Posts

Ama nila

Ama nila,
Nasa malakanyang ka,
Sinasamba ng mga hangal ang ngalan mo,
Napapasa-amin ang kahibangan mo,
Sinusunod ng mga panatiko ang loob mo,
Dito sa lupa,
nabubuhay kang parang nasa langit,
Alimura, kabastusan at bala ang iyong pinapakain 
sa amin sa araw-araw,
Wala nang makapagpapatawad sa iyong mga sala,
Gaya ng galit namin sa pambabalahura mo sa amin,
Palagi mong ipinapahintulot sa amin ang de-lubyo,
At iniaadya mo kami sa ganap na paglaya.
Ang kaharian, ang kapangyarihan 
at kaluwalhatian ay nasa iyo,
ngayon ngunit hindi magpakailanman.

Ang kasaysayan ay sa Amin. Amin. Amin.

-Bryan Costa

(Ang makata ay pumanaw sa sakit sa puso kamakailan.)

Imahe mula sa KM 64 Poetry Collective na kinabilangan ng makata.

Ang Sagupaan sa PEPMACO

(Bahagi ng Isang TulaSerye)
ni R.B.Abiva

“Ate, bakit lagi nang ginagabi si Nanay?”
tanong ni Hana sa kapatid
habang nakaharap sa isang palanggana
na puno ng maruming labahin
na binabaran ng pulbos ng Champion.

“Eh paano, inaabot na ng dose oras
ang ating ina sa pagawaan ng sabon,”
tugon ni Calla habang abala ito sa paghuhugas
ng pinagkainan nilang mag-anak.

“Hindi po ba labag ‘yun sa batas Ate?
Ang alam ko kasi ay walong oras lang dapat
ang trabaho ng mga manggagawa.
‘Yun din kasi ang sabi ng titser ko,”
wika ni Hana habang nakakunot
ang noo. Nahihiwagaan. Naguguluhan.

“Labag ‘yun! Sinabihan ko na nga dati
si Inay na umalis na sa kanyang trabaho
kasi maglilimang-taon na siyang
tagasako ng sabon ay kontraktwal pa rin siya.
Kaya nga hindi rin natin siya masisi
kung bakit pilit niya tayong pinagkakasya
sa barung-barong na tinitirhan natin ngayon
na ‘di hamak na mas maganda pa ‘ata
ang bahay ng alagang aso ni Simeon Tiu,
at mahal pa ang mga bilihin sa palengke,”
mabigat at padabog na sagot ni Calla.

“Nagkakasakit na nga rin si Inay.
Noong nakaraang linggo’y sinamahan ko siya
sa Pagamutang Bayan, paano ba naman kasi’y
mahigit isang linggo na ang kanyang ubo
at parang kinulam siya kasi nagbabalat
ang kanyang kamay na parang may galis
na ‘di mo malaman. Ang sabi ng doktor,
baka nakuha niya sa pagawaan.
Niresetahan naman siya
ng gamot ni Dok Isko,
kaso ang mamamahal.
Sinabihan pa niya si Inay na kailangan niyang magpahinga,
kaso, tahimik lang na tumango si Inay na para bang
may malalim na iniisip,” ‘ika ni Hana habang pinipiga
ang hawak-hawak na damit.

“Naku, asa ka pa eh nung Mother’s Day nga ay
ni hindi sila pinagpahinga. Sayang daw kasi ang kita
sabi ng boss nila. Kaya baka sa darating na panahon
ay magising na lamang tayo isang umaga na
matigas nang bangkay si Inay dahil daig pa
ang kalabaw kung kumayod sa pagawaan,”
sagot ni Calla habang isa-isang inaayos
ang mga tinidor, kutsara, plato, at mangkok.

“Ay! Ay! Ate! Kanginong damit ito
at bakit may bahid ng dugo!
Sa iyo ba ito?!
Ay! Ay! Bakit damit ito ni Inay!
Anong nangyari sa kanya?!” nang gulat-naghuhumiyaw
na si Hana.

