PLDT

ni Rene Boy Abiva

 

Hindi ko alam kung saan yari ang iyong kaluluwa

kung ‘to ba’y yari sa sala-salabat na old fiber

o sa ipinagmamayabang mong new wireless fiber.

‘Di ko lubos maisip kung tao ka pa nga ba

at kung bakit ni katiting na hibla ng awa

ay ‘di mo kayang maibigay sa higit pitong libong manggagawa.

 

Gaya na lamang ni Atong Alagwa

na sampung taon mong pinagbuhat at pinaghila

ng dambuhalang bakal, kawad at linya.

Na kung umuwi’y turing nang biyaya

kung mai-abot nang buo ang sweldo sa may sakit na asawa.

 

At mukhang nag-iinis ka pa

sa bawat imaheng ‘yong ipinapakita

sa telebisyon, tabloyd at billboard sa mga kalsada

gaya na lamang sa mukha

ni Pia Wurtzbach at Kris Aquino na ngangang-nganga

habang sa gilid ay naka-ukit sa lona

ang mga katagang DSL, hacker at ultera.

 

Gaya mo rin pala ang NutriAsia,

na kung toyoin ang manggagawa’y anong saya.

Punyeta’t sarap na sarap pa,

sarap na sarap na binuwag ang barikada!

gayong sing-alat na ng patis at asim ng suka

ang pawis at luha

ni Aling Leticia.

 

Suma total ay gaya mo si Digong

who cares about human lives

but not human rights.

At ngayon sinasabi mong ‘yong babaguhin ang mundo?

Sa pamamaraang may iiyak at magugutom

hanggang sa sukdulan ng pagdanak ng dugo

at pag-atungal ng libo-libong balo.

 

At ngayong pinaboran ng DOLE ang mga manggagawa

sa unang pagkakatao’y anong ligaya nila,

ngunit anong kapal mo’t umaangal ka pa?!

hanggang islogan ka lang pala!

 

 

Agosto 1, 2018

Lunsod ng Queson, Maynila

Liham sa Mamimili sa Pagitan ng Patalastas at Pandarahas sa NutriAsia

ni Joi Barrios-Leblanc

Mahal na Mamimili, ganito ang ibinabandera sa patalastas:
Masarap, masaya, basta’t NutriAsia.
Maasim ang Datu Puti na suka,
at All-around ang Mang Tomas na sarsa,
Manamis-namis at maalat naman ang toyong Silver Swan,
At ang ketchup na UFC, ay may tamis-anghang.
Paano nga ba makokompleto ang sangkap sa kusina
kung walang Nutri-asia na pampalasa?

Ganito naman inilalarawan ng kapitalista’t pasista
ang lahat ng nasa piket sa pabrika ng NutriAsia:
Basagulero ang mga iyan at naghagis ng bato,
May dalang droga kaya sila inaresto.
Pakialamero ang estudyanteng sasali-sali sa piket.
May bitbit na baril ang media, kung kaya’t ipiniit.
Samakatuwid: Kriminal silang binugbog at duguan.
Kaladkarin sa bilangguan, sampahan ng kaso sa hukuman.

Mamimili tayong lahat na hindi na kailanman
dapat makapagtimpla ng adobo
nang hindi naalalala ang duguang mukha
ng inaarestong matandang manggagawa,
o makapagsasawsaw ng inihaw na isda
nang hindi sumasagi sa gunita
kung paanong sa minsang pagbuwag ng piket,
nakadapa na’y patuloy pa rin ang pulisya sa paghataw
sa kanilang ang tanging ipinaglalaban
ay trabahong regular, kaligtasan at sapat na kita.

Patawarin tayo ni Lolang manggagawa,
sa mga hapagkainan nating ang asim at tamis,
ay likha nilang nagsisikhay sa pabrika.
Patawarin tayo nilang lahat na pinagbintangang kriminal:
silang baldado ang braso, napilay ang paa,
nagkasugat-sugat ang balat, at isinadlak sa likod ng rehas,
Patawarin tayo sa pagkikibit-balikat sa pandarahas,
basta’t may anghang at alat, ang hapunan sa hapag.

