ‘Tatlong Taong Walang Diyos’

Binuksan sa publiko ang “Tatlong Taong Walang Diyos”, isang eksibisyon ng mga imahe na nagsasalarawan sa tatlong taon ng administrasyong Duterte, at ang drug war nito.

Tampok sa eksibit ang mga likha nina Raffy Lerma, Ezra Acayan, Kimberly Dela Cruz, Aie Balagtas See, Eloisa Lopez, Vincent Go, Ciriaco Santiago III, Basilio Sepe, Carlo Gabuco, Mike De Leon, Carlos Siguion-Reyna, Lav Diaz, Carina Evangelista, David Ramirez, RISE UP at RESBAK.

Ayon sa mga artista, hindi lamang ipinapakita ng mga imahe ang aktwal na mga pangyayari sa drug war kundi layunin din nito na ilarawan ang bigat ng responsibilidad nang pagiging isang saksi bilang mga photojournalist.

Tampok rin ang mga litrato ng mga biktima – nanay, tatay, kuya at mga bata – sulyap noong sila’y nabubuhay pa.

Ang “Tatlong Taong Walang Diyos” ay matutunghayan hanggang Oktubre 30 sa Stall #09 ng Cubao Expo, Martes hanggang Linggo ng 1PM-9PM. # (Ulat at mga larawan ni Maricon Montajes)


ALIPATO (Kay Ka Gelas)

By Rene Boy Abiva

“And wild bears never daunt the brave/ Plum blossoms welcome the whirling snow/ Small wonder flies freeze and perish.”— Mao Tse Tung, Winter Clouds

Larawan mula sa pamilya ni Gelas Guillermo

Dinuyan, inakay, at tinangay ka ng hangin

matapos ang pag-aaklas na gaya sa isang kaingin,

at nakiisa’t inihatid ka ng mga nagluluksang alitaptap

na sindami ng buhangin

sa ibaba ng kulay abong alapaap,

at bago ka bumagsak sa lupang kayumanggi

at ika’y tuluyang lamunin sa huling sandali

ay napagtagumpayan mong iginuhit sa dilim

ang sunod subalit huli’t kaabang-abang na pangitain.

Gamit ang natitira mong anag-ag

winika mo’y mahuhubaran, magagasgas, mabibitak,

babagsak, at sasabog ang agimat

gayundin ang imperyo’t templo ng iilang yayamanin.

Winika mo pa’y aalagwa, aaklas, at makikipagpatayan

sa mapangahas na alindog ng dugong sing-itim

ng sunog na asukal at sing-alat ng asin,

na sinlapot ng lusaw na bato’t tingga,

na sing-init ng pugon

na pinapaypayan ng matatalim at maninipis na elesi,

na mainit, mabigat, at masakit sa baga

ang hininga’t samyo ng bunganga

ng dambuhalang pigsa

sa loob at labas ng Maynila-

ang mga daantaong bihag ng mala-tisa sa puti,

at mala-marmol at pormika sa kinis at dulas na salamin-

na bininyagan, inensensuhan, pinabanguha’t hinilamusan

ng ‘di-mabilang na kwarta, kamanyang, mira, at ‘Ama Namin’.

Pipitik-pitik ang iyong liwanag

nang dahan-dahan, marahang-marahan

hanggang sa ang tibok ng iyong puso’y ‘di na napakingan

pito,

anim,

lima,

tatlo,

isa,

wala,

wala

hanggang sa tuluyan kang ‘di na naaninag

maliban sa naaalala ka tuwing sinasabog

ng bukang-liwayway ang kanyang liwanag

o kapag nagsisisayaw sa alon ang telon

ng Dakilang

Aurora Borealis. 

