Posts

Huling hirit sa Buwan ng Wikang Filipino

Ni Carlos Marquez

NGAYON ang huling araw ng Buwan ng Wikang Filipino. Paano ko ginugugol ang kabuuan ng buwang ito na siya ring buwan ng aking kapanganakan? Maaaring pinagtaasan ako ng kilay ng mga nag-isip na ipokrito ako dahil kilala akong manunulat sa Ingles at pagkatapos ay bigla akong kumambyo sa Filipino. Uulitin ko, ito ang aking personal na partisipasyon sa paggunita ng pagkakaroon natin ng sariling wika, ang wika na sinasabi ko’t inuulit-ulit na siyang minana natin sa ating mga ninuno – ang Taga-ilog na nabuglawan ng mga dayuhang taga-Sumatra nuong madaling-araw ng sibilisasyon sa bansang ito – at ang wikang sinuso natin sa ating mga ina. (Isipin mo na habang pinasususo tayo ng ating mga ina nuong tayo ay mga sanggol pa ay inaawit niya, o hinihimig, ang “Sa Ugoy ng Duyan”).

Ito rin ang paraan para ipagmalaki ko na “marunong” din akong magsulat sa wikang Filipino. Hindi Tagalog. Ang Tagalog ay siya lamang pinagbasehan ni Manuel L. Quezon ng Wikang Pambansa. Pansinin na maraming iba’t ibang diyalekto na buhat sa iba’t ibang panig ng bansa ang inilahok sa Filipino upang maging mas “Pilipinung-pilipino”, ayon na rin sa mga eksperto sa lingwistiko na siyang nagsikap na habihin ang wikang pambansa. Pansinin din kung paano ko gamitin ang Filipino sa aking pagsusulat: Hindi ito Tagalog lamang. Ang iba riyan (iyong ginagawang dahilan sa kakulangan sa kasanayan sa gramatikong Ingles) “sumusulat ako sa Tagalog lamang”. Pero, masdan mo ang kanilang trabaho, “Tagalog” na nga na para bang wikang minorya ang binabanggit) ay kapos naman sa mga alituntunin ng wastong balarilang Filipino. Gumagamit ng mga salitang ni sila ay hindi alam kung tama upang magbigay ng impresyon na ang ginagawa nila ay “malalim na pananagalog”. Kahit na anong lengwahe ang gamitin sa pagsusulat, dapat maunawaan din ang mga karakter ng wika pati na ang wastong gramatiko nito.

Sinasabi ko ito dahil sa marami akong naririnig (kadalasan ay sa mga brodkaster) na gumagamit ng mga salitang “Tagalog” na hindi nila naiintindihan ay lumilikha ng mal-edukasyon sa publiko.

“Matutunan”. Ano ang matutuhan sa salitang ito?

Walang hulaping NAN para sabihing matutuNAN. Ang salitang ugat dito ay “tuto”. Kung ang huling titik sa salita ay patinig, sinsingitan ito ng H sa pagitan ng salitang ugat at hulapi para sa mas maginhawang pagbigkas, ayon sa Balarilang Filipino ni Lope K. Santos.

Marami pang ganitong uri ng pagsasalita na madidinig sa mga telebisyon at radyo – na kung tutuusin ay pangunahing humuhubog sa kaisipan ng mga tagapakinig. Ang mga medyang ito, tandaan, ay sandata ring pang-edukasyon kaya dapat ay maging mapili at maingat ang mga brodkaster at mga manunulat sa radyo at telebisyon.

Ginagawa ko ito na para akong isang baliw sa gitna ng ilang. Humihiyaw sa kawalan. Kung wala kasing gagawa nito, sino pa?

Magandang Linggo ng umaga, at sana ay sumapuso at sumadiwa natin ang diwa ng Buwan ng Wikang Filipino. #

Ang sanaysay na ito ay isinulat noon pang August 31, 2014, araw ng Linggo. Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.  

