Posts

Sigaw

Ni Raymund B. Villanueva

 

Andres,

 

Ilabas ang sundang!

Hasain, hasaing mainam, hasaing mabuti

May susuunging labang muli!

Tagpasin ang mga sinungaling

Tagain ang mga magnanakaw

Naglipana sila’t tila dumarami!

 

Sa isang daang milyong bunganga

Na maaring gawing bisita—

Diyos na mahabagin–

Sa araw na kayo’y ginugunita

Bakit naman isang dalahira

Ang panauhi’t tagapagsalita?

 

                                 -6:02 n.g.

                                 22 Agosto 2018

                                 Lungsod Quezon

Ang huling pagtula ni Rogelio Mangahas

Ang tulang “Paggunita sa Sitio Bawit,” ang pinakahuling tulang binigkas ng makatang si Rogelio Mangahas noong paglulunsad ng isang libro sa Universidad ng Pilipinas noong ika-16 ng Hunyo 2018.

Si Roger Mangahas ang isa sa ama ng makabagong panulaan sa bansa at kinikilalang higante ng panulat ng bayan.

Siya ay pumanaw noong ika-4 ng Hulyo 2018.

MAYAMOR*

By Tomas Talledo

 

You write poetry but who reads?

They who sends SMS “I luv U ga…mwah”?

They who sit at coffee shops blubbering inanities?

They who sex at the age of fourteen?

 

They’re Plato’s ilks who’ll banish poetry in our people’s republic.

 

You vividly paint the revolution but who stops to see?

The eyeless agents wobbling in graveyard shifts?

The dyslexiacs lost in labyrinth of wikipedia?

The somnambulists in flat cyberscreen?

 

They’re shards of broken mirror who can’t reflect the whole.

 

Still, you write and paint and sing of the coming wise-dom

Of enchanted forests, waterfalls and nourishing rain

Of communal dagsaw, drums and armalites

Of Tumandok people’s protracted war.

 

While we bury our eyes, guts and hearts at comfort zones of indifference.

 

Still, you write and paint and sing of communism

Of food, learning and spirited actions

Of binanog dances, healing and cultivation

that will surface in headwaters of Panay.

 

*A highest salute to painter-poet and companion martyrs in Antique

 

Tugon sa pamanang hamon

Alay kay Maya Daniel ng Antique 7

 

“we stand undaunted/to dark clouds/we fight and we get up/to see our bright day!”—Verse, Maya Daniel

 

Namamatay ang daigdig

Tuwing may pulang makatang pumapanaw

Tumitigil sa pag-inog, ang mundo’y

Hindi humihinga sansaglit.

 

Hindi dumadaloy ang mga ilog

Ang hangi’y hindi umiihip

Ang ulap ay ayaw lumipad

Ang dagat ay hindi dumadaluyong

Walang tumutubo sa lupa

Ang buhangin ay nalulusaw

Walang bulkang sumasabog

Ang mga bato’y nadudurog.

 

Samahan natin silang humimlay panandalian.

At sa gitna ng ating dalamhati…

 

Ating handugan ng awit ang martir

Bayaning aalayan ng bulaklak at berso

Pagpupugayan ng mga talumpati

At palakpakan ng mahaba’t masigabo.

Gawing balada ang pamanang sulatin

Ipatupad ang kanyang habilin

Sa paraang ito natin muling buhayin

Ang damdaming lugmok sa pighati.

 

‘Matapang na tumindig sa unos

Bangon! Lumaban! upang masilayan ang ating bukas.’

 

At tayong naiwan ay tutugon

Matapang na haharapin ang hamon

Atin muling painugin ang daigdig

Ipagpapatuloy ang rebolusyon.

 

                                                 –9:36 n.g.

                                                   16 Agosto 2018

                                                   Lungsod Quezon

PLDT

ni Rene Boy Abiva

 

Hindi ko alam kung saan yari ang iyong kaluluwa

kung ‘to ba’y yari sa sala-salabat na old fiber

o sa ipinagmamayabang mong new wireless fiber.

‘Di ko lubos maisip kung tao ka pa nga ba

at kung bakit ni katiting na hibla ng awa

ay ‘di mo kayang maibigay sa higit pitong libong manggagawa.

