Lihim ng kalihim

Ni Ibarra Banaag

Datapuwa’t sino man ang umaako,

sino man ang sumalo o sumagot,

sa mga tanong at usisa sa kalihim,

mabubunyag pa rin ang nililihim.

Kahit pa bastos at haragan ang litanya,

panduduro at paglulubid ng patutsada,

malalantad lamang ang kahungkagan,

at umaalingasaw ng mga sabwatan.

Hindi lamang pala sa mga nakapaskil,

sa silid aralan ang nais baklasin,

kundi ang kasaysayan ng diktadurya,

nilalabusaw ng walang patumangga.

Dahil kaya sa 125 na milyong pondo,

na sinasabing bawal ng Konstitusyon,

pagsapaw sa tungkulin ng Kongreso,

pero pinipilit ng ilan na ma-abswelto.

Bawal subalit nagbubulag-bulagan,

mali ngunit binibigyan ng katwiran,

nakapangyayari kahit pa iligal,

ipinagtatanggol ng walang kagutal-gutal.

Bukod tanging ahensya ng gobyerno,

na busog at bundat na bundat sa pondo,

ang bansag at tawag sa iskwela,

“sipsip” kasi kaya may medalya.

Aba aba bulaga yaong mga ulaga,

ilang araw parang naglahong bula,

kung lumustay ay walang humpay,

masaya’t mayabang ang garapal!

Ngunit ang higit na nakakabahala,

sa mga mambabatas ay okey lang,

at papatayan ka pa ng mikropono,

mga tonto’t balasubas sa Kongreso.

Walang kahihiyan silang nagsisilbi,

hayok at umasaang makakahati,

sa kulimbat at pork ng kalihim,

sumisingasing at nagngangalit,

sa tuwing nabubunyag kanyang lihim.

–Setyembre 12, 2023