GABI NG LAGIM
Ni Pablo Tariman
Mahirap alisin
Ang tagaktak ng pawis
Sa maalinsangang hapit
Ng hangin
Sa biglaang buhos ng ulan.
Ubos na ang mga laway
Sa magdamag na pagmumura.
Nawala ka na naman sa iyong sarili
Bunga ng sigalot sa magdamag.
Hindi ko masyadong napansin
Ang pagsara ng Graphic magazine
At ABS CBN noon Setyembre 1972.
Tahimik kong tinanggap
Na wala na akong trabaho
Sa edad 23.
Upong diyes pa noon
Sa mga jeepney.
P35 isang buwan ang bed space.
Proofreader ako P240 isang buwan.
Ngunit napagkakasya
At may natitira pang
Naipapadala sa probinsiya.
Kung iisipin
Isa lang namang network ang nasarhan
Sa kakaibang ‘martial law’ ng 2020.
Pero bakit kumukulo
Ang iyong mga dugo
Tuwing nakikita mo imahen
Ng berdugo sa telebisyon?
Kakaiba ang martial law ng 1972
May namamatay
Pero hindi nabibilang ng DOH.
Hindi puno ang mga ospital
Ng mga agaw buhay at
Mabilis na yayao.
Kakaiba ang ‘martial law’ ng 2020
Ang dami ng nagugutom
Marami ang nakatira sa mga jeepney
Dahil napalayas na
At hindi na makabayad ng upa.
Bakit?
Nasa gitna pa
Ng walang katapusang konsultasyon
Ang mga butihing mga tauhan
Ng DOTC na walang kibo’t bibig
Kundi kung ano-anong hierarchy
Ng mga priorities.
Maraming salita sa English
Na hindi halata
Ang harapang pandarambong.
Kakatayin ka na lang
Pero ipapakita ang mukha
Kuno ng compassion
At pikit matang binigay mga rota
Sa mga modern jeepneys.
Bakit masaklap ang ‘martial law’
Ng 2020?
Ang daming gutom.
Ang daming nawalan ng trabaho.
Ang daming naglalakad
Dahil walang masakyan.
Kalunos-lunos ang mga hiyaw
Ng mga OFW
Sa evening news ng TV
At humihingi ng tulong.
Ngunit inuna
Ang pagpapasa ng Anti Terror Law
Sa gitna ng paghihirap
Ng mga tao.
Ubos na ang mga laway
Sa magdamag na pagmumura.
Puyos ng galit
Ang lumalabas sa mga bibig mo.
Hindi na maiibsan
Ang paghihirap
Sa pagbigkas
Ng mga tula ni Maya Angelou
At mga pahimakas ni Walt Whitman.
Malinaw na ang daan
Na tinatahak
Ng diktador ng Mindanaw.
Nagkukumahog na dumalaw
Sa mga namatay na mga sundalo
Para sabihin lang
Walang ibang pangulo
Ang nagbigay ng maraming benepisyo
Sa kanila
Kundi siya.
Sa totoo lang
Takot siya na iwanan
Pag kumampi ang mga kawal
Sa galit na sambayanan.
Inabutan na ako
Ng dalawang kakaibang martial law.
Isa lang ang may pakana noong 1972.
Sa 2020, kakutsaba ang kongreso
At mga galamay na matsing
Na todo intense acting
Sa hearing.
Pero laging nabubuking
Ang mga
Totoong pakay.
Ako’y handa na
Sa susunod na gabi ng lagim.
Handa na ang mga kuwento
Ng mga halang na kaluluwa
Sa gitna ng pandemya.
* * *