Manuel L. Quezon, 19 Agosto 1878 – 1 Agosto 1944

Ni Carlos Marquez

SI Manuel Luis Quezon y Molina ay ang Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas mula 1935 hanggang 1944. Siya rin ang unang pinunong Pilipino na namahala ng buong kapuluan ng Pilipinas.

Si Quezon ay ipinanganak sa Baler sa distrito ng El Principe noong 19 Agosto 1878. Ang kanyang mga magulang ay sina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina. Ang kanyang ama ay isang guro sa elementarya ng Paco, Maynila at isang retiradong Sarhento de Guardia Civil, habang ang kanyang ina ay isa ring guro sa elementarya ng kanilang bayan. Ang kanyang ama ay isang Chinese-Spanish-Filipino mestizo, habang ang kanyang ina ay isang Spanish-Filipino mestiza.

Siya ay nag-aral sa mga panimulang baitang sa mga libreng pampublikong paaralan na itinatatag ng mga Espanyol sa kanyang bayan. Siya ay nakapagtapos sa mataas na paaralan ng Colegio de San Juan de Letran. Noong 1898, ang kanyang ama at kapatid na si Pedro ay tinambangan at pinaslang habang pauwi sa Baler mula Nueva Ecija. Noong 1899, si Quezon ay huminto sa kanyang pag-aaral ng batas sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila upang sumali sa pakikibaka para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo. Noong digmaang Pilipino-Amerikano, siya ay isang ayuda-de-campo kay Aguinaldo. Siya ay umakyat sa ranggong Major at lumaban sa Bataan. Pagkatapos niyang sumuko noong 1900, si Quezon ay bumalik sa unibersidad upang tapusin ang kanyang pag-aaral at nakapasa sa mga eksaminasyon sa batas noong 1903 na naging ikaapat sa mga kumuha nito.

Siya ay nagtrabaho bilang isang clerk at surveyor. Siya ay pumasok sa serbisyong pampamahalaan bilang piskal ng Mindoro at kalaunan ng Tayabas. Siya ay naging konsehal at nahalal na gobernador ng Tayabas noong 1906.

Pinakasalan ni Quezon ang kanyang pinsan na si Aurora Aragon noong 17 Disyembre 1918 at sila ay nagkaroon ng apat na anak.

Si Quezon ay nahalal sa unang Asembleyang Pilipino noong 1907 na kalaunang naging Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas. Siya ay naglingkod na majority floor leader at chairman of the committee sa mga apropriasyon. Mula 1909–1916, siya ay nagsilbing isa sa dalawang mga komisyoner sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Estados. Siya ay nag-lobby para sa pagpasa ng mga kinatawan ng Estados Unidos ng Philippine Autonomy Act o Jones Law.

Si Quezon ay bumalik sa Maynila noong 1916 at tumakbo at nahalal sa Senado ng Pilipinas. Kalaunan ay naging Pangulo ng Senado ng 19 na taon, hanggang 1935. Pinamunuan niya ang unang Independiyenteng Misyon sa Kongreso ng Estados Unidos noong 1919 na nagpasa ng Batas Tydings-McDuffie noong 1934. Noong 1922, siya ay naging pinuno ng Partido Nacionalista.

Noong 1935, Si Quezon ay tumakbo at nahalal na pangulo ng Pilipinas. Nakamit niya ang boto na 68% laban kina Emilio Aguinaldo at Gregorio Aglipay. Siya ang itinuturing na pangalawang pangulo ng Pilipinas pagkatapos ni Aguinaldo.

Ang isang probisyon sa konstitusyong ipinatupad ni Quezon ang tanong hinggil sa pambansang wika ng Pilipinas. Pagkatapos ng isang taong pag-aaral, ang Surian ng Wikang Pambansa na itinatag noong 1936 ay nagrekomenda na ang wikang Tagalog ang gawing basehan ng pambansang wika. Ang mungkahing ito ay mahusay na tinanggap sa kabila ng pagiging katutubong Bisaya ng unang direktor nitong si Jaime C. de Veyra. Noong Disyembre 1938, si Quezon ay naglabas ng proklamasyon na nagpapatibay sa konsitusyong ginawa ng Surian at naghahayag na mangyayari ang pag-tanggap ng pambansang wika sa loob ng dalawang taon mula rito.