“Kasama si Inay sa mga walang-awang sinaktan
ng mga eskirol ng pagawaan. Ayon sa kuwento
ni Aling Igmeng Panot ay nahampas ng batuta sa ulo
si Inay. Buti nga sa ulo raw ang tama ng ating Ina
kaysa sa asawa ni Asiong Bingi na bali raw ang ilong
at kahit na babae’y pinagtatadyakan pa daw sa tiyan
at dibdib at mukha. Kaya nga halos pumutok ang butsi
ng kanyang asawa sapagkat dinugo ito sa mismong barikada
nilang mga manggagawa. Nakakakilabot daw ang eksenang iyon
na parang sa pelikula lang daw nakikita,” nanginginig na sagot ni Calla
habang nakakuyom ang kanyang basang kamao.

“Bakit hindi ko ito alam Ate?!
Bakit ‘di mo agad sinabi?!”
tugon ng nakatayo’t naghihimutok
sa galit na si Hana.

“Paano ba naman kasi’y lagi kang abala sa inyong eskwelahan
at kung umuwi ka’y libro at pagbabasa ang iyong unang inaatupag,”
nang parang naniningil na tinig ni Hana.

“Eh nasaan na si Inay?” dagling bigkas ni Calla.

“Wala siya rito, pagkatapos mag-agaha’y pumunta sa pagawaan,
sa may barikada ng gaya niyang manggagawa,” maikling sagot ni Hana
habang nakayungyong ang ulo sa lupa na para bang uhay
ng palay na kay bibigat ang pasang butil.

Pagkarinig sa paliwanag ng kapatid
ay animo’y kidlat na kumaripas ng takbo si Calla
patungo sa barikada kung nasaan ang kanyang Ina
at iba pang mga Ama at Ina
na nakikibaka.
At nang mga sandaling yaon
ay nakabukas ang kanilang telebisyon
may mahinhin-malambing na tinig,
at boses ni Susan Roces iyon,
habang isa-isang lumalabas
ang imahe ng mga magkakaparis-
mag-asawa ang mga iyon
na nakasuot ng puting dami
na ang bawat paglabas nila’y sinasabayan
ng islogang “ Mula Noon, Ngayon At Magpakailanman,
Ang Champion Ay Tapat Sa Inyo.”

Hunyo 28, 2019
Lungsod ng Quezon, Maynila

Ritwal ng pagtataboy

Kay Imee Marcos

Wikipedia image.

Nais mapaalis ang espiritung panis 
sa tanggapan ay guni-guning naiwan ni Trillanes

Mula noon hanggang ngayon
gamit ng angkan ang ritwal ng pagnakaw

Lahat ng bagay, inangkin at hinuthot
dulas ng dila, inari pati liping Igorot

Pakawkaw* ay basbas ng pag-indak at pagpadyak
sa kabutihan ay pagpukaw, sa kamalasan ay pagsindak

Gangsa** ay may tunog ng kilabot
nanaghoy ang katarungan kay Macli-ing Dulag sa tribu ng Butbut
Gusali ng yabang, dinaan sa paspasan
dinilig ng dugo, buhay na tinabunan

Kinatay na aso, manok at baboy na inialay
aninag ang imahen sa apdo’t atay

Mambunong,*** napuno nang takot 
at bitaw ang nginig na tinig

“Senadora, ay mi…dalawang mukha ng espiritu ng ‘demonyo’…
walang dili iba, kundi ang ‘yung ina’t amang tirano!”

Kwentulang Marino (Ed Romano Labao)
28 Hunyo 2019
1:30 n.u

*pakawkaw-sayaw sa pagtawag sa mabuting espiritu at pagtaboy sa masama

**gangsa-bronze gong

***mambunong-native priest

KUNG PAANO MAGDILIG

Sa alaala ng Maguindanao Massacre

 

Nabibitak na ang lupa sa malawak
Na kapatagan ng Maguindanao.
Ngayo’y hindi naman tagtuyot,
Ngunit tigang ang rabaw
At sementadong kalsadang
Dinaraanan nila.

Tirik ang araw. Walang ulan
Na puwedeng maging dahilan
Ng alimuom, ngunit nakapagtataka
Na may ibang singaw
Ang lupa. Maaamoy mo ang sangsang

Na bitbit ng mga sumasayaw na dahon.

Hindi ito ordinaryong hapon. Kailangan nilang magdilig –
Upang hindi mamatay
Ang mga halaman at tanim.
Kaya’t sila ay nagdilig nang nagdilig.

Bitbit ang pag-asang maibabalik

Muli ang dating samyo
Ng probinsya.

