Ako na komyuter at ang mga nakikibakang tsuper
Ni Nuel M. Bacarra
Minsan na akong bumaba sa dyip nang hindi nagbabayad ng pamasahe, dahil sa halip na ilaan sa bayad ang barya mas minabuti ko noon na ibili ito ng sigarilyo. Pero nakonsensya rin ako. Umu-ukilkil sa isip ko noon ang kanta ng grupong Sinaglahi na pinamagatang “Piso” na nagsasabi ng ganito:
“May problema na naman ngayon, pare/Tataas na naman ang pamasahe/Ingat ka lang sa pagsakay/Baka may kakilalang malibre/Ang piso mo kapag ika’y kinulang/Kung minsan ay tumatalon na lang/Hoy, pare ko, huwag mong gawin ‘yan/Ang tsuper ay kawawa naman”
Kaya sa sumunod na nawalan ako ng pamasahe, nilakad ko na lang mula Orthopedic Hospital sa may Banaue, Quezon City papuntang Muñoz St. sa San Andress Bukid, Maynila.
Bitbit ko ito hanggang ngayong may laban ang mga tsuper kontra sa pakanang “modernisasyon” ng mga dyip.
Pakana, di programa
Hindi modernisasyon ang tunay ng layon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Kung ang mga pampasaherong dyip ay papalitan ng mga “modernong dyip” na aangkatin pangunahin sa China, mas palalakasin lamang nito ang organisadong sindikato ng mga mamumuhunang importer na siyang mas pinapaboran ng gobyerno.
Dagdag na suson ito sa pasanin ng mga tsuper na karaniwang apektado ng di makontrol na gastusin sa krudo o gasolina, maliban pa sa pang-araw-araw ng pangangailangan ng kanilang pamilya. Ang malala pa, papatayin ng pamahalaan ang kabuhayan nila.
Dagok din ito sa mga komyuter na tatamaan ng paglala ng krisis sa transportasyon na ibubunga ng pagkawala ng mga tradisyunal na dyip sa kalsada.
Ngayon pa lamang, may petisyon na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing ₱15.00 ang minimum na pasahe sa dyip mula sa kasalukuyang ₱13.00. Mula ito sa ₱8.00 minimum bago ilunsad ang PUVMP noong 2017. Mababawasan din ang opsyon ng masang komyuter ng pagpipiliang abot-akayang pampublikong transportasyon.
Sinamantala ng gobyerno ang panahon ng pandemya para paralisahin ang mga ruta ng dyip sa buong bansa at tuluyang tanggalin ang ibang ruta para bigyang katwiran ang paglalako ng programa. Sa Metro Manila, 215 sa kabuuang 900 ruta ang nawala na apektado ang halos 24,000 na dyip ang di na nakabyahe pa nang matapos ang mga lockdown noong pandemya.
Sa karanasan ng Sarao Motors noong dekada sistenta at otsenta, 50 hanggang 60 dyip ang nagagawa nito sa loob ng isang buwan. Bumagsak ito sa isang dyip na lamang ang nayayari sa loob ng apat hanggang anim na buwan dahil na rin sa proyektong PUVMP. Masyadong mahal ang mga “modernong dyip” na karaniwang nariremata lamang dahil di makabayad sa utang ang mga may-ari nito. Aabot ng halos ₱2.8 milyon ang halaga ng modernong dyip kumpara sa tradisyunal na dyip na umaabot lamang ng hanggang ₱800,000.00.
Bakit tinututulan?
Sa pinakasimpleng dahilan, nilalabanan ng mga tsuper ang PUVMP dahil hindi nila kakayanin ang napakalaking halaga ng bawat diumanong modernong dyip. Uutangin nila ang ilang milyon sa bangko na may 6% interes na dapat mabayaran sa loob ng pitong taon at halos 6% din lamang ang ambag ng gobyerno bilang subsidyo.
Sa ilalim ng programang ito, batay sa kwentadang iniharap sa konggreso, kakailanganin ng mga tsuper/opereytor na kumita ng ₱6,000.00 – ₱7,000.00 kada araw para siguradong mababayaran ang bagong dyip at sapat na maitaguyod ang pangangailangan ng pamilya. Noong 2023, ang kabuuang abereyds na kita lamang ng mga tsuper sa isang araw ay ₱2,500.00 – ₱3,000.00. Babawasin pa rito ang gastos sa krudo, gastos sa pagmantine, atbp. Sa isang tingin pa lamang sa mga numero ng ito, pangita na papagurin ng husto ang mga tsuper sa pamamasada.
Inoobligang pumasok ang mga tsuper/operyetor sa konsolidasyon ng prangkisa na mahigpit nilang tinututulan dahil hindi na nila hawak ang pagmamay-ari ng sasakyan. Sa iskema ng PUVMP, ang mga nagkonsolida ng prankisa ay ipapasok sa isang kooperatiba o korporasyon at ang mga tsuper ay tatanggap ng sahod bilang manggagawa.
Hindi tutol ang mga progresibong tsuper/opereytor sa modernisasyon. Ang tinututulan nila ay ang pagsamsam sa indibidwal na prangkisa.
Ang kaibuturan ng programang ito, ang gobyerno ang ahente ng mga korporasyon na walang hahangarin kundi ang pumiga ng tubo mula sa mga manggagawa nito.
Pabalat-bunga ang malasakit ng programa para sa kapaligiran dahil umaangkop umano ito sa panawagan sa buong mundo ng pagbabawas ng carbon emission dahil ang makina nito ay ‘di na kailangan ang krudo o gasolina dahil patatakbuhin ito ng elektrisidad o kaya’y umaayon ito sa Euro IV emission standard na itinakda ng Department of Environment and Natural Resources para sa internal combustion na makina.
