Posts

Ang pato at tandang

( ‘Wag kami idyota!)

Ni Ibarra Banaag

Isang umagang kay ganda,

nagkasalubong ang dalawa,

sa lungga ng mga buwaya,

ng kuro-kuro at komedya.

Si Pato ay kumakatawan,

sa kulumpon ng kadiliman,

‘to naman si King Tandang,

tagapagtanggol ng katwiran.

Kwak kwak, mister ispiker,

kabataan ngayo’y bulnerable,

kaloka na mga impormasyon,

papalapit na ang Armaggedon.

Mister ispiker, bati ni Tandang,

ako po’y nagtapos na may honor,

kaya’t ‘wag paratangang lito,

sa paksang dito nakadulog.

Kwak kwak, mister ispiker,

hindi po ako kami mga dugyut,

bulnerable, nga’t inkredible,

mis-impormasyon may perdible!

Mister ispiker, bati ni Tandang,

kaming kabataan ay di bobo,

ayaw namin na kapuntahan,

isang mangmang sa lipunan.

Kwak kwak, mister ispiker,

I therefore conclude the world youth,

ay really bulnerable pati gayut,

kaya po ako nagpapa-kyut!

Mister ispiker, sabi ni Tandang,

ang lumaking walang muwang,

sa mundo at kasaysayan,

isang insulto sa’ming talas at talino.

Kwak kwak, mister ispiker

hindi ko ugali na magpa-bebe,

talaga po kasing bulnerable,

kaming kampon ni Baby Em.

Mister ispiker, kaming milenyo,

ay di katulad ni Ginang Pato,

na hindi pwedeng mamanipula,

ng mga gawa-gawang litanya.

Kwak kwak, mister ispiker,

i-clear ko lang, di ako bitter,

regarding somebody else’s agenda,

bulnerable ang pork sa merienda.

Mister ispiker, ‘yan bang kurikulum,

na ituturo niyo sa klasrum,

ay babaluktot sa diktadurya,

kaya bulnerable ang masa?

Setyembre 21, 2023

Panata ng Naiwang Panyapak

Ni Pia Montalban

Hindi na namin sila nasamahan

kahit amin nang nakasanayan

na hindi mag-iwanan

liban pahinga ang nananawagan.

Kasama nila kami sa mga pamayanan,

nakinig ng hinaing ng mga mamamayan,

nakilakbay sa mga mamamalakaya,

naging kaisa sa kanilang mga panawagan.

Subalit, nang gabing iyon, maulan

sa kalsada ng Manrique, iniwan

ng mga hiyaw na pumailanlang

sa pamayanan—ang aming paalamanan.

Tigalgal kaming mga naging piping saksi,

mga naiwang ulila sa may-ari at kapares,

mga walang buhay na bagay

pero punumpuno ng ingay.

Ituturo namin na may naganap na dahas,

na may naisakatuparang krimen.

Patunay na totoo ang pananakot at teror.

Kami ang nagpangalan sa mga biktima.

Kami na saksi ng sapilitang pagkawala,

nang marahas na hatakin

ng mga armadong lalaki

ang mga katawang may suot sa amin;

Na pinilit pang umakyat ng tarangkahan,

magmakaawa na masaklolohan;

magpumiglas sa tangkang pagpapatahimik,

magpakaladkad huwag lamang mabitbit.

Saksi kami sa kanilang mga bigat,

sa bawat hakbang nilang lapat,

sa bawat mithi nilang payak,

sa bawat pangarap nilang tiyak.

Hindi na namin sila nasamahan.

Hindi na namin sila nasamahan.

Susunduin na lamang namin ang hustisya,

hahanapin ang dalawang kasama.

= = = = = =

Sina Jhed Tamano at Jonila Castro.

Dinukot ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan sina Jhed Tamano at Jonila Castro, mga dating mag-aaral ng Bulacan State University noong ika-2 ng Setyembre, 2023. Sina Tamano at Castro ay mga organisador ng mga pamayanan sa Bataan at Bulacan na apektado ng sari-saring proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Pakitang-tao

Ni Ibarra Banaag

Sangdamungkal ang problema ng bansa,

ang inatupag ay magpintura ng upuan sa iskwela,

milyon ang di makaagapay sa taas ng bilihin,

mas abala na magpalitrato at mang-aliw.