 

Gaya na lamang ni Atong Alagwa

na sampung taon mong pinagbuhat at pinaghila

ng dambuhalang bakal, kawad at linya.

Na kung umuwi’y turing nang biyaya

kung mai-abot nang buo ang sweldo sa may sakit na asawa.

 

At mukhang nag-iinis ka pa

sa bawat imaheng ‘yong ipinapakita

sa telebisyon, tabloyd at billboard sa mga kalsada

gaya na lamang sa mukha

ni Pia Wurtzbach at Kris Aquino na ngangang-nganga

habang sa gilid ay naka-ukit sa lona

ang mga katagang DSL, hacker at ultera.

 

Gaya mo rin pala ang NutriAsia,

na kung toyoin ang manggagawa’y anong saya.

Punyeta’t sarap na sarap pa,

sarap na sarap na binuwag ang barikada!

gayong sing-alat na ng patis at asim ng suka

ang pawis at luha

ni Aling Leticia.

 

Suma total ay gaya mo si Digong

who cares about human lives

but not human rights.

At ngayon sinasabi mong ‘yong babaguhin ang mundo?

Sa pamamaraang may iiyak at magugutom

hanggang sa sukdulan ng pagdanak ng dugo

at pag-atungal ng libo-libong balo.

 

At ngayong pinaboran ng DOLE ang mga manggagawa

sa unang pagkakatao’y anong ligaya nila,

ngunit anong kapal mo’t umaangal ka pa?!

hanggang islogan ka lang pala!

 

 

Agosto 1, 2018

Lunsod ng Queson, Maynila

Tao of the Revolution

by Tomas Talledo

Imperceptible, moving the unmoving ceaseless Tao of Revolution,
The immovable Law of Motion calls,
“Come Li Ta-Chao, come Azad, come Reds now…”
Victory revealed by time, space and causality when burst forth open.

War machines spurt foul operation plans,
But Ho-Chi-Minh’s pond stays Zen.
Still is the tempest waiting, murmuring,
“Nanay Walingwaling, Kumander Posa, Ka Tingting”.
Fools are they who spit at the sky.

Summons of kubing, drums, gongs call over, over and over,
I glimpse of communism in dances of Tumandok highlanders
Where moving fauna totems meld together
In such ancient brave colors of their skin apparel.

While navel gazers amongst us are blind what lays ahead,
So are bourgeois ego lickers and eaters of the dead.

                                                                              –18 July 2018

PISO LANG ANG LAYO NATIN

Ni Jess Manuel Santiago

Piso ang layo natin sa isa’t isa
kuwarenta’y singko hanggang Monumento
Monumento hanggang Cubao, trenta’y singko
bente naman mula Cubao hanggang sa inyo
Dalawang piso, sabihin pa, kung babalikan.

 

Piso lamang ang layo mo sa akin
Pero ito’y kahapon pa, Tumaas na
ang pasahe’t gayon pa rin ang gana ko
Kaya ngayon, sa paghaba ng kalsada’y
kailangang habaan din ang oras ko
ng pagkayod sa pabrika. Dahil dito,
Hahabaan din ba natin ang pasensya?
Hahabaan din ba natin ang pagitan
ng sa gayo’y madalang na ang pagkikita?

 

Hamo, Mahal, pag nadalaw kita riyan
Pag-uusapan natin ang mga bagay na ito
At ang marami pang mga bagay-bagay
Hindi tayo magtitiis habambuhay.

 

 

Pahaging sa bagong hari

Ni Rogelio G. Mangahas

Aba, bagong hari’y
tila isang multo sa gabi at araw,
dulot ay kilabot
ng anino’t tinig, ng banta’t tungayaw;
Ang idolo pala’y
ang naging diktador nitong sawing bayan—
malaon nang abo’y
minumulto pa rin pati kasaysayan.

Hari, bakit nga ba
lugod mong nalibing sa may puring pook—
labí ng idolong
isang mandarambong, sa baya’y balakyot?
Kahit na batid mong
kayraming biktima ng rehimeng buktot,
puso mo’y minanhid
ng hubris, misteryong talos lang ng bundok.