Ang mga tradisyunal na dyip ang pinagdiskitahan samantalang mas marami ang kotse at pribadong sasakyan na gumagamit ng kalsada. Dalawang porsyento lamang ng kabuuang rehistradong mga sasakyan ang mga dyip at 15% lamang ang ambag ng dyip at iba pang pampublikong transportasyon sa kabuuang carbon emission sa buong bansa, ayon sa mga pananaliksik.
Sa ganitong bilang, hindi makatarungang isangkalan ng gobyerno sa mga dyip kung bakit unang-una ang Metro Manila sa 387 syudad sa buong mundo noong isang taon na may pinakamasahol na problema sa trapik.
Umaabot ng ₱4.9 bilyong kita kada araw ang nawawala sa bansa sanhi ng trapik. Ang dinaranas na trapik laluna sa mga expressway ay hindi dahil sa mga dyip o sa pangkalatan ng mga pampublikong sasakyan, kundi bahagi ito ng pangkabuuang krisis sa sistema ng transportasyon sa bansa na dapat lutasin.
Alternatibo
Noong 2017 pa pormal na sinimulan ang PUVMP. Mula noon, nilalabanan ito ng mga progresibong tsuper at opereytor kaalinsabay ng paghahapag ng hinaing kontra sa phaseout nito. Bukod sa kultural na aspeto ng tatak ng pagiging Pilipino sa buong mundo, maaari pang paunlarin ito sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng mga lumang dyip na nakapakete sa programa ng pagsuporta sa lokal na produksyon tulad ng igingiit ng mga progresibong tsuper.
Para rito, suportang programa ang kakailanganin upang muling buhayin ang industriya ng paggawa ng dyip at bukod pa rito ay mapananatili ang legasiya ng disenyo ng dyip na bantog na kinagigiliwan sa buong mundo.
Bagamat wala pang kakayahan ang bansa sa pagmamanupaktura ng makina, hindi na ito malaking kabawasan kung aangkatin ito sa kabuuang balangkas na buhayin ang industriya at makalikha ng trabaho sa mga manggagawa, taliwas sa nais mangyari ng PUVMP. Oportunidad para sa mga Pilipino ang inihahapag ng mga progresibong organisasyon ng mga tsuper at opereytor para pagulungin ang industriya na siya namang litaw na inaabandona ngayon ng gobyerno sa programang ito.
Isang mahalagang usapin din na hindi kailangang abandonahin ang kultural na aspeto ng pagkakaroon ng mga tradisyunal na dyip kapalit ng pangingibaw ng kultura ng korupsyon at iba pang katiwalian sa gobyerno, ng pandarahas at pagpapakatuta ng nakaupong rehimen sa dayuhan.
Balewala rin sa gobyerno ang dislokasyon ng libu-libong pamilya ng mga tsuper/opereytor na tiyak na tatamaan sa hindi pagsama sa iskemang konsolidasyon ng prangkisa.
Regalong tubo at pasismo
Hindi mahirap na isipin na ang PUVMP ay programang sulsol ng malalaking negosyanteng Pilipino sa pakikipagsabwatan sa mga dayuhan. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit mayroon nang korporasyon para rito ang mga pinakamayayamang kapitalistang Pilipino tulad ng mga Manny Villar, Ramon Ang at Manny Pangilinan.
May ₱1.5 bilyon ng pamumuhunan si Pangilinan para sa dagdag na 500 modernong dyip na ruruta sa Mentro Manila, Pampanga at Nueva Ecija na target kumpletuhin hanggang 2027.
Lantad sa programang ito ang pagbibigay-prayoridad ng gobyerno sa mga pribadong korporasyon.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng LTFRB, umaabot na sa 80% ang pumasok sa konsolidasyon sa buong bansa at 96% naman sa National Captial Region. Hindi naman umano makukuha ang 100% na pumailalim sa programa pero sapat na bilang na ito para gumulong ang “modernisasyon”.
Subalit sa pinakahuling anunsyo ng gobyerno, makabibyahe pa rin sa Mayo ang mga dyip kahit hindi nagpakonsolida. Taliwas ito sa programa at hindi ito akto ng pag-unawa sa kalagayan ng mga tsuper/opereytor kundi isang malinaw na pagpapakita ng bangkaroteng programa at kawalang-kahandaan kung paano sasaluhin ng gobyerno ang maaapektuhang komyuter ng krisis sa transportasyon na dulot ng programa sakaling paralisahin ang pagbyahe ng mga dyip.
Tulad ng karanasan ng mga manggagawa sa mga enklabong industriyal na sikil ang karapatan tulad ng pag-uunyon, mga demokratikong aksyon para sa sariling kagalingan, pagpako sa sahod at iba pa, malaki ang posibilidad na gawin ito sa korporasidong asosasyon ng mga tsuper. Dahil nasa ilalim na ng mga korporasyon, nakaamba ang higit na pagkitil sa mga karapatan ng mga tsuper sa hinaharap na maaaring humantong sa malalang paglabag sa mga karapatang pantao.
Mas mataas na pagkakaisa ang kailangang bigkisin ng mga tsuper/opereytor laban PUVMP na dapat magkahugis sa paglapad at pagdami ng hanay at sa pag-abot sa mga komyuter. Hindi handa ang gobyerno sa paglala ng krisis sa transportasyon na maaaring magganyak ng pagsanib ng mga komyuter at makisangkot sa isyung ito na lubhang kinatatakutan ng gobyerno.
Sa edad ko nga palang ito, nakiki-bilad pa ako sa init ng panahon masamahan ko lang ang mga tsuper sa kanilang laban. Ito na ang aking bayad sa minsang hindi ako nag-abot ng pamasahe. #