Panata ng Naiwang Panyapak
Ni Pia Montalban
Hindi na namin sila nasamahan
kahit amin nang nakasanayan
na hindi mag-iwanan
liban pahinga ang nananawagan.
Kasama nila kami sa mga pamayanan,
nakinig ng hinaing ng mga mamamayan,
nakilakbay sa mga mamamalakaya,
naging kaisa sa kanilang mga panawagan.
Subalit, nang gabing iyon, maulan
sa kalsada ng Manrique, iniwan
ng mga hiyaw na pumailanlang
sa pamayanan—ang aming paalamanan.
Tigalgal kaming mga naging piping saksi,
mga naiwang ulila sa may-ari at kapares,
mga walang buhay na bagay
pero punumpuno ng ingay.
Ituturo namin na may naganap na dahas,
na may naisakatuparang krimen.
Patunay na totoo ang pananakot at teror.
Kami ang nagpangalan sa mga biktima.
Kami na saksi ng sapilitang pagkawala,
nang marahas na hatakin
ng mga armadong lalaki
ang mga katawang may suot sa amin;
Na pinilit pang umakyat ng tarangkahan,
magmakaawa na masaklolohan;
magpumiglas sa tangkang pagpapatahimik,
magpakaladkad huwag lamang mabitbit.
Saksi kami sa kanilang mga bigat,
sa bawat hakbang nilang lapat,
sa bawat mithi nilang payak,
sa bawat pangarap nilang tiyak.
Hindi na namin sila nasamahan.
Hindi na namin sila nasamahan.
Susunduin na lamang namin ang hustisya,
hahanapin ang dalawang kasama.
= = = = = =

Dinukot ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan sina Jhed Tamano at Jonila Castro, mga dating mag-aaral ng Bulacan State University noong ika-2 ng Setyembre, 2023. Sina Tamano at Castro ay mga organisador ng mga pamayanan sa Bataan at Bulacan na apektado ng sari-saring proyektong reklamasyon sa Manila Bay.