Pabalat-bunga ang tingin sa dalang tungkulin,

pakitang-tao lamang ang kinakayang gawin,

panay buladas at hungkag sa katotohanan,

ang paaralan ay entablado ng litanya’t palabas.

Isang insulto sa kaguruan ang iskrip na sinulat,

naka-barong at balat na sapatos ang karakas,

nakabihis at meyk-ap, plantsado maging buhok,

pilit pininturahan ang sistemang nabubulok.

Pagkatapos ng klik at kislap ng litratuhan,

mamayagpag muli sa lubid ng kasinungalingan,

magpupulasan sa nakaatang na mandato,

iiwanang naka-nganga ang pagod na guro.

Pawang pagpapanggap, ampaw na mga galaw,

Ilang minutong kinang sa harap ng kamangmangan,

ang mga ngiti, pagkamay, bati at pagkaway,

ay pakitang tao sa edukasyong nakagulapay.

–Hulyo 13, 2023

Paniniwala

Ni Benito Tiamzon

Ang linyang nagbubukod ay siya ring nagdudugtong.

Ang nakatuturol na guhit na nagbibigay hanggan

at hugis sa lahat ang umpisa at dulo

ng inaalam na kahulugan.

Ngunit ang linyang nakapangyayari ay usbong,

Tanda din lamang ng mga bagay, ugnayan at proseso.

Ito ay umpisang iniresulta at gaya ng lahat

may sarili niyang oras.

Hangal ang sumasamba sa tatag ng namamayani

Sa walang-hanggang pagkakahati ng banal at sala

sa taas ng pader na naghihiwalay

sa tinatanggap at itinataboy.

Ang nagnanaknak na hapdi ng mga tinatapakan

ay asidong uuksa sa pinakamatibas na moog.

Lalamunin ng apoy sa parang ang lahat ng sagwil

at bibigyang-daan ang bagong simula.

Walang tigil, kumukulo ang kaibuturan ng mundo.

–26 Mayo 2014

Akala mo’y libre…

Ni George Tumaob Calaor

walang libreng sakay…

sa piniga nilang sobra-sobrang buwis

matagal mo na yang binayaran

mula sa iyong pinagpawisa’t kinayod ng paguran

sobrang bayad na ang mga iyan.

Teka nga…

Sinong ayaw sa modernong sasakyan

kung ito ay hindi nakasasagasa

sa hanapbuhay at kabuhayan…

sino ang mag-aayaw sa kumbinyente’t

magarang unit para sa kapakanan

ng mga komyuter na pinagsiserbisyuhan…

kung ito ay biyaheng hatid ay patas na sagana

at ang ruta ay pangkaunlaran—makabayan.

Ngunit sa itong iskemang mapanggantso’t

Martial Law na isinusubo—prangkesa’y ipinasusuko

sa hatol ng mga malalaking lokal

at kakutsabang dayong paluhod na kinakatigan…

modernisasyong halaga’y milyon milyong

lagpas sa kakayahan ng mga ordinaryong tsuper

at maliliit na operator na kukurampot ang kinikita

karamihan ay humahabol sa mga bayarin

at utang na sakay sa tubuan…

ito ay isang busina ng permanente pagpaparada

sa garahe ng kabangkaroteha’t kawalan…

biktimang paharurot na sinunggaban

sa monopolistang pakanang

mas malupit pa sa hit and run.

Asukal

ni George Tumaob Calaor

hindi ka na lalanggamin

sa pait ng presyo, hindi na aamagin

tamis mo’y halagang hindi na kayang abutin

tamis ka ng buhay, na ikakait sa amin.

Gaya ng asin, dayo ka nang idadaung sa amin

habang tubuhan, ay magiging tambakan na lang

ng tabas at espading naming kakalawangin

at ang kampo mong pinagsibulan

ay maging lawak na mga baston

ng mga kalansay ng mithing saganang buhay

na dekada na naming ipinapanalangin!

