Hunyo 8, 2024 (Bagyo)
Ni Ibarra Banaag
Ang hatinggabi’y dumadagundong sa kulog,
at hinahambalos ng hangin ang mga puno
gumuguhit ang kidlat sa bubong ng bahay,
ito ba’y poot ng langit at nagsasalimbayan.
Ang bumuhos na tubig ay animo lubnak,
ano’t maputik at malansa na nakasusulak,
ipagkakamaling pulbura, pumatak nalaglag,
tangay ng hangin mula sa gitnang silangan.
Ulan na siyang dating sinasahod ng dila,
ang iniinom sa langit na inaasam sa mukha,
ang mabilis na daloy sa alulod ng bahay,
ay nagmistulang burak sa bansang niyurak.
Naglaho ang bituin na nagtuturo sa hilaga,
nagtampo na ang buwan sa dinurungawan,
nakapinid na ang dating bukas na bintana,
lumilipad sa gabi’y bombang mapaminsala.
Nagpapahiwatig kaya ang duming tinangay,
babalang ang mantsa’y wangis ng dinusta,
at tila may halo ng dugo at piraso ng laman,
itong lusak sa gitna ng delubyong dumaan.
Layak na nagmula sa bansa ng lahing nilipol,
ay ganting pagsingil sa pangil ng pagtaboy,
ang ganid, ang sakim at buktot na layunin,
‘di mawawaglit sa adhika araw ng paniningil!
Habang nagbibingi-bingihan ang Maykapal,
habang nagbubulag-bulagan sa karahasan,
habang nakapinid ang puso sa kabulastugan,
masa ang tanging bibigwas sa kabalbalan!