Bakit Filipino at ‘di Tagalog?

MARAHIL ay dapat tuldukan na ang pagkalito. Ang Wikang Pambansa ay Filipino – hindi Tagalog. Ang Filipino ay pinagsama-samang wika mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas na may pagsasaalang-alang din sa mga dayong wika na naging bahagi na ng pang-araw-araw na talastasan. Dumaan ito sa masusing pag-aaral ng Surian ng Wikang Filipino na naglalayong pagpasiyahan kung katanggap-tanggap sa mas nakararami. Pansinin na mas dominante ang Tagalog. Ito ang pinagmulan ng Wikang Pambansa.

Pinakamalaki ang Luzon sa tatlong pangunahing islang bumubuo sa arkipelago – ito nga, Luzon, Bisaya, at Mindanao. Sa Luzon ay mas nakararami ang nagsasalita ng Tagalog, bagama’t may iba pang diyalekto – Pampango, Iloko, Bikol, Ibanag, Itawis, atbpa – ngunit namamayani at tanggap ang Tagalog bilang pangunahing salita. Ayon sa mga kuwentong bayan, ang Tagalog ay hango sa “taga-ilog”, mga naninirahan sa paligid ng Ilog Pasig, ang pangunahing ilog na bumabaybay sa malaking bahagi ng lalawigan ng Rizal kasama ang Metro Manila. Kahit noon, uhuan ng mga migrante buhat sa iba’t ibang lalawigan ang bahaging ito dahil ito ang kinikilalang lundo ng komersyo. Kailangang umakma sa kultura ang mga dumarayong taga-ibang probinsya kaya natuto silang magsalita ng wika ng mga “taga-ilog.” Hanggang ngayon, itinuturing na pinaka-dominante ang wika ng “taga-ilog”, ang Tagalog, na siyang pinagbasehan ng pagbuo ng Wikang Pambansa.

Pinagtibay ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nagkabisa nuong Disyembre 13, 1937, na Tagalog ang maging “batayan ng wikang pambansa ng Filipinas.” Ang naturang batas ay nagkabisa lamang nuong 1940.

Nuong Hulyo 4, 1946, sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 570 na pinagtibay nuong Hunyo 7, 1940, ay kinilala ang Wikang Filipino bilang opisyal na Wikang Pambansa. Ayon kay Roberto T. Añonuevo, ng Komisyon sa Wikang Filipino: “Nagpalabas ng kautusan ang kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon noong 13 Agosto 1959, na tawaging ‘Pilipino’ ang ‘Wikang Pambansa’. Ang ‘Pilipino’, na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 ‘na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.’”

May pananaw si Ben G. Domingo, retiradong propesor sa komunikasyon sa Central Luzon State University. “Nang bago pa lamang akong natututo ng wikang Pilipino, may pagka-purista ang aking pagpapahalaga at paggamit sa noon ay pambansang wikang tumuntong sa Tagalog. Unti-unting nagbago ang aking pananaw nang malinawan ako sa pagiging dinamiko at masigla ng isang buhay na wika. Nagbabago o lumalago ito dulot ng iba’t ibang kaganapan sa lipunang kinapapalooban nito.”

Bagama’t nagpahayag din siya ng pagkalito. “Naisip ko rin noon, bakit kinakailangang isama ang mga letrang c, ch, f, j, ll, ng, q, v, x at z sa wikang Filipino? Hindi ba balangkas-kolonyal ito?

“Hanggang sa mapagtanto kong ang mga ito ay likas (na tunog) sa maraming katutubong wika sa ating bansa, tulad ng Ibanag at Itawis na sagana sa ‘f’ at ‘v’ ang kanilang mga salita.”

Ito ang malinaw na tugon kung bakit ang Filipino ay “nag-ampon” ng mga titik na sa unang tingin o dinig ay banyaga.

“Mahabang salaysayin — at masalimuot — ang pinagdaanan sa batas ng Tagalog bilang wikang pambansa (1936), at ang pagiging Pilipino (1959) at Filipino (1992) nito,” patuloy ni Domingo.

May agam-agam siya kung bakit Tagalog ang pinagbasehan ng Wikang Pambansa. “Nuong simula ng ilang-20 siglo, tinatayang wala pang 25 porsyento ng mga mamamayan sa Pilipinas ang nagsasalita ng Tagalog samantalang mahigit 40 porsyento, diumano, ay gumagamit ng Bisaya, bagama’t ang bilang na ito ay nagbago na (mahigit na 90 porsyento na ang gumagamit ng wikang Filipinong nakatuntong sa Tagalog [ngayon]) pagkatapos na maisabatas na Tagalog ang naging lunsaran ng wikang pambansa, na ipinatupad sa mga paaralan at lalong pinakalat ng midya.”

Noong 1986, nakapaloob sa binagong Saligang Batas ng 1986 na kilalanin ang pambansang wika ng Pilipinas bilang “Filipino.” Ayon sa naturang bahagi ng batas na ito ay, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.” #

(Larawan: Mga “taga-ilog” na namamangka patungo sa kanilang destinasyon sa kahabaan ng Ilog Pasig na bumabaybay sa malaking bahagi ng lalawigan ng Rizal na sumasakop sa ngayon ay tinaguriang Metro Manila. Pasintabi at kredito sa pahinang “Batang Pinoy – Noong at Ngayon” sa Facebook).