Paniniwala

Ni Benito Tiamzon

Ang linyang nagbubukod ay siya ring nagdudugtong.

Ang nakatuturol na guhit na nagbibigay hanggan

at hugis sa lahat ang umpisa at dulo

ng inaalam na kahulugan.

Ngunit ang linyang nakapangyayari ay usbong,

Tanda din lamang ng mga bagay, ugnayan at proseso.

Ito ay umpisang iniresulta at gaya ng lahat

may sarili niyang oras.

Hangal ang sumasamba sa tatag ng namamayani

Sa walang-hanggang pagkakahati ng banal at sala

sa taas ng pader na naghihiwalay

sa tinatanggap at itinataboy.

Ang nagnanaknak na hapdi ng mga tinatapakan

ay asidong uuksa sa pinakamatibas na moog.

Lalamunin ng apoy sa parang ang lahat ng sagwil

at bibigyang-daan ang bagong simula.

Walang tigil, kumukulo ang kaibuturan ng mundo.

–26 Mayo 2014