-Enero 18, 2019

Lungsod Quezon, Maynila

Huling hirit sa Buwan ng Wikang Filipino

Ni Carlos Marquez

NGAYON ang huling araw ng Buwan ng Wikang Filipino. Paano ko ginugugol ang kabuuan ng buwang ito na siya ring buwan ng aking kapanganakan? Maaaring pinagtaasan ako ng kilay ng mga nag-isip na ipokrito ako dahil kilala akong manunulat sa Ingles at pagkatapos ay bigla akong kumambyo sa Filipino. Uulitin ko, ito ang aking personal na partisipasyon sa paggunita ng pagkakaroon natin ng sariling wika, ang wika na sinasabi ko’t inuulit-ulit na siyang minana natin sa ating mga ninuno – ang Taga-ilog na nabuglawan ng mga dayuhang taga-Sumatra nuong madaling-araw ng sibilisasyon sa bansang ito – at ang wikang sinuso natin sa ating mga ina. (Isipin mo na habang pinasususo tayo ng ating mga ina nuong tayo ay mga sanggol pa ay inaawit niya, o hinihimig, ang “Sa Ugoy ng Duyan”).

Ito rin ang paraan para ipagmalaki ko na “marunong” din akong magsulat sa wikang Filipino. Hindi Tagalog. Ang Tagalog ay siya lamang pinagbasehan ni Manuel L. Quezon ng Wikang Pambansa. Pansinin na maraming iba’t ibang diyalekto na buhat sa iba’t ibang panig ng bansa ang inilahok sa Filipino upang maging mas “Pilipinung-pilipino”, ayon na rin sa mga eksperto sa lingwistiko na siyang nagsikap na habihin ang wikang pambansa. Pansinin din kung paano ko gamitin ang Filipino sa aking pagsusulat: Hindi ito Tagalog lamang. Ang iba riyan (iyong ginagawang dahilan sa kakulangan sa kasanayan sa gramatikong Ingles) “sumusulat ako sa Tagalog lamang”. Pero, masdan mo ang kanilang trabaho, “Tagalog” na nga na para bang wikang minorya ang binabanggit) ay kapos naman sa mga alituntunin ng wastong balarilang Filipino. Gumagamit ng mga salitang ni sila ay hindi alam kung tama upang magbigay ng impresyon na ang ginagawa nila ay “malalim na pananagalog”. Kahit na anong lengwahe ang gamitin sa pagsusulat, dapat maunawaan din ang mga karakter ng wika pati na ang wastong gramatiko nito.

Sinasabi ko ito dahil sa marami akong naririnig (kadalasan ay sa mga brodkaster) na gumagamit ng mga salitang “Tagalog” na hindi nila naiintindihan ay lumilikha ng mal-edukasyon sa publiko.

“Matutunan”. Ano ang matutuhan sa salitang ito?

Walang hulaping NAN para sabihing matutuNAN. Ang salitang ugat dito ay “tuto”. Kung ang huling titik sa salita ay patinig, sinsingitan ito ng H sa pagitan ng salitang ugat at hulapi para sa mas maginhawang pagbigkas, ayon sa Balarilang Filipino ni Lope K. Santos.

Marami pang ganitong uri ng pagsasalita na madidinig sa mga telebisyon at radyo – na kung tutuusin ay pangunahing humuhubog sa kaisipan ng mga tagapakinig. Ang mga medyang ito, tandaan, ay sandata ring pang-edukasyon kaya dapat ay maging mapili at maingat ang mga brodkaster at mga manunulat sa radyo at telebisyon.

Ginagawa ko ito na para akong isang baliw sa gitna ng ilang. Humihiyaw sa kawalan. Kung wala kasing gagawa nito, sino pa?

Magandang Linggo ng umaga, at sana ay sumapuso at sumadiwa natin ang diwa ng Buwan ng Wikang Filipino. #

Ang sanaysay na ito ay isinulat noon pang August 31, 2014, araw ng Linggo. Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.  

