Liham sa Mamimili sa Pagitan ng Patalastas at Pandarahas sa NutriAsia
ni Joi Barrios-Leblanc
Mahal na Mamimili, ganito ang ibinabandera sa patalastas:
Masarap, masaya, basta’t NutriAsia.
Maasim ang Datu Puti na suka,
at All-around ang Mang Tomas na sarsa,
Manamis-namis at maalat naman ang toyong Silver Swan,
At ang ketchup na UFC, ay may tamis-anghang.
Paano nga ba makokompleto ang sangkap sa kusina
kung walang Nutri-asia na pampalasa?
Ganito naman inilalarawan ng kapitalista’t pasista
ang lahat ng nasa piket sa pabrika ng NutriAsia:
Basagulero ang mga iyan at naghagis ng bato,
May dalang droga kaya sila inaresto.
Pakialamero ang estudyanteng sasali-sali sa piket.
May bitbit na baril ang media, kung kaya’t ipiniit.
Samakatuwid: Kriminal silang binugbog at duguan.
Kaladkarin sa bilangguan, sampahan ng kaso sa hukuman.
Mamimili tayong lahat na hindi na kailanman
dapat makapagtimpla ng adobo
nang hindi naalalala ang duguang mukha
ng inaarestong matandang manggagawa,
o makapagsasawsaw ng inihaw na isda
nang hindi sumasagi sa gunita
kung paanong sa minsang pagbuwag ng piket,
nakadapa na’y patuloy pa rin ang pulisya sa paghataw
sa kanilang ang tanging ipinaglalaban
ay trabahong regular, kaligtasan at sapat na kita.
Patawarin tayo ni Lolang manggagawa,
sa mga hapagkainan nating ang asim at tamis,
ay likha nilang nagsisikhay sa pabrika.
Patawarin tayo nilang lahat na pinagbintangang kriminal:
silang baldado ang braso, napilay ang paa,
nagkasugat-sugat ang balat, at isinadlak sa likod ng rehas,
Patawarin tayo sa pagkikibit-balikat sa pandarahas,
basta’t may anghang at alat, ang hapunan sa hapag.
Mahal na Mamimili, na sana’y hindi pa nabubulunan,
Heto ang panawagan:
Ipamukha sa Nutri-Asia na walang sarap o saya
Hangga’t walang natitikmang katarungan sa paggawa.