HINDI KO KAYO TITIGILAN
Randall Echanis
Bakit ko kayo titigilan
kung patuloy ninyong pinipiga,
pinapahirapan ang mga magsasaka
at dinudusta ang masa?
Bakit ko kayo titigilan
kung patuloy ninyong kinukurakot
ang pondo ng bayan,
pinapatay, ikinukulong
at dinudukot
ang mga aktibista
na sa inyo’y lumalaban?
Bakit ko kayo titigilan
kung patuloy kayong sunud-sunuran
sa mga sakim na dayuhan
na dumarambong sa yaman ng mahal kong bayan?
Hinding-hindi ko kayo titigilan
hangga’t may palalong tirano
na nakaupo sa palasyo
na hangga’t ang mga anakpawis
ay walang kapangyarihan.
Hinding-hindi ko kayo titigilan.
Sinulat niya ang tulang ito noong Disyembre 2008 habang nakapiit sa Manila City Jail sa gawa- gawang kaso na isinampa sa kanya.