May bagong lipunang antigong niluma

ng masaganang tamis ng panglilihis

kung ano ang ugat ng pagkadalita

magkaakbay ang dayo

at panginoong-may-lupa

kay pait ng hagod ng bawat saknong

sa talumpati ng mapagkanulong panauhin…

kakawala na ang pagtitimpi

sa dibdib ng mga sakada…

tapos na ang panalangin!

Pakitang tao, isang insulto

Ibarra Banaag

Hulyo 27, 2022

Magpalit man ng hunos ang ahas ay ahas pa rin,

Magbago man ng kulay ang hunyango sa sanga,

O lumipad ng matayog sa langit ang uwak,

Taglay na uri at ugali ang magtatakda ng lahat.

Manghiram ka man ng kasuotan ng minorya,

O humarap sa madla na animo prinsesa,

Kahit may putong na korona at palamuti,

Batid ng masa ang ‘di malinis na budhi.

Hindi kayang ikubli ng pagpapanggap,

Gawing panangga sa mata ang damit nila,

Panghahalibas na nagtataboy sa kanila,

Hindi nito matatakpan ng damit na kinopya.

Kung iba ang tinuturan sa ginagawa,

Walang saysay na ” magpabibo” sa katutubo,

Kung totoong ikaw ay isang “nagmamahal”,

Bakit pinapasara kanilang iskwelahan!

Magsuot man ng porselas o kwintas,

Isa lamang dinastiya ang namamalas,

Kung saan nagpapasasa ang mga kapatas,

Kaya’t ang gimik ay malinaw na palabas.

Marami ang nilalang na mapanlinlang,

Magpalit man ng kulay at ng kaliskis,

Na nang-aakit ng mga buhay na malilingkis,

Nagsusuot ng balabal ng lahing kinukutya.

Ang tunay na “respeto” sa Manobo at Lumad,

Ay paggalang sa kanilang tahanan at gubat,

Kung isa ka sa nagpapalayas sa tao at anito,

Paimbabaw ang ginagawa at isang insulto.

Kahit sa balangkas ng pabalat-bunga,

O sa pamantayan ng isang hubad na komedya,

Ang salat at walang laman na pagkukunwari,

Sa mata ng mga ninuno ay nakapangdidiri.

POEMS FOR RICHARD GAPPI

Who recites for the poet gone?

By Rebecca K. Lawson

Words fall short

as teardrops fall

for another poet

too soon gone.

Brilliance

still glows

as storms of imagination,

illuminating

truth and empathy

facts and relevance

with that certain stardust

in the tip of the pen

of one most talented

who awakened

our souls

and opened our eyes

with a poet’s lens.

Farewell, dear friend.

We feel you still.

Tears reverberate,

cascading sorrow

to balm that space

where poets

grieve.


Ganito Kita Nakilala

Ni Pia Montalban

Nakahasa lagi ang iyong mga akda

Handang tumagpas sa mga tampalasang

Humahabi ng kaapihan sa kanayunan

Para sa iyo ang mga taludtod at saknong

Ay mga sundang, kampilan, at gulok

Na mananabas ng pagsasamantala

At pigura ng wika ay nasa mga bisig

Ng mga nagpapagal

Para may pagkain tayo sa lamesa

Malutong ang iyong mga putang-ama

Asido ang mga talinhaga

Lason sa mga nagpapahirap sa mamamayan

Hindi naghahanap ng mga sukat at tugma

Basta laging linyado ang bawat mong linya

Sumasagot sa ating mga “para kanino?”

Tumitindig para sa wasto at totoo

Tapat na mamamahayag ng mga pangyayari

Kaibigan at kakampi ng mga api

Ganito kita nakilala, Gappi.


PAMAMAALAM

Para kay Richard Gappi

Ni Raymund B. Villanueva

Wala nang bagong tula

Pumanaw na ang makata.

Wala na ang nagpamangha

Ng hinabi-habing salita

Na kurot-puso’t haplos-kaluluwa.

Wala na ang makata

Iwan ang biglang lumang tula.