Nakakahawa, nakakamangha

Ni Carlos Marquez

KUNG ikaw ay magsasaka ng palay na taga-Nueva Ecija at inis-na-inis ka sa Kongreso sa pagsasabatas ng taripa sa bigas; kung sumasagad na sa rurok ang kinikimkim mong galit sa mga nakakahiyang kamangmangan na ipinapakita sa mga desisyon at deklarasyon ng maraming opisyal ng gobyerno; kung hindi mo na talaga mapagkasya sa sikmura ang mga ipinalulunok sa iyong galung-galong dugo ng mga pinapatay sa tinatawag na gyera sa droga; kung nagpupuyos ka na sa himutok at galit sa pilit na panghihimasok ng mga militar sa mga paaralan at kanayunan; kung sa tingin mo’y nawawala na ang katinuan…tumula ka.

Ganito ang nasumpungang paraan ni Raymund B. Villanueva, isang aktibistang mamamahayag at makata, upang ibuhos ang naimbak na galit. Isinatinta niya ang mga galit na iyon at inilatag sa papel. Ang resulta: “Persolitika”.

LUNAS ang pagtula, o pagsulat nito – alternatibong lunas pero hindi panandalian ang bisa (palliative). Pangmatagalan. Upang guminhawa ang pakiramdam, ibinuhos ni Raymund ang marahil ay malaking bahagdan ng mga naipong likido sa katawan sa 100-pahina ng mga tula at litrato tungkol sa personal at pampolitikang kaisipan sa “Persolitika: Mga tula at larawan”. Ang mga sakit ng lipunan na nagmistula nang epidemya pagkaraan ng maraming panahon ay sinisikap lunasan ng mga manunulat – mamamahayag man o makata. Subalit habang patuloy ang matahimik na pagsigaw sa ibabaw ng papel, parang mas lalo pang dumarami ang problema. Parang mga gremlin na habang nababasa ay lalong dumarami. (Parang tagyawat ni Yolly Samson: “Sa kakaisip sa ‘yo tagyawat dumadami…”). Kaya nga, tumula nang tumula si Villanueva at may lunas na dala ang mga tula niya.

Katulad ng epidemya ang mga tula sa “Persolitika” – nakakahawa. At nakakamangha. Pati na ang mga dakilang haligi ng panulatang Filipino ay napatayo, napatigalgal, at sumaludo sa 23 tulang personal, 40 tulang politikal, at 32 larawan na may indayog din at sining. Dalawa sa mga nagpugay sa mga tula sa “Persolitika” ni Villanueva ay sina NVM Gonzales at Jose Ma. Sison. Sutsot lamang ng mga nota ng pangalan ng dalawang ito ay dumagundong na kampana na pumupukaw sa isang maingay na metropolis.

Si NVM Gonzales o Néstor Vicente Madali González ay isang higanteng nobelista, manunulat ng maiikling kuwento, at makata, na may gawad na Pambansang Alagad ng Sining Para sa Panitikang Pilipino nuong 1997. (Binigyan ni NVM ng pagkilala kung anong uring manunulat si Villanueva nuong 1995, apat na taon bago siya pumanaw). May gawad din siya ng pinakamimithi ng mga manunulat sa panitikan na Carlos Palanca.

Samantala, kilala ng marami si Jose Maria Sison bilang isang manunulat na aktibista na siyang nagtatag ng Communist Party of the Philippines.

Bakit ganoon na lamang ang pagpupugay ng mga bathala ng panitikang Filipino kay Raymund B. Villanueva?

Dumampot tayo ng ilan sa mga tula sa “Persolitika” upang malaman.

Sa tula, halimbawa, na “Sa Gabi ng Pangungulila” ay nakipagkumperensya si Villanueva sa mga salik ng gabi – buwan, kuliglig, batis, at hangin – upang punan ang nabuong gawak ng kalungkutan sa pagkakalayo sa kanyang minamahal. Romantiko si Villanueva. “Maglakbay tayo, giliw/At idampi bilang halik ang luhang naging hangin./Sana’y kanyang mabatid/Ako’y nagmamahal pa rin.” Akala ni Raymund ay siya lamang ang nakikipagbuno sa kalungkutan ng gabing iyon. Sa kabilang bahagi ng gabi, balisa rin marahil ang kanyang irog noon sa pagkakahiga.

