Ang nakakatakot na bisyo ng pangungutang ni Marcos
Ni Nuel M. Bacarra
Mahirap ang walang pera. Sabi nga ni Rosanna Roces sa social media, “Mahirap mawalan ng pera, sa totoo lang. Pera is power. Pag wala kang pera s-it ka, t-e ka.” Ganito marahil ang karanasan niya na sumikat sa paggawa ng pelikula ngunit ngayon ay retirado na.
Sa maralitang komunidad, karaniwan na ‘yung pagungutang sa mga Indiano, “Bumbay” sa karaniwang taguring Pinoy. Madalas dito ay yung may maliliit na tindahan, mga naglalako sa kalye at iba pang may ‘di pormal na trabaho.
Mayroon namang nababaon sa utang, gaya ng ilang kabataang may trabaho na naengganyong kumuha credit card na inilalako ng mga bangko na samu’t-sari ang pangako, tulad ng mababang interes at annual dues. Gayundin ang may debit card.
Batay sa pananaliksik kaugnay sa sikolohiya ng pangungutang, madali ang paggasta dahil inaakalang mababayaran naman ito sa susunod na sweldo. Wala ka nga namang inilabas na pera na direktra sa bulsa kung gamit ang parisukat na plastik. Ang ganitong patibong ay malamang mauuwi sa labis-labis na paggasta. Uulit-ulitin ito at mauuwi sa pagkalulong at sa pagkabaon sa utang, na siya namang nagiging dahilan ng stress, depresyon at iba pang suliraning mental. Karaniwang biktima nito yaong ang mga tinatawag na “young adult” o Gen Z na ipinanganak mula 1997–2012. Sila ngayon ang bulto ng populasyon na karaniwang nagtatrabaho at sila rin ang braket ng populasyon na haling sa online engagement kabilang ang online trade transactions, at social media.
Sa mga maralitang komunidad, sa pabrika, sa palengke, sa paaralan at iba pang lugar sa bansa, karaniwan ang pangungutang dahil pandugtong at pantugon ito sa pangangailangan. Subalit hindi maikakaila na kalakhan ng populasyon ay nakararamdam na pahirap nang pahirap ang buhay sa kabila ng pagiging subsob sa paghahanap-buhay. Karaniwang larawan ito ng Pilipinas noon pa man.
Pero sa usapin ng pangungutang ng gubyerno, walang namamayaning sikolohiya dito kundi bisyo ng paggamit sa posisyon sa gubyerno at turing sa poder bilang personal na bangko.
Ang pinakamalalaking bansa, sabihin nang pinakamayayaman sa mundo, ay siyang pinakamalalaki ang mga pambansang utang gaya ng US, China, Japan, United Kingdom, France at iba pa. Wala namang batayan na makipagsabayan dito ang Pilipinas dahil malalakas naman ang ekonomya nila at relatibong may mataas na pamantayan sa serbisyo publiko, gaya ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, transportasyon at iba pa.
Ang pandemyang tumama sa buong mundo ay isang dahilan kung bakit nanawagan ang United Nations sa mga bansa sa G20 (mga bansang may hawak ng 75% na kalakalan ng kayamanan sa buong mundo) na magluwag sa usapin ng paniningil sa kanilang mga pautang. Pero ito rin ang panahon na nakaupo sa pwesto ang rehimeng Rodrigo Duterte na sumirit ang utang ng bansa mula ₱5.95 trilyon sa panahon ng rehimeng Aquino tungong ₱12.79 trilyon.
Sa loob naman ng dalawang taon pa lamang na panunungkulan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. umabot na ito sa ₱15.02 trilyon. At sa lahat ng presidente mula sa kanyang ama, si Pangulong Marcos Jr. ang nakapagtala ng pinakamalaki ang inuutang na umabot sa ₱101.2 bilyon kada buwan.
Kung ang problema sa utang ng mga Gen Z ay udyok ng pagiging bulagsak sa pera dahil sa pagsunod sa uso, hilig sa gadgets, madaling mabitag ng mga promosyon ng para sa rewards, ang bisyo sa pag-utang ng rehimeng Marcos Jr. ay udyok ng hangaring higit na makapagpayaman sa poder, mabawi sa pamamagitan ng pangungulimbat ang mga nakumpiskang yaman sa pamilya matapos mapatalsik sa kapangyarihan ang ama niya. Tipikal siyang pulitikong ginagawang negosyo ang kapangyarihan sa gubyerno.
Umiwas ang pangulo sa tanong kung saan ginamit ang pondo sa ipinagyabang niyang 5,500 flood control projects. At sa dami ng mga “proyektong” ito, tiyak na bilyun-bilyon ang gastos dito. Nananatiling walang kahandaan sa mga sakuna ang gubyerno at pakitang-gilas na lamang ang pamumudmod ng ayuda sa mga nasalantang komunidad ng maralitang mamamayan para pagtakpan ang mga hungkag na proyekto.
Ang lantad na mga proyektong pang-impraistruktura ay nakatuon sa serbisyo para sa mga base militar ng US sa bansa at sa pangangailangan ng malalaking negosyo. Mayroong 12 proyekto sa Luzon na popondohan ng aabot sa ₱2.126 trilyon kabilang ang Subic-Clark-Manila-Batangas Railway na kabilang sa tinatawag na Luzon Economic Corridor na napagkasunduan ng Pilipinas, US at Japan.
Maganda namang asahan na gaganda ang mga kalsada, daungan at paliparan pero hindi ito para sa mamamayang Pilipino nakalaan kundi para sa mabilis na serbisyo sa negosyo at base militar ng US na ang layon ay hamunin ang China sa gera gamit ang Pilipinas. Nakabalik ang mga Marcos sa poder kaya todo-larga rin ang pangangayupapa nito sa US at pabuya na lamang sa sinusunod nitong interes ng US ang pinanyal na pakinabang sa mga proyekto kabilang ang mga kasapakat nito sa ibang sangay ng gubyerno.
Imprastruktura ang pangunahing pinagkukunan ng kurakot ng mga pulitiko at nasa panukalang badyet ito sa taguring “unprogrammed appropriations.” At asahan na sa unang kwarto ng 2025, maglalabas muli ang Commission on Audit ng report na magsasabing 30%-40% ng badyet ang kwestyonable ang pinagkagastusan tulad halimbawa ng ₱125 milyong confidential and intelligence fund ni Bise Presidente Sara Duterte at hanggang doon na lamang yun.
Walang napapanagot!