Desiderata
Salin sa Filipino nina Cora at Rey Casambre
Mula sa orihinal ni Max Ehrmann
Humayo nang panatag
Sa gitna ng ingay at pagmamadali at tandaang
May kapayapaang matatagpuan sa katahimikan.
Hangga’t maaari nang walang pagsuko,
Makipagkapwa-tao.
Bigkasin ang iyong katotohanan nang mahinahon at malinaw,
at makinig sa iba, kahit sa mapurol o mangmang:
sila ma’y may kanilang salaysayin. Iwasan ang mga taong
maingay at magaspang; nakaririndi sila sa diwa.
Kung ihahambing mo ang sarili sa iba, maaaring
maging hambog at masamain ang loob, pagka’t
laging may hihigit sa iyo at may hihigitan ka.
Masiyahan ka sa iyong mga natamo, gayundin sa iyong mga balak.
Manatiling buhos ang iyong kalooban sa mga gawain, gaano man
kababa; tunay itong kayamanan sa nagbabagong panahon.
Maging maingat sa pakikipagkalakalan pagka’t ang mundo’y
batbat ng panlilinlang. Subalit huwag hayaang
makabulag ito sa iyo sa anumang kabutihang mayroon; maraming nagpupunyagi para sa mga adhikaing dakila;
at sa lahat ng dako, ang buhay
ay lipos ng kabayanihan.
Huwag magkunwari laluna na ng pagmamahal.
Huwag ding talikuran ang pag-ibig, pagka’t sa gitna ng
katigangan at kalungkutan, kailanma’y umuusbong
at nabubuhay itong tulad ng damo.
Maluwag na tanggapin ang payo ng katandaan;
Banayad na isuko ang mga bagay ng kamusmusan.
Arugain ang tibay ng loob na sasalag sa mga biglaang
sakuna. Huwag palulumo sa mga guni-guni.
Maraming takot ang dulot ng pagod at kalungkutan.
Sa kabila ng malusog na disiplina, maging mabait sa iyong sarili.
Anak ka ng sanlibutan, tulad ng mga punungkahoy at bituin;
may lugar ka rito. At malinaw man sa iyo o hindi, walang
alinlangang bumubukadkad ang daigdig ayon sa nararapat.
Kaya maging panatag ka sa Diyos, anuman ang pagkakilala mo
sa kanya. At anuman ang iyong mga gawain at mithiin,
sa maingay na kalituhan ng buhay, panatilihin mong panatag ang iyong kalooban.
Sa kabila ng panlilinlang, kawalang-buhay at mga gumuhong pangarap, maganda pa rin ang mundo.
Mag-ingat. Magsikap lumigaya.