Hindi ba kapag hindi makatulog ang mga bata, kukuwentuhan sila hanggang sa mamungay ang mga mata at lunurin ng antok ng mga ritmo ng mga kataga sa “Mga Kuwento ni Lolo Raymund”? Pero iba ang mga kuwento sa “Bedtime stories”. Ang kuwento niya’y hindi alamat ng siyudad (urban legend). Ang kuwento niya’s katatakutan. Mga nakakatakot na katotohanan. Mga signos ng panahon.

“When our children tire of stories
About our rich kings
We tell them stories of the queen’s warriors.
Soldiers well-drilled
In shooting unarmed peasants
Or defenseless workers
Mercenaries whose shield is the civilian populace
Whose commanders are foreign-trained.”

Sa halip na makatulog, ang mga bata’y magigising. Babangon, magmamasid, makikisangkot.

ANG lalim ng isang tula, ayon kay Jose Garcia Villa, ay katulad ng isang himala, may tugtugin katulad ng awit ng ibong “seagull”. Ang tulang masusumpangan sa maraming pagkakataon, kasama ang mga hinaing ng mga magsasaka, ay may talinghaga at musika.

Sa “Literal”, pakinggan po natin ang deklarasyon ng mga magsasaka sa Palo, Leyte nuong 2005. “Ang salita ng mga magsasaka: ‘Atin muling pagyamanin ang lupa./Subalit ang mga sundalo’y hindi kailangang/Maging literal.”

Sinabi ng mga magsasaka ng Palo, Leyte na “Nais naming ng matagalang kapayapaan.” Ang totoo, naging literal ang pag-intindi ng mga sundalo.

May robotikang pag-iisip ang mga sundalo. Programado.

Inilathala ng Pantas Publishing and Printing, Inc. at ng Kodao Productions, Inc., ang “Persolitka Mga tula at larawan” ni Raymund B. Villanueva ay mabibili sa Popular Book Store. #

Mabining Mandirigma: A hero’s reminder of what we fought against

Text and photos by Sanafe Marcelo

I was transported back in time as I sat mesmerized in the darkened theater, melodic voices enveloping my body, stirring my soul. I did not want to miss every single line by Nicanor Tiongson in this Chris Mallado-directed musical. Veteran stage actor and activist Monique Wilson enthralling me and the rest of the audience as Apolinario Mabini.

Scenes narrated the political intrigues in the time of Mabini, the main protagonist and one of the most important figures in Philippine history. As the “brains of the revolution against Spain,” the play showed how Mabini struggled to uphold the revolution and defend our Inang Bayan (nation).

Mabining Mandrigma means “The Gentle Warrior.”  The play is a precise presentation of who Mabini was, a gentle, revolutionary warrior despite his disability.

Monique Wilson is remarkable in her portrayal of the hero. Her heart and sincerity reverberates throughout the play, cloaking the audience like a thick fog in the early morn. What is exceptional is, she portrays a male character and ably carries it off. Such is her versatility, no doubt infused with the same fervor for national liberation as the hero she portrays. Her powerful voice rises among her co-actors, entertaining, teaching, imploring, as Mabini did during the years when a reasoned voice was most needed. 

The play’s anachronistic costumes were brilliantly designed by James Reyes, powerful messages in themselves. The cog wheels and the big classic clock as vital parts of the stage design help audience visualize the past’s connection with the present. The play also reminds the enthralled audience that young men and women answered the clarion sounded, a reminder so apt these days when young activists are vilified by their elders who, it seems, have forgotten this.

The songs marked the play’s progression. Their line evoked deep meaning, such that when the closing song begged, ‘Mahalin mo ang Pilipinas nang higit sa iyong sarili,’ there could have been no one that did not fight back tears. Indeed, some gave in and cried at Mabini’s tragedy, our history’s failure, our nation’s sorrow.