Mahal na Mamimili, na sana’y hindi pa nabubulunan,
Heto ang panawagan:
Ipamukha sa Nutri-Asia na walang sarap o saya
Hangga’t walang natitikmang katarungan sa paggawa.

REBYU: Beastmode, A Social Experiment

Ni Judy Taguiwalo

Kagabi pinanood namin ni Nana (Prof. Jina Umali) ang documentary na may pamagat na “Beastmode, A Social Experiment”.

Si Baron Geisler ang bida. ‘Yan lang muna ang alam ko tungkol sa pelikula. Pero alam ko rin na may usapan sa nakaraan na magdo-donate si Baron para sa piyansa ni Maricon Montajes at ang dalawang kasama niya na tinaguriang Taysan 3, si Ronelo Baes at Romiel Canete.

Nakapagpyansa na si Maricon pero nakakulong pa rin si Ronel at Romiel sa Batangas Provincial Jail dahil kulang pa ang pampiyansa.

Mahigit walong taon nang nakakulong ang dalawa (June 3, 2010 sila nahuli). Nakailang beses din akong nakadalaw sa kanila at alam ko ang sikip at init na nararanasan ng mga bilanggong lalaki sa dami ng mga nakakulong doon. Kaya malaking hatak sa akin na panoorin ang pelikula ang posibleng ambag ng mga prodyuser sa pampyansa ng dalawang kasamahan ni Maricon.

Niyaya ko ang anak ko para manood, pero ayaw niya. Hindi niya nakakalimutan ang ginawang pambabastos ni Baron Geisler kay Ping Medina.

Kung ang official poster lang ang batayan, pelikula ito ni Baron Geisler at tungkol sa pakikipag-away sa isa pang aktor na di kasing-kilala niya, si Kiko Matos. Malaki ang papel ni Baron sa pelikulang ito at mahusay ang kanyang pagganap bilang in character, ang barumbadong Baron at bilang si Baron na paminsan-minsan ay nagpapaalaala sa atin na bahagi ng script ang labanan at murahan.

Pero hindi pangunahing tungkol kay Baron ang Beastmode. Tinungtungan ng pelikula ang reputasyon ni Baron bilang “bad boy” para maitago ang katotohanang set-up at pinag-kasunduan ang away ng dalawa . ‘Yun kasi ang pakay ng pelikula, “social experiment”. Sa pamamagitan ng kunyaring awayan na pinalaganap at lumaganap sa social media, ido-dokumento ang karahasan at ang epekto nito sa mga tao.

Ipinakikita ng salitan ang karahasan sa unang dalawang taon ni Duterte at ang karahasan sa pakunyaring away ni Baron at Kiko. Matitindi ang clips ng actual na karahasan –ang mga bangkay ng mga sinasabing nanlaban na mga adik at ang pighati ng kanilang mga kamag-anak.

Tinunton din ng dokumentaryo ang pangakong kapayapaan sa talumpati sa unang SONA ni Digong at ang galit at banta niya nung bigla siyang pumunta sa SONA ng Mamamayan noong 2017 kung saan sinalubong siya ng malalakas na sigaw na “No to Martial Law” at “Resume Peace Talks”. Kinunan ang mga mukha ng mga Lumad, mga magsasaka, mga maralitang tagalungsod, mga manggagawa at iba pang raliyista sa SONA 2017 at ang kanilang kahingian para sa tunay na reporma sa lupa, regularisasyon ng mga kontraktwal, pabahay, pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at kapayapaan!

Ang orihinal na plano ay magkaroon ng ikalawang laban si Baron at Kiko (na ang unang staged na away ay sa Tomato Kick [isang restoran sa Quezon City] habang may benefit para kay Maricon, Ronel at Rommiel). At gagawin ito sa harapan ng mural para tigilan ang pagpatay sa mga Lumad na nasa isang pader sa UP College of Fine Arts .

Sa sobrang tagumpay ng kunyaring away ng dalawang aktor, hinayjack ang proyekto ng Universal Reality Combat Championship (URCC) na nag-organisa ng commercial na laban ng dalawa. Ang pag-capture ng dokumentaryo ng mga reaksyon ng audience ng laban na ito ang isa sa pinaka-markadong bahagi ng pelikula. Mga may-kaya ang nanood sa laban dahil may bayad at malamang ay mahal. Hiyawan, halakhakan at palakpakan ang salubong sa suntukan at bugbugan nina Baron at Kiko. Dalawang rounds lang ang laban at nang natapos ito humiyaw pa ng ikatlong round. Parang kulang pa ang duguang mukha at mga pasa ng magkalaban para matugunan ang uhaw nila sa karahasan! Mabuti’t hindi pumayag ang dalawa.