Hari, bakit ngayo’y
tila lugod mo nang tumumba sa dilim—
bata ma’t matandang
hinalang tumahak sa landas ng baliw?
Tunay bang nanlabán
kahit ang mag-amang may posas sa karsel?
Katarunga’y nahan
sa bayang wika mo’y bayang ginigiliw?

Hari! Kaytapang mong
bumulyaw, kumalas sa banyagang poon,
ngunit ngayo’y bakit
nangangayupapà sa oso at dragón?

Tulad mo nga’y multo,
sa araw at gabi’y may atungal, tahol—
ngunit ang milenyal,
hindi pasisindak sa multo’t diktador!

–Isinulat noong Nobyembre 20, 2016, Araw ni Bonifacio

= = = = =

Si Rogelio Mangahas, ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino, ang isa sa mga nagsulong ng matagumpay na modernismo sa panulaang Filipino, kasama sina Lamberto E. Antonio at Rio Alma. Siya ay premyadong makata, manunulat, kritiko, guro, aktibista, makabayan, at tagapagsulong ng panitikan at wikang Filipino.

Pumanaw siya ngayong umaga dahil sa sakit.

Pampalasa, Pampa-ALSA

ni Rene Boy Abiva

 

Sa bayang mayaman sa utang at pait,

pambulag ang artipisyal na linamnam at tamis

upang ang mga karaniwang sikmura’y ‘di mag-alsa.

 

Matamis na pampalasa ang humulma sa kabataan ni Ignas Dungrit

na iiyak-iyak kung ‘di magkukulay dugo

ang prinitong itlog ng manok o tinapa sa kanyang plato,

dahilan upang magkanda-utang-utang ang kanyang inang kubrador ng huweteng

ng Papa ketsap sa tindahan ni Aling Usyang.

Minsa’y nakapatama ang ina ni Ignas,

anong ligaya n’ ya noong una.

Kaso, nang malamang kalot ang napagwagiang taya,

anong sungit at bagsik ang kanyang simangot

na nai-ukit sa kanyang gusgusing labi at mata.

   

Gayundin si Manolito Lasenggo

na madalas bugbugin ang kanyang labanderang asawa

kung ‘di s’ya nito maipaghahanda ng sawsawang maasim-asim

para sa paborito niyang pulutang tsitsarong kropek na tingi-tingi

o tsitsarong Bulacan na tatlo ang sandaan

na madalas n’ yang bilhin

sa kumpareng tindero sa Amucao.

Mapili pa naman ang gago, kung ‘alang Datu Puti’y Silver Swan ang hanap.

Ayaw n’ya ng Rosas o Basi na gawa ng kanyang sariling bayan.

Kaya ang halos magkubang asawa sa kalalaba,

anong tatag na ini- uutangan ang mister

sa talipapa ni Aling Talin.

Minsa’y naningil ang matandang balo,

at naabutan n’ya ang lasing na si Manolito

himalang binayaran naman s’ya,

binayaran s’ya ng matatalim na limang saksak

na itinindig sa kanyang yayat at kulubot na dibdib.

Dumating ang mga pulis upang siya’ y pasukuin,

kaso nag-ala Rambo

kaya ang kinalabasan, nabalitang nanlaban at patay.

 

Pinagkakitaan ng mga artipisyal na pampalasa

ang buhay at kapalaran nilang mga karaniwang tao

mula sa pawis ng kubrador na ina ni Ignas Dungrit

at sa labanderang asawa ni Manolito

hanggang sa kamatayan ng balong si Aling Talin.

 

Ibang usapin pa ang labis na halagang nakulimbat

sa ‘sanlibo at limang daang mangagawa sa Marilao, Bulacan.

At sa higit dalawang dekada ng pag-iral,

buti pa ang kumpanyang pampalasa,

literal na ang buhay ay masaya at masagana.

E silang taga-gawa ng pampalasa,

halos magpakamatay para lamang mabuhay.

Nagtitiis sa mga barung-barong ng mga bayan-bayan.

Nagtitiis sa buhay-dagang pamumuhay

at kung kumahig ang dalawang paa at kamay,

anong pilit-ligaya nilang sikmuraing lunukin

ang nangingitim na kanin at pinakulong talbos ng kangkong

o kamote na ‘ala man lang pampalasa ni asin.

