Sa ibayo ng pampang
Ni Ibarra Banaag
Ano’t makitid ang unang mga hinuha,
makipot lamang tanaw na nakikita,
kung saan lamang itatapak mga paa,
nakatuon ang maingat na hakbang.
Sulong, lakad, tingin, lingon at hinto,
Lundag, tungo, sipat bahagyang yuko,
sabik at dahan dahang tinatalunton,
sa landas na lahat ay nakapaninibago
Iwas sa tinik, ingat sa sukal at sanga,
takot na sa isang iglap ay masalalak,
samakatwid ang isip ay kubakob,
makaisang panig na anino ng takot.
At kung hagok sa hinahatid ng kaba,
nakasalalay sa lakas ng loob at pasya,
na tumawid sa agos at lalim ng ilog,
biyayang baka matutunghayan sa ibayo.
Alalaong baga ang yungyong ng sanga,
ay hindi balakid na dapat agad putulin,
sa gayon ay sandata upang makatawid,
maingatan ang paa ay hindi mabasa.
Malimit sa hamon ng buhay at layaw,
suot ang patuki at mabilis sa pag-ayaw,
at iniiwasang sa malayo ay tumanaw,
ibaling, alamin, nasa kabilang pampang.
Katulad ng ilog at ragasa ng tubig,
ang bawat bahagi ay sakdal at dusa,
ang hindi mangahas lusungi’t languyin,
ibayo ng pampang ay di mararating.
–Abril 19, 2024