Ano ang kongklusyon ng social experiment na ito? Ayon sa direktor, malinaw na kayang manipulahin ang persepsyon ng mga tao tungkol sa karahasan. Nagawa ito ng produksyon na limitado ang rekurso pero nagamit ang social media at ang bias kaugnay sa isang karakter para gawing kunyaring totoo ang nangyaring karahasan. Diin ng direktor, lalong nasa posisyon ang estado para manipulahin ang persepsyon ng mamamayan kung sino ang pinagmumulan ng karahasan dahil sa laki ng rekurso nito.

May punto ang obserbasyon ng pagmamanipula ng mamamayan. Higit pa rito, aktwal na naghahasik ng karahasan ang estado at binibigyang lehitimasyon ito dahil siya ang may hawak ng opisyal na mga makinarya ng karahasan at panunupil. Gayundin, ang malaganap na kontrol ng estado sa impormasyon at ang bata-batalyong army ng trolls na kanilang hawak ay dagdag na mga paraan sa pagtatakip sa papel nito bilang marahas na instrumento ng mga naghaharing uri.

Ano ang aking husga sa pelikula? Mahusay. Matapang. May paninindigan. Mabuti kung mas marami pang makakapanood nito. #

Boracay

Ni George Tumaob Calaor

 

naghasik ka ng dahas at nilukob ng takot

yaring isla ng aking pangarap at yaong

pangarap

para sa aking mga supling

ay naging bangungot

sa karimlang aninag ay

hindik sa kanilang

kinabukasan.

 

yaong buhanging dati’y napakadalisay kay

pino at puti

buhanging kumakastilyo sa masagana naming

pamumuhay

buhanging sanay tumatawid sa aking mga

mahal tungong biyaya ng buhay

ngayon ay kinuwadrahan mo sa ganid ng

sakim at ginawang bihag ng pasismo

napaligiran ng mga aso mong bayaran—

gwardyadong-gwardyado

na tulad mong garapal na barbaro, kay

yabang pilit na itinataas pulburado mong noo!

 

ngunit huwag ka’t walang kinilalang bakal na

kamao

ang galit na mga alon ng sa mga kakutsaba

mong dayo

buong bangis at tahasan mong ipinagkanulo

 

ibinulong na ng hangin sa karagatan

ang himutok ng bulkan sa dibdib

ng mga inalipusta mo

 

at di maglalaon…

 

delubyo kang ililibing

sa lunod ng kalaliman

nitong paraiso!

 

at laya sa kalawakan, silahis ay ginto!

 

at timawa ng pagkapantay

ay kawalan ng uring lipunang…

 

rebolusyon ang magtatayo!

Tao of the Revolution

by Tomas Talledo

Imperceptible, moving the unmoving ceaseless Tao of Revolution,
The immovable Law of Motion calls,
“Come Li Ta-Chao, come Azad, come Reds now…”
Victory revealed by time, space and causality when burst forth open.

War machines spurt foul operation plans,
But Ho-Chi-Minh’s pond stays Zen.
Still is the tempest waiting, murmuring,
“Nanay Walingwaling, Kumander Posa, Ka Tingting”.
Fools are they who spit at the sky.

Summons of kubing, drums, gongs call over, over and over,
I glimpse of communism in dances of Tumandok highlanders
Where moving fauna totems meld together
In such ancient brave colors of their skin apparel.

While navel gazers amongst us are blind what lays ahead,
So are bourgeois ego lickers and eaters of the dead.

                                                                              –18 July 2018

PISO LANG ANG LAYO NATIN

Ni Jess Manuel Santiago

Piso ang layo natin sa isa’t isa
kuwarenta’y singko hanggang Monumento
Monumento hanggang Cubao, trenta’y singko
bente naman mula Cubao hanggang sa inyo
Dalawang piso, sabihin pa, kung babalikan.

