Salaginto sa garapon
Ni Ibarra Banaag
‘Di iilan ang nagtiyaga,
‘sanglibo’t sanglaksa,
yaong nagbakasakali,
at sinubukang mahuli.
Lahat yata’y gagawin,
kilay ma’y susunugin,
pilit na susungkutin,
bituin na nasa langit.
Dadayo’t maglalayag,
ng ang pinapangarap,
na yaman ay makamit,
sa karayom sumingit.
Sahod ay motibasyon,
trabaho’y isang rigodon,
nabuburyong sa dalita,
kontento na sa barya.
Kawangis ay bilanggo,
saklot ng hapis o bisyo,
ga-dangkal na asenso,
susuungin ng obrero.
Ang tiyang kumakalam,
at anak na minamahal,
sa lipunang hindi patas,
lintik itong pahimakas.
Kung sakaling dumapo,
nitong kalyo ay masalo,
ang tuhod na nakatukod,
mag-aalsa at tatayo!
Ibibigwas ang balikat,
iwawasiwas ang lakas,
ang kampit ay ihahataw,
mga ganid papalahaw!
Mga sakim ay tatakas,
magsisindi ang garapon,
sa hanay ng tumugon,
mababakas ang liwanag.
–Abril 27, 2024