The play reminds us that history does repeat itself. What Mabini confronted in his day confronts us in ours. It begs the question, “Whatever our heroes sacrificed their lives for when, more than a hundred years after their mortal bodies have rejoined their beloved soil, we are still battling the very same demons?”

Mabining Mandirigma, an award-winning musical by the Cultural Center of the Philippines’ (CCP) resident theater group Tanghalang Pilipino, is being staged for the fourth time at the CCP. It runs until September 1. #

Ang Wikang Pambansa sa positibong lente

Ni Carlos Marquez

SA gitna ng mga balakid na pinagungunahan ng pagbabale-wala o kaya’y tahasang pagwawaksi ng maraming itinuturing itong bagay na madaling palitan, ang Wikang Pambansa ay patuloy na umaangat.

Punahin ang maraming nagkandautal sa pagsasalita ng Ingles o kaya’y anumang wika na nasusumpungan nila sa pambalanang media. (Maraming nadirinig na nagsasalita ng Koreano o Niponggo habang naglalakad sa mga pasyalan, na halatang ginagaya ang mga napapanood na tauhan sa mga teleseryeng Asyano). Pero, nais ituwid ng artikulong ito na hindi tinututulan ang pagsasalita ng Ingles o anumang dayuhang wika sapagkat ito’y bahagi ng likas na karapatan. Ang puntong binibigyang-diin lamang dito ay unahin na matutuhan ang, kung hindi man magpakadalubhasa, sa paggamit sa wikang, ayon sa matandang parirala, sinususo sa ating mga ina.

Kaya tuloy, ang tingin ng marami sa Filipino ay nananamlay at kailangan ang bitamina.

Subalit, mas marapat na sipatin ang kalagayan ng Wikang Pambansa sa positibong lente.

May kaisipang iniambag si Ben Domingo, isang retiradong propesor sa komunikasyon. Sabi niya’y dapat masdan ang Wikang Pambansa sa positibong paraan.

“Depende ito sa pagturing na “half-full” o “half-empty”. [Punahin, kung ganoon, sa isang banda, na may sariling kakanyahan ang mga wika. Katulad ng pariralang Ingles na “half-full” at half-empty”. Mawawala ang kahulugan nito kung isasalin sa Tagalog – nang literal]. Sa mga naniniwalang ang lenggwahe ay isang dinamikong fenomenon, malusog at masigla ang wikang Filipino dahil patuloy itong lumalago — nagbabago, nagdadagdag, at umaagapay sa mga nagaganap sa lipunan, lalo na sa mga hamon ng teknolohiya — sa pagdaan ng mga panahon.”

Bukod sa pagiging guro, nagbibigay rin ng lektura sa pamamahayag si Domingo. At ang masasabing marka niya, o kung saan siya higit na kilala, ay ang pagsasalita sa Filipino sa kanyang lektura. Masasabi ring lingwista sa kanyang sariling paraan si Prop. Domingo, na tinatawag ding BenDom ng kapalagayang-loob, dahil ginagamit niya sa ordinaryong pakikipag-usap ang mga salitang kanyang nakakalap sa kanyang mga paglalakbay sa pagle-lektura.

Ito ang puntong tinutumbok ng argumento ni BenDom.

“Sa kabilang pananaw lalo na ng mga pilit na nagkakahon sa lenggwahe, naaagnas na ito dulot ng pagbalahura ng mga kabataang madaling maapektuhan ng teknolohiya, lalo na ang pangmadlang midya.

“Pumapanig ako sa unang pananaw: na ito [Filipino bilang Wikang Pambansa] ay dapat nating tingnan na “half-full”.

Tinatanaw na “half-empty” ng mga may negatibong pagsasaalang-alang sa mga nangyayari sa paligid ang basong kalahati ang laman. Sa kabilang dako, ang mga positibong tao ay “half-full” ang baso. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.