 

Piso lamang ang layo mo sa akin
Pero ito’y kahapon pa, Tumaas na
ang pasahe’t gayon pa rin ang gana ko
Kaya ngayon, sa paghaba ng kalsada’y
kailangang habaan din ang oras ko
ng pagkayod sa pabrika. Dahil dito,
Hahabaan din ba natin ang pasensya?
Hahabaan din ba natin ang pagitan
ng sa gayo’y madalang na ang pagkikita?

 

Hamo, Mahal, pag nadalaw kita riyan
Pag-uusapan natin ang mga bagay na ito
At ang marami pang mga bagay-bagay
Hindi tayo magtitiis habambuhay.

 

 

Pahaging sa bagong hari

Ni Rogelio G. Mangahas

Aba, bagong hari’y
tila isang multo sa gabi at araw,
dulot ay kilabot
ng anino’t tinig, ng banta’t tungayaw;
Ang idolo pala’y
ang naging diktador nitong sawing bayan—
malaon nang abo’y
minumulto pa rin pati kasaysayan.

Hari, bakit nga ba
lugod mong nalibing sa may puring pook—
labí ng idolong
isang mandarambong, sa baya’y balakyot?
Kahit na batid mong
kayraming biktima ng rehimeng buktot,
puso mo’y minanhid
ng hubris, misteryong talos lang ng bundok.

Hari, bakit ngayo’y
tila lugod mo nang tumumba sa dilim—
bata ma’t matandang
hinalang tumahak sa landas ng baliw?
Tunay bang nanlabán
kahit ang mag-amang may posas sa karsel?
Katarunga’y nahan
sa bayang wika mo’y bayang ginigiliw?

Hari! Kaytapang mong
bumulyaw, kumalas sa banyagang poon,
ngunit ngayo’y bakit
nangangayupapà sa oso at dragón?

Tulad mo nga’y multo,
sa araw at gabi’y may atungal, tahol—
ngunit ang milenyal,
hindi pasisindak sa multo’t diktador!

–Isinulat noong Nobyembre 20, 2016, Araw ni Bonifacio

= = = = =

Si Rogelio Mangahas, ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino, ang isa sa mga nagsulong ng matagumpay na modernismo sa panulaang Filipino, kasama sina Lamberto E. Antonio at Rio Alma. Siya ay premyadong makata, manunulat, kritiko, guro, aktibista, makabayan, at tagapagsulong ng panitikan at wikang Filipino.

Pumanaw siya ngayong umaga dahil sa sakit.

Pampalasa, Pampa-ALSA

ni Rene Boy Abiva

 

Sa bayang mayaman sa utang at pait,

pambulag ang artipisyal na linamnam at tamis

upang ang mga karaniwang sikmura’y ‘di mag-alsa.

 

Matamis na pampalasa ang humulma sa kabataan ni Ignas Dungrit

na iiyak-iyak kung ‘di magkukulay dugo

ang prinitong itlog ng manok o tinapa sa kanyang plato,

dahilan upang magkanda-utang-utang ang kanyang inang kubrador ng huweteng

ng Papa ketsap sa tindahan ni Aling Usyang.

Minsa’y nakapatama ang ina ni Ignas,

anong ligaya n’ ya noong una.

Kaso, nang malamang kalot ang napagwagiang taya,

anong sungit at bagsik ang kanyang simangot

na nai-ukit sa kanyang gusgusing labi at mata.

   

Gayundin si Manolito Lasenggo

na madalas bugbugin ang kanyang labanderang asawa

kung ‘di s’ya nito maipaghahanda ng sawsawang maasim-asim

para sa paborito niyang pulutang tsitsarong kropek na tingi-tingi

o tsitsarong Bulacan na tatlo ang sandaan

na madalas n’ yang bilhin

sa kumpareng tindero sa Amucao.

Mapili pa naman ang gago, kung ‘alang Datu Puti’y Silver Swan ang hanap.

Ayaw n’ya ng Rosas o Basi na gawa ng kanyang sariling bayan.

Kaya ang halos magkubang asawa sa kalalaba,

anong tatag na ini- uutangan ang mister

sa talipapa ni Aling Talin.

