PLDT

ni Rene Boy Abiva

 

Hindi ko alam kung saan yari ang iyong kaluluwa

kung ‘to ba’y yari sa sala-salabat na old fiber

o sa ipinagmamayabang mong new wireless fiber.

‘Di ko lubos maisip kung tao ka pa nga ba

at kung bakit ni katiting na hibla ng awa

ay ‘di mo kayang maibigay sa higit pitong libong manggagawa.

 

Gaya na lamang ni Atong Alagwa

na sampung taon mong pinagbuhat at pinaghila

ng dambuhalang bakal, kawad at linya.

Na kung umuwi’y turing nang biyaya

kung mai-abot nang buo ang sweldo sa may sakit na asawa.

 

At mukhang nag-iinis ka pa

sa bawat imaheng ‘yong ipinapakita

sa telebisyon, tabloyd at billboard sa mga kalsada

gaya na lamang sa mukha

ni Pia Wurtzbach at Kris Aquino na ngangang-nganga

habang sa gilid ay naka-ukit sa lona

ang mga katagang DSL, hacker at ultera.

 

Gaya mo rin pala ang NutriAsia,

na kung toyoin ang manggagawa’y anong saya.

Punyeta’t sarap na sarap pa,

sarap na sarap na binuwag ang barikada!

gayong sing-alat na ng patis at asim ng suka

ang pawis at luha

ni Aling Leticia.

 

Suma total ay gaya mo si Digong

who cares about human lives

but not human rights.

At ngayon sinasabi mong ‘yong babaguhin ang mundo?

Sa pamamaraang may iiyak at magugutom

hanggang sa sukdulan ng pagdanak ng dugo

at pag-atungal ng libo-libong balo.

 

At ngayong pinaboran ng DOLE ang mga manggagawa

sa unang pagkakatao’y anong ligaya nila,

ngunit anong kapal mo’t umaangal ka pa?!

hanggang islogan ka lang pala!

 

 

Agosto 1, 2018

Lunsod ng Queson, Maynila