Tahimik ang paligid.
Kanta lamang
Ng mga ibon ang maririnig.
Ngunit kung nanaising tumahimik –
Madidinig ang alingawngaw
Ng mga katawang nakatanim,
At kung paano sila itinanim.

Kung susumikaping imulat ang mata –
Makikita sa tintadong lupa
Kung anong likido ang kanilang pinang-igib,
Para gamiting pandilig
Sa bitak-bitak na lupa kung saan
Nagpatong-patong ang iniwang gunita.

11.23.18
Andre Gutierrez

WHICH SHALL COME AHEAD?

By Jose Maria Sison

Which shall come ahead?
The blazing of forests,
The thawing of icebergs,
The rise of oceans,
The drowning of cities,
The parching of the land,
The whimpering death?

Which shall come ahead?
Sudden fright at the big burst,
Mushrooms in the sky,
Blinding light in a trice,
Before the endless night
Under the seamless fog,
The freezing of the land?

Which shall come ahead?
The endless rule and lure of greed,
The cycles of boom and bust,
The captive flow of blood and sweat,
The ruin of the greenscape,
Or the breaking of chains
To end myths of the endless?

Which shall come ahead?
The rise of the human spirit,
The liberation of the oppressed,
To smite the vile sources
Of greed, wars and plunder
To end the absurd choice
Of calamity to doom all humankind.

 

ALIN ANG MAUUNA?

Alin ang mauuna?
Ang pagliyab ng mga gubat,
Ang paglusaw ng mga yelong bundok,
Ang pag-ahon ng mga karagatan
Ang paglunod ng mga lungsod,
Ang pagtigang ng kalupaan.
Ang maungol na kamatayan?

Alin ang mauuna?
Biglang takot sa pagsambulat,
Mga kabute sa kalangitan,
Saglit ng makabulag na liwanag,
Bago ang gabing walang hanggan
Sa ilalim ng walang siwang na ulap,
Ang pagyelo ng kalupaan?

Alin ang mauuna?
Laging paghari at tukso ng kasakiman,
Mga siklo ng paglobo at pagsabog,
Ang binihag na daloy ng dugo at pawis,
Ang pagwasak sa luntiang tanawin,
O ang paglagot sa mga tanikala,
Nang wakasan ang mga mitong walang hanggan?

Alin ang mauuna?
Ang pagtayog ng makataong diwa,
Ang paglaya ng mga inaapi,
Upang bigwasan ang mga imbing bukal
Ng kasakiman, digmaan at pandarambong
Nang wakasan ang balighong pagpili
Ng kalamidad na tatapos sa sangkatauhan.

             —Utrecht, October 16, 2018

WHICH SHALL COME AHEAD?

By Jose Maria Sison

Which shall come ahead?
The blazing of forests,
The thawing of the icebergs,
The rise of the oceans,
The drowning of cities,
The parching of the land,
The whimpering death?

Which shall come ahead?
Sudden fright at the big bang,
Mushrooms in the sky,
Too much light in a trice,
Before the endless night
Under the seamless fog,
The freezing of the land?

Which shall come ahead?
The endless rule and lure of greed,
The cycles of boom and bust,
The flow of blood and sweat,
The ruin of the greenscape,
Or the breaking of chains
To end myths of the endless?

Which shall come ahead?
The rise of the human spirit,
The liberation of the oppressed,
To smite the vile sources
Of greed, wars and plunder
To end the absurd choice
Of disaster to doom all classes?

Utrecht, October 13, 2018

Oras Na

ni Rene Boy Abiva

 

Dinggin mo ang bulong sa bayan na yaon-

ang nakatutulig na iyak ng mga sanggol na gutom at uhaw

ang animo’y kulog na lumagapak na atungal

at alulong ng mga inang balo

habang nakaluhod sa harapan ng mga batong santo at kahoy na krus.

 

Nawa’y sa pagdampi ng katotohanang ito’y mabuo ang ‘yong pasya

na lipulin ang mga galamay ng Haring Pugita

gayundin ang patuyuin ang bukal ng kanilang ubod nang itim na kaluluwa.

 

Nawa’y sa pagsanib ng naipong himutok at himagsik sa ‘yong kaibuturan

ay mahanap mo ang ‘yong sarili sa piling ng mga laging api.