2:03 nh

16 Hulyo 2022

Liwasang Rizal, Maynila

‘DI MO MAN AKO KINANDILI

Akin muling lilisanin ang itinakdang tipanan,

Sa kumukulong singaw ng aspalto na lansangan,

Kung saan sumibol at yumabong ang pag-ibig,

Sa diwa ay sumiklot at nanalaytay na dalahin.

Wari ko hindi ito ang unang ginawang pagtakyas,

Ng ako’y narahuyo sa kagandahan at pananaw,

Nakabukol sa dibdib sa balikat ay nakaatang,

Nakayukong bigo na gisingin silang karaniwan.

Nakaukit pa sa aking isip ang iyong mga pangaral,

Tanda ko pa ang mga balangkas ng pag-aaral,

Dalisdis na tinalunton sa lakad na umaambon,

Mga mukhang umasa na makakamit ang layon.

Na ang buhay ay mahalaga lamang kung malaya,

At hindi saklot ng dusa at iilan ang kumakawawa,

Na batid natin lahat sa bawat kuro-kuro na inusal,

Ay hindi sapantaha ng naghahangad pumiglas.

May nagngingitngit sa aking kaliwang dibdib,

Dahil hindi man lang nasambit laman ng isip.

Minamahal kong Maria, Juan, Pedro at Iska,

Paumanhin sa mga naudlot na pagpapakilala.

Bakit nga kaya inalayan ka ng labis na pagsinta,

Gayong nakatuon sa iba ang ‘yong mga paghanga,

Sa naunsyaming hibik ng bigong mangingibig,

Ipagpaumahin sinta nabigong panata ng pag-ibig.

Wag sanang ihambing ang tula sa isang retorika,

O laos na makatang nanghiram ng mga salita,

Sa tuwing inaasam na makadaupang palad,

Tila ba umiiwas at tinatangkang tumakas.

Marahil sa hinaharap muli kita’y magkikita,

At hangad na sulyapan ang namuong pagsinta

Ngunit ang duda na mauwi na lang sa wala,

Ang maraming kwentong naumid yaring dila.

Ako’y naninimdim at naninibugho sa iba,

Pagkat hanggang ngayon ay tangan ang sandata,

At sa mga martir na humimlay sa iyong kandungan,

Paghangang tataglayin sa huling hantungan.

Walang panunumbat ni walang paninimdim,

Kahit anong bigat ay handa na kikimkimin,

Sukdang katahimikan ay hindi na maangkin,

Ay hindi magsasawa bingi man ang langit.

Ibarra Banaag

Hulyo 2, 2022

UMAGA MATAPOS ANG HALALAN

Ni Raymund B. Villanueva

Umaga matapos ang halalan

Ay bumangon upang maghatid

Sa manggagawang may pasok.

Kape ang tuluyang gumising mula sa tila bangungot

Na balita sa resulta ng botohan.

Dumaan sa UP upang makapaglakad-lakad

Ang sintang asong naiwan noong kami ay bumoto.

Pag-uwi ay inaalo-alo ang kabiyak na umiiyak:

“Anim na taon na namang ganito.”

Sa radyo, kasunod ng pangalan ng mga nanalo

Ay anunsiyo ng pagtataas na naman ng presyo

Ng gasolina’t krudo, apat na piso kada litro

At bayad sa mga ekspreswey.

Sa daan ay nakita ang laksa-laksang tao

Nakapila ng pagkahaba-haba, buong tiyaga

Naghihintay ng masasakyan—walang ibang mapaghahambingan—

Patungo sa katayan.

“Ayoko na!” bulalas ng isang kabataan sa social media.

“Nais pa ng pamilyang magpatuloy ako ng pag-aaral.

Para saan pa, lahat naman sila

Sa magnanakaw ang balota?”

Sa anibersaryo ng pagpaslang kay Bonifacio

Ang reyalidad, parang sumikat na araw

Mainit, nakakapaso’t walang pakundangan

Umaga matapos ang halalan.

–11:30 ng umaga

10 Mayo 2022

Lungsod Quezon