Minsa’y naningil ang matandang balo,

at naabutan n’ya ang lasing na si Manolito

himalang binayaran naman s’ya,

binayaran s’ya ng matatalim na limang saksak

na itinindig sa kanyang yayat at kulubot na dibdib.

Dumating ang mga pulis upang siya’ y pasukuin,

kaso nag-ala Rambo

kaya ang kinalabasan, nabalitang nanlaban at patay.

 

Pinagkakitaan ng mga artipisyal na pampalasa

ang buhay at kapalaran nilang mga karaniwang tao

mula sa pawis ng kubrador na ina ni Ignas Dungrit

at sa labanderang asawa ni Manolito

hanggang sa kamatayan ng balong si Aling Talin.

 

Ibang usapin pa ang labis na halagang nakulimbat

sa ‘sanlibo at limang daang mangagawa sa Marilao, Bulacan.

At sa higit dalawang dekada ng pag-iral,

buti pa ang kumpanyang pampalasa,

literal na ang buhay ay masaya at masagana.

E silang taga-gawa ng pampalasa,

halos magpakamatay para lamang mabuhay.

Nagtitiis sa mga barung-barong ng mga bayan-bayan.

Nagtitiis sa buhay-dagang pamumuhay

at kung kumahig ang dalawang paa at kamay,

anong pilit-ligaya nilang sikmuraing lunukin

ang nangingitim na kanin at pinakulong talbos ng kangkong

o kamote na ‘ala man lang pampalasa ni asin.

 

Subalit ‘di kayang pigilan ng artipisyal na pampalasa

ang hangganan ng pait.

 

Pampa-ALSA.

Umabot sa sukdulan ang pagtitiis ng mga manggagawa.

Hunyo 2 ay itinayo nila ang barikada.

Paano ba naman kasi, sa daan-daang pwersa sa paggawa’y

limandaan lamang ang regular at karamiha’y kontraktwal.

Mababa pa ang sahod, ‘alang over-time pay at ‘alang benepisyo

sa kung anu-anong kaltas ng kanilang amo.

Habang ‘alang awang pinagtatanggal ang ilan sa kanilang nadisgrasya

habang nasa paggawa

kabilang ang mga nagtayo at nagbuo ng unyon.

 

Nag-alsa ang mga tagapaglikha ng pampalasa.

At agad nagsabwatan ang kapitalista at mga mamamatay-tao na pulis

at yinusak-yusak ang hanay ng mga nagpoprotesta.

Marami sa kanila ang umuwing sugatan at may biyak sa noo.

Marami sa kanila ang tinutukan ng baril sa ulo.

Marami sa kanila ang pasa sa katawan ang tinamo.

Ngunit higit na mas marami ang gaya nila

ang magkakapit-bisig sa nalalapit na SONA ng pangulo.

 

Kakalantog ang mga lansangan

mula sa kanilang kolektibong lakas at malay! 

May alab na namamayani sa kanilang puso

na mas mainit pa sa nagbabagang punglo!

 —-

Hunyo 16, 2018

Lunsod ng Queson, Pilipinas

 

Desiderata

Salin sa Filipino nina Cora at Rey Casambre

Mula sa orihinal ni Max Ehrmann

 

Humayo nang panatag
Sa gitna ng ingay at pagmamadali at tandaang
May kapayapaang matatagpuan sa katahimikan.

Hangga’t maaari nang walang pagsuko,
Makipagkapwa-tao.
Bigkasin ang iyong katotohanan nang mahinahon at malinaw,
at makinig sa iba, kahit sa mapurol o mangmang:
sila ma’y may kanilang salaysayin. Iwasan ang mga taong
maingay at magaspang; nakaririndi sila sa diwa.

Kung ihahambing mo ang sarili sa iba, maaaring
maging hambog at masamain ang loob, pagka’t
laging may hihigit sa iyo at may hihigitan ka.
Masiyahan ka sa iyong mga natamo, gayundin sa iyong mga balak.

Manatiling buhos ang iyong kalooban sa mga gawain, gaano man
kababa; tunay itong kayamanan sa nagbabagong panahon.
Maging maingat sa pakikipagkalakalan pagka’t ang mundo’y
batbat ng panlilinlang. Subalit huwag hayaang
makabulag ito sa iyo sa anumang kabutihang mayroon; maraming nagpupunyagi para sa mga adhikaing dakila;
at sa lahat ng dako, ang buhay
ay lipos ng kabayanihan.

Huwag magkunwari laluna na ng pagmamahal.
Huwag ding talikuran ang pag-ibig, pagka’t sa gitna ng
katigangan at kalungkutan, kailanma’y umuusbong
at nabubuhay itong tulad ng damo.

Maluwag na tanggapin ang payo ng katandaan;
Banayad na isuko ang mga bagay ng kamusmusan.
Arugain ang tibay ng loob na sasalag sa mga biglaang
sakuna. Huwag palulumo sa mga guni-guni.
Maraming takot ang dulot ng pagod at kalungkutan.
Sa kabila ng malusog na disiplina, maging mabait sa iyong sarili.

Anak ka ng sanlibutan, tulad ng mga punungkahoy at bituin;
may lugar ka rito. At malinaw man sa iyo o hindi, walang
alinlangang bumubukadkad ang daigdig ayon sa nararapat.
Kaya maging panatag ka sa Diyos, anuman ang pagkakilala mo
sa kanya. At anuman ang iyong mga gawain at mithiin,
sa maingay na kalituhan ng buhay, panatilihin mong panatag ang iyong kalooban.

Sa kabila ng panlilinlang, kawalang-buhay at mga gumuhong pangarap, maganda pa rin ang mundo.

Mag-ingat. Magsikap lumigaya.

A giant of a film waiting to be born

“Yield” is a film that has already made history by being included as finalist to six categories in this year’s 66th Famas Awards. It may be the first ever documentary film to be nominated in the best film and best director categories–traditionally exclusive to full-length feature films. It is also a finalist in the best cinematography, best editing, best sound, and best documentary film categories.

Yield’s co-director, cinematographer, editor, sound engineer Victor Delotavo Tagaro told Kodao the film will finally be launched after the Famas Awards ceremonies.

Following is Kodao’s short review of the film. (Tagaro was once a Kodao filmmaker.)

= = = =

Filipino feature films usually rely on long-winded dialogues to move their stories along.  Video documentaries, on the other hand, mostly rely on voiceovers to stitch its sequences together.  In both cases, they betray their radio drama roots by almost always describing what is already being shown.

Comes now Yield, a 90-minute pictorial feast that eschews the voice-over and the dialogue as story-telling tools.  The film relies almost entirely on the visual to bring the viewer from one situation to the next, in a bracing roller-coaster ride of both despair and hope.

The documentary does not reveal a script—an unconventional approach realized successfully by its directors.  There are no interviews either, the film firmly sticking to the unhindered interaction between the camera and the subjects.  Thus, there are no perspectives but the subjects’ and the viewers’ reactions are entirely their own, unencumbered by manipulative dialogue or an interviewer’s questions.

Instead, the film relies solely on gorgeous sequential cinematography to move the story along.  The deliberate composition of each frame and the beautiful movement of each sequence offer the viewers a visual tour-de-force that is unlikely to be forgotten in a long while.

Yield’s narrative benefits from this unusual and brave approach in filmmaking.  It is a presentation and discussion of the lives of poor children all over the Philippines that is un-proselytizing but pregnant, silent but incendiary.  It lets poor children tell their stories just by living, the camera recording them almost incidental.  It lets them tell the viewer a thing or two about their struggles to live—and die—with dignity.

Within an hour-and-a-half, the film takes us to five years of these children’s lives.  It also subtly reminds us while watching of the epic amount of dedication and creativity spent to produce it, as well as bonds and relationships formed between the filmmakers and the subjects in those five years of pain and joy, of loss and creation.

Yield is co-directed by its executive producer Toshihiko Uriu and Victor “Onin” Delotavo Tagaro who, to date, is most famous for his 2004 Hacienda Luisita massacre documentary, “Sa Ngalan ng Tubo.”  He is also the primary cinematographer and editor of this TIU Cinema production.  The film’s unobtrusive yet powerful music is by Diwa Felipe de Leon

Whenever this documentary’s launch date may be, it should be marked as the day Philippine cinema gave birth to a giant of a film.—Raymund B. Villanueva