At kung mangyari man ‘tong ganap ay oras na

upang ika’y gumising sa dati mong kabaliwan

na ang hangganan ng mundo’y nagtatapos lamang

sa abot-tanaw ng ‘yong hubad na mata.

 

Oktubre 8, 2018
Lunsod ng Queson, Maynila  

Agaw Agimat

ni Rene Boy Abiva

 

Kayong lagpas dekada nang binubusabos

piniga’t pinatiwatiwarik hanggang sa dumausdos

at malagutan ng buhay

at damputi’t itapon sa libingang tila bangin

ang bangis at lalim.

Lagpas dekada na rin pala

nang mapangahas n’yong tahakin

ang ipinagkait sa inyong mga tanawin,

ang lahat ng imaheng abot ng inyong paningin

kabilang ang dalumoy na lumalambitin

sa ngala-ngala ng papawirin.

 

Ah, lagpas dekada na rin pala

nang ang dating kinatatakutan n’yong mga pangitain

ay inyong naitaboy

nang sama-sama n’yo itong dinaluhong

sa gitna ng mga nagbabagang gabi.

 

At kayong lagpas dekadang dinusta

ng uring tuta ng Amerika,

bigkisin n’yo ang inyong paglilirip

at tibayan ang hanay

nang sa daluya’y inyong masilip

ang kasaysayang naghihintay

at kailangang masagip:

mapalaya ang lupa

at mundo sa kapital at makina.

 

October 5, 2015
Ifugao District Jail
Kiangan, Ifugao

Ang inyong matatamis na ngiti

Ni Ibarra Banaag

 

Sana’y di nagkamali sa treno’ng inyong sinakyan.
Nakakaaliw man at nakakabingi ang hagikgikan.
Ang sumakay ay di libre bagkus ay babayaran.
Ng buwis at inutang sa kawatang dayuhan.

Sana ay may preno ito sa pag-arangkada.
At ng di rumagasa sa mga barong- barong.
Malimas, madambong, pilak, gas at ginto.
Habang pinapatag matatayog na bundok.

Hiling ko sa pasahero ng Train 1 at 2.
Dumungaw naman kayo sa bintana ng bagon.
Masdan ninyo ang pumipila sa palabigasan.
Habulin niyo ng tingin ang mga Inang luhaan.

Sana’y maalimpungatan sa liliw ng bangungot.
Hindi dilaw ang buhay at dugo na nangalalagas.
Hindi pula ang naghahangad ng pagkawasak
Kundi ang uring sumasaklot sa katarungan.

Sa tuloy tuloy na pagragasa ng inyong tren.
Hindi lang puno ang nabubuwal kundi buhay.
Hindi lang ilog ang natutuyo kundi lalamunan
Hind lang burol ang napapatag kundi komunidad.

Hindi kalaban sa politika ang nakukulong.
Ang nasa piitan ay demokrasya at kamangmangan.
Hindi katungali sa eleksyon ang nasa bilibid.
Kundi ang kalayaan sa isang makatarungan lipunan.

Ako sa inyo ay may isang panalangin.
Na ‘wag maunsyami ang inyong pagbubunyi.
Kung kayo na ang biktima ng panggigipit.
Tumimbwang at sabihin kayo’y nanlaban.

                  –Setyembre 26, 2018

Banwar / Bayani

Ni Rene Boy Abiva

 

Banwar

 

Maysa malem nga naglabas

permi dung-aw ni Rosas

mabalin siguro nga nalagip na

dagiti annak na nga immadayo

dagiti annak na nga nagsakripisyo

dagiti annak na nga nangidaton iti biag

dagiti annak na nga iti maysa nga puyot ti paltog

ket naburas kasla nasam-it nga ubas ken mansanas.

 

                                                                      Setyembre 9, 2018

                                                                     Syudad ti Kabanatuan, Nueva Ecija

 

Bayani

 

Isang hapon

panay ang tangis ni Rosas

maaari siguro na kanyang naaalala

ang kanyang mga anak na nalayo sa kanya

ang kanyang mga anak na nagsakripisyo

ang kanyang mga anak na nag-alay ng buhay

ang kanyang mga anak na sa ‘sang ihip ng baril

ay naani na gaya sa matamis na ubas at mansanas.

 

 

                                                                            Setyembre 9, 2018

                                                                           Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija