Hindi Ako Maglo-Loan (Petmalu na joke)

Ni Jocelyn C. Tripole

Hindi ko alam paano simulan
Baka maraming magtaasan
Wala pong personalan
Hindi po ako exempted sa listahan
Huwag po magtaka para-paraan
Ang aking joke gusto ko pong simulan.

Hindi ako maglo-loan
Kahit pilipitin hindi makiki-isa
Ayoko makiuso sa mga kasama.
Unang taon sa eskwela
Kasama ang pisara
May darating daw na bisita.
So, ang naging resulta
Nag-loan ang maestra
Kasi ang room dapat pleasing sa mata.
Hindi ako maglo-loan
Ayoko nang sundan pa
Tama na ang isa,makaahon na sana
Sa dami ng reports at paperworks
Dapat nakikisabay ka
Printer, computer, laptop
In-demand naman talaga
Kaya sa bangko doon ako nagpunta.

Hindi ako maglo-loan
Ayoko na! Ayoko na!
Konting-konti na lang ang natitira
Hindi nauubos ang aking pasensya
Seminar, training , coaching
Hindi ka pwedeng magpa-bitin
Kaya sa bulsa mo, dukot-dukot pa rin
Ang classroom, dapat home-na-home ang dating
Take note: galing pa rin sa bulsa namin
Ang garden at reading ating pagandahin.
So, loan ulit naging solusyon natin.

Hindi ako maglo-loan
Pero may bahay na mareremata
Ang anak na ospital pa
May tuition fee na umaarangkada
Mura na lang talaga ang mura
Oo, isa kang paasa
Si kuya kailangan ng puhunan
Si ate manganganak na naman
Wala nang maintenance ang aking magulang
Si bunso kailangan din damitan
May lupang dapat interesan
May utang na dapat bayaran
Kuryente, tubig nagtaasan
Kaya ang bangko ang naging takbuhan
Sa tuwing may dinaramdam si ma’am
So, ‘wag nyo kong husgahan
Kung ang pay slip aking inaabangan.

Hindi ako maglo-loan
Joke ko lang naman yun
Kung gusto mong seryosohin
Bahala ka na dun.

Habang hindi tinataasan
Ang sweldong nakalimutan
Hindi ako maglo-loan
Habang buhay kong joke un
Pwede mong seryosohin
Bahala ka na tsong!

 

(Ang makata ay isang guro sa Bulacan. Kahapon, nag-protesta ang mga guro sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers sa punong tanggapan ng Kagawaran ng Edukasyon laban sa pagtanggal ni Kalihim Leonor Briones sa net take home pay ng mga pampublikong guro upang masigurong mayroon silang maiuuwing apat na libong piso man lamang kada buwan.)