Pakitang-tao
Ni Ibarra Banaag
Sangdamungkal ang problema ng bansa,
ang inatupag ay magpintura ng upuan sa iskwela,
milyon ang di makaagapay sa taas ng bilihin,
mas abala na magpalitrato at mang-aliw.
Pabalat-bunga ang tingin sa dalang tungkulin,
pakitang-tao lamang ang kinakayang gawin,
panay buladas at hungkag sa katotohanan,
ang paaralan ay entablado ng litanya’t palabas.
Isang insulto sa kaguruan ang iskrip na sinulat,
naka-barong at balat na sapatos ang karakas,
nakabihis at meyk-ap, plantsado maging buhok,
pilit pininturahan ang sistemang nabubulok.
Pagkatapos ng klik at kislap ng litratuhan,
mamayagpag muli sa lubid ng kasinungalingan,
magpupulasan sa nakaatang na mandato,
iiwanang naka-nganga ang pagod na guro.
Pawang pagpapanggap, ampaw na mga galaw,
Ilang minutong kinang sa harap ng kamangmangan,
ang mga ngiti, pagkamay, bati at pagkaway,
ay pakitang tao sa edukasyong nakagulapay.
–Hulyo 13, 2023