LIWANAG AT DILIM

ni R.B. Abiva

“Iya’y dalamhati ng inulilang Ama/ at lungkot sa tumatangis na Ina/ iyan ay glorya at biyaya/ kabanalan at pagpapala;/ isang sumpa sa mga nanlaban;/ isang pagbabanta sa mga lumalaban!”-Arlan Camba, Sabado De Gloria, 2018

Kakaibang tanawin

ang inyong mapagmamasdan

sa nangingitim-nagdurugong papawirin

sa sandaling magsalubong

ang mga pagod na atomo;

kanilang aagawing-pilit  

ang espasyo sa natitirang siklo

ng oras sa umiikot-nagrerebeldeng mundo;

pagmasdang mabuti

ang pinag-aagawan nilang langit,

ang nakatakdang pagbulid at pagsalapisap

ng kanilang mga daliri, bisig, at kamao,

ang pagbigkas ng matalim-matulis-nagbabaga nilang dila

ng mga magagaspang-matatalas na talinghaga’t berso

na walang sini-sino’t rinarahuyong poder at persona,

na waring si Bukowski kung tumula

na sintalim ng Stilleto

na doble ang talim at kamandag,

o ni Tiyong Gelacio

na kung maghandog ng prosa

sa dulang nilang mga kawawa

ay sintamis ng tubo ng Azucarera

at sintalim ng palang;

ito (ba) ang ma(na)babanaag mo?

Ang mabagsik-madugo

na pagtabing ng telon

sa mundo nating mga homo?

Setyembre 16, 2019

Lungsod Quezon, Maynila

Stilleto- punyal ng mga sundalong Amerikano noong WWII.

Palang- tawag sa itak na pinampuputol ng tubo.