Posts

Maulan na Hapon

Ni Andre Ramirez Gutierrez

Pagkatapos ng tahimik na pagdiriwang,

ng simpleng noche buena’t inuman sa dilim,

bumigkas ang langit ng isang pamilyar

na pangungusap na kilala’t kinatatakutan

ng lahat: walang habas na pagpatak, koro ng kulog

na sumasabay sa kumpas ng kampana’t

marahang bulong ng hangin mula sa kanan—tila

sanlibo’t sandaang tipak ng bato ang nagahagbong

sa mga yerong bubungan. Mula sa aking kinauupuan,

dinig ang ispiker ng simbahan, at ang panalangin

ng pari sa agarang pagtila nitong muling pagbuhos ng ulan.

Sa kaliwang parang, mayroong nilalamig na kambing

na napabayaang ngumunguya ng bermuda, at marahil

sumasabay din siya sa idinaraos na misa, pagkat bakas

sa kaniyang ginaw na halinghing ang tráwma ng pagsalanta.

Poblacion, Dauis

26 Disyembre 2021

KUNG PAANO MAGDILIG

Sa alaala ng Maguindanao Massacre

 

Nabibitak na ang lupa sa malawak
Na kapatagan ng Maguindanao.
Ngayo’y hindi naman tagtuyot,
Ngunit tigang ang rabaw
At sementadong kalsadang
Dinaraanan nila.

Tirik ang araw. Walang ulan
Na puwedeng maging dahilan
Ng alimuom, ngunit nakapagtataka
Na may ibang singaw
Ang lupa. Maaamoy mo ang sangsang

Na bitbit ng mga sumasayaw na dahon.

Hindi ito ordinaryong hapon. Kailangan nilang magdilig –
Upang hindi mamatay
Ang mga halaman at tanim.
Kaya’t sila ay nagdilig nang nagdilig.

Bitbit ang pag-asang maibabalik

Muli ang dating samyo
Ng probinsya.

Tahimik ang paligid.
Kanta lamang
Ng mga ibon ang maririnig.
Ngunit kung nanaising tumahimik –
Madidinig ang alingawngaw
Ng mga katawang nakatanim,
At kung paano sila itinanim.

Kung susumikaping imulat ang mata –
Makikita sa tintadong lupa
Kung anong likido ang kanilang pinang-igib,
Para gamiting pandilig
Sa bitak-bitak na lupa kung saan
Nagpatong-patong ang iniwang gunita.

11.23.18
Andre Gutierrez