 

Subalit ‘di kayang pigilan ng artipisyal na pampalasa

ang hangganan ng pait.

 

Pampa-ALSA.

Umabot sa sukdulan ang pagtitiis ng mga manggagawa.

Hunyo 2 ay itinayo nila ang barikada.

Paano ba naman kasi, sa daan-daang pwersa sa paggawa’y

limandaan lamang ang regular at karamiha’y kontraktwal.

Mababa pa ang sahod, ‘alang over-time pay at ‘alang benepisyo

sa kung anu-anong kaltas ng kanilang amo.

Habang ‘alang awang pinagtatanggal ang ilan sa kanilang nadisgrasya

habang nasa paggawa

kabilang ang mga nagtayo at nagbuo ng unyon.

 

Nag-alsa ang mga tagapaglikha ng pampalasa.

At agad nagsabwatan ang kapitalista at mga mamamatay-tao na pulis

at yinusak-yusak ang hanay ng mga nagpoprotesta.

Marami sa kanila ang umuwing sugatan at may biyak sa noo.

Marami sa kanila ang tinutukan ng baril sa ulo.

Marami sa kanila ang pasa sa katawan ang tinamo.

Ngunit higit na mas marami ang gaya nila

ang magkakapit-bisig sa nalalapit na SONA ng pangulo.

 

Kakalantog ang mga lansangan

mula sa kanilang kolektibong lakas at malay! 

May alab na namamayani sa kanilang puso

na mas mainit pa sa nagbabagang punglo!

 —-

Hunyo 16, 2018

Lunsod ng Queson, Pilipinas

 

Desiderata

Salin sa Filipino nina Cora at Rey Casambre

Mula sa orihinal ni Max Ehrmann

 

Humayo nang panatag
Sa gitna ng ingay at pagmamadali at tandaang
May kapayapaang matatagpuan sa katahimikan.

Hangga’t maaari nang walang pagsuko,
Makipagkapwa-tao.
Bigkasin ang iyong katotohanan nang mahinahon at malinaw,
at makinig sa iba, kahit sa mapurol o mangmang:
sila ma’y may kanilang salaysayin. Iwasan ang mga taong
maingay at magaspang; nakaririndi sila sa diwa.

Kung ihahambing mo ang sarili sa iba, maaaring
maging hambog at masamain ang loob, pagka’t
laging may hihigit sa iyo at may hihigitan ka.
Masiyahan ka sa iyong mga natamo, gayundin sa iyong mga balak.

Manatiling buhos ang iyong kalooban sa mga gawain, gaano man
kababa; tunay itong kayamanan sa nagbabagong panahon.
Maging maingat sa pakikipagkalakalan pagka’t ang mundo’y
batbat ng panlilinlang. Subalit huwag hayaang
makabulag ito sa iyo sa anumang kabutihang mayroon; maraming nagpupunyagi para sa mga adhikaing dakila;
at sa lahat ng dako, ang buhay
ay lipos ng kabayanihan.

Huwag magkunwari laluna na ng pagmamahal.
Huwag ding talikuran ang pag-ibig, pagka’t sa gitna ng
katigangan at kalungkutan, kailanma’y umuusbong
at nabubuhay itong tulad ng damo.

Maluwag na tanggapin ang payo ng katandaan;
Banayad na isuko ang mga bagay ng kamusmusan.
Arugain ang tibay ng loob na sasalag sa mga biglaang
sakuna. Huwag palulumo sa mga guni-guni.
Maraming takot ang dulot ng pagod at kalungkutan.
Sa kabila ng malusog na disiplina, maging mabait sa iyong sarili.

Anak ka ng sanlibutan, tulad ng mga punungkahoy at bituin;
may lugar ka rito. At malinaw man sa iyo o hindi, walang
alinlangang bumubukadkad ang daigdig ayon sa nararapat.
Kaya maging panatag ka sa Diyos, anuman ang pagkakilala mo
sa kanya. At anuman ang iyong mga gawain at mithiin,
sa maingay na kalituhan ng buhay, panatilihin mong panatag ang iyong kalooban.

Sa kabila ng panlilinlang, kawalang-buhay at mga gumuhong pangarap, maganda pa rin ang mundo.

Mag-ingat. Magsikap lumigaya.