KUNG PAANO MAGDILIG
Sa alaala ng Maguindanao Massacre
Nabibitak na ang lupa sa malawak
Na kapatagan ng Maguindanao.
Ngayo’y hindi naman tagtuyot,
Ngunit tigang ang rabaw
At sementadong kalsadang
Dinaraanan nila.
Tirik ang araw. Walang ulan
Na puwedeng maging dahilan
Ng alimuom, ngunit nakapagtataka
Na may ibang singaw
Ang lupa. Maaamoy mo ang sangsang
Na bitbit ng mga sumasayaw na dahon.
Hindi ito ordinaryong hapon. Kailangan nilang magdilig –
Upang hindi mamatay
Ang mga halaman at tanim.
Kaya’t sila ay nagdilig nang nagdilig.
Bitbit ang pag-asang maibabalik
Muli ang dating samyo
Ng probinsya.
Tahimik ang paligid.
Kanta lamang
Ng mga ibon ang maririnig.
Ngunit kung nanaising tumahimik –
Madidinig ang alingawngaw
Ng mga katawang nakatanim,
At kung paano sila itinanim.
Kung susumikaping imulat ang mata –
Makikita sa tintadong lupa
Kung anong likido ang kanilang pinang-igib,
Para gamiting pandilig
Sa bitak-bitak na lupa kung saan
Nagpatong-patong ang iniwang gunita.