Si Quezon ay ipinagbawal ng Konstitusyon na muling tumakbo sa halalan ng pagkapangulo. Gayunpaman, ang mga susog noong 1940 ay pinagtibay na pumapayag sa kanyang muling pagtakbo. Siya ay tumakbo at nahalal sa halalan ng pagkapangulo noong 1941 na may halos 82 porsiyento laban kay Juan Sumulong.

Pagkatapos ng pasimula ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas noong 8 Disyembre 1941, sina Heneral Douglas MacArthur at Quezon ay lumikas sa Bataan noong 24 Disyembre 1941. Si Quezon ay pinayuhan ni MacArthur na lumikas sa Corregidor kung saan isinagawa ang kanyang inagurasyon bilang Pangulo ng Pilipinas noong 30 Disyembre 1941. Ang mga Hapones ay pumasok sa siyudad ng Maynila noong 2 Enero 1942 at itinatag ito bilang kabisera. Buong nasakop ng Hapon ang Pilipinas noong 6 Mayo 1942 pagkatapos ng Labanan ng Corregidor. Pagkatapos ay lumikas si Quezon sa Bisayas at Mindanao at sa pag-anyaya ng pamahalaan ng Estados Unidos ay lumikas siya sa Australia at pagkatapos ay sa Estados Unidos. Sa Estados Unidos ay itinatag niya ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas na ang headquarter ay sa Washington, D.C. Doon ay nagsilbi siyang kasapi ng Pacific War Council at lumagda sa deklarasyon ng United Nations laban sa Axis Powers. Doon ay kanya ring isinulat ang kanyang sariling talambuhay na pinamagatang “The Good Fight”.

Binuwag ni Heneral Masaharu Homma ang Komonwelt ng Pilipinas at itinatag ang Komisyong Tagapagpaganap ng Pilipinas bilang nangangalagang pamahalaan na si Jorge B. Vargas ang unang chairman noong Enero 1942. Ang KALIBAPI o Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas, ay binuo ng Proklamasyon bilang 109 ng Komisyong Tagapagpaganap noong 8 Disyembre 1942 na nagbabawal sa lahat ng mga umiiral na partidong pampolitika at paglikha ng mga bagong alyansang pamahalaan. Bago ang pagbuo ng komisyon, ang Pilipinas ay binigyan ng Hapon ng opsiyon na isailalim ang Pilipinas sa diktadurya ni Artemio Ricarte na ibinalik ng mga Hapones mula sa Yokohama. Ito ay hindi tinanggap ng Komisyon na nagpasyang gawing republika ang Pilipinas. Sa unang pagdalaw sa Pilipinas ni Punong Ministro Hideki Tojo noong 6 Mayo 1943 ay nangako siyang ibabalik ang kalayaan ng Pilipinas bilang bahagi ng Pan-Asyanismo nito o Asya para sa Asyano. Ito ay nagtulak sa KALIBAPI na lumikha ng komiteng paghahanda para sa kalayaan ng Pilipinas noong 19 Hunyo 1943. Ang isang draptong konstitusyon ay binuo ng komisyon na binubuo ng 20 kasapi mula sa KALIBAPI. Ito ay pinamunuan ni Jose P. Laurel na nagtanghal ng draptong konstitusyon noong Setyemre 4, 1943 at pagkatapos ng 3 araw ay pinagtibay ng pangakalahatang asemblea ng KALIBAPI. Noong 20 Setyembre 1943, hinalal ng mga pangkat na kinatawan ng KALIBAPI sa mga probinsiya at siyudad mula sa kanilang sarili ang 54 kasapi ng Pambansang Asemblea ng Pilipinas na may 54 gobernador at mga alkalde ng lungsod bilang mga kasaping ex-oficio. Pagkatapos ng tatlong araw, ang sesyon ng Pambansang Asemblea ay humalal kina Jose P. Laurel bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas at Benigno S. Aquino Sr. bilang unang speaker nito. Itinaas nina Aguinaldo at Ricarte ang watawat ng Pilipinas.

Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935, ang termino ni Manuel L. Quezon bilang pangulo ay magwawakas noong 30 Disyembre 1943 at ang pangalawang Pangulo na si Sergio Osmeña ang automatikong hahalili sa kanya. Ito ay ipinaalam ni Osmeña kay Quezon ngunit naniwala si Quezon na hindi matalinong ipatupad ang tadhanang ito ng Saligang Batas dahil sa mga kasalukuyang sirkunstansiya ng pamahalaan ng Pilipinas. Hindi ito tinanggap ni Osmeña at hiniling ang opinyon ni U.S. Attorney General Homer Cummings na umayon kay Osmeña. Gayunpaman, ito ay hindi tinanggap ni Quezon at hiniling niya kay Pangulong Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos na magbigay ng desisyon ngunit ito’y tumangging manghimasok at sa halip ay ipinayong ito ay dapat lutasin ng mga opisyal ng pamahalaang Komonwelt ni Quezon. Pagkatapos ng pagpupulong, hiniling ni Osmeña sa Kongreso ng Estados Unidos na suspendihin muna ang pagpapatupad ng tadhana ng 1935 Saligang Batas ng Pilipinas sa paghalili ng pangulo hanggang sa pagkatapos mapalaya ang Pilipinas mula sa mga Hapones. Ito ay inayunan ni Quezon at ng kanyang Gabinete. Ang panukala ay pinagtibay ng Senado ng Estados Unidos at mga Kinatawan ng Estados Unidos noong 10 Nobyembre 1943.

Si Quezon ay nagkasakit ng tuberkolosis at iginugol ang kanyang huling taon sa cottage sa Saranac Lake sa New York kung saan siya ay namatay noong 1 Agosto 1944. Siya ay inilibing sa Arlington National Cemetery sa Estados Unidos. Pagkaraan, ang kanyang labi ay inilibing muli sa Manila North Cemetery noong 17 Hulyo 1946 bago inilipat sa Quezon Memorial Circle noong 19 Agosto 1979.

Ipinangalan sa kaniya ang Lungsod ng Quezon sa Kalakhang Maynila at ang lalawigan ng Quezon. Siya rin ang tinaguriang ‘Ama ng Wikang Pambansa’. #

Mga sanggunian:

• Reminiscences ni Douglas MacArthur (1964).
• The Good Fight ni Manuel L. Quezon (1946).
• Old Soldiers Never Die: The Life of Douglas MacArthur ni Geoffrey Perret (1996).

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Ibahagi sa mga bata ang pagpapayaman sa wika

Ni Carlos Marquez

TUMULO ang dugo sa panganganak, pagpapalaki at pag-aandukha, at tuluy-tuloy na pagyayaman ng Wikang Pambansa. Naging bahagi ito ng iba’t ibang transisyon ng kasaysayan ng Pilipinas. Patuloy itong itinataguyod ng mga mapagpamalasakit sa wika at kulturang Pilipino: ang mga manunulat

Dapat itong mabatid ng mga bata ngayon pa lamang at iyan ang isinusulong ni Luis P. Gatmaitan, isang doktor ng medisina at awtor ng mga aklat-pambata. Higit sa lahat, at iyan ay patuloy na ipinagmamalaki ni Dr. Gatmaitan, siya ay taga-San Ricardo, Talavera, Nueva Ecija.

“Tinataglay ng ating wika ang mga sugat at panaginip ng ating bansa,” ayon Gatmaitan.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, kaagapay ang pagkakasugat ng Wikang Filipino – malalalim, mahahapding sugat na natamo sa pagbabangayan ng mga Pilipino. Subali’t, tulad sa lahat ng digmaan, tumindig ito, tumatag, tiningala, at sinuob ng papuri dahil sa kanyang angking alindog at indayog.

Filipino ang medyum na ginamit ni Dr. Gatmaitan sa kanyang mahigit na 30 aklat-pambata na ipinagkakapuri ng mga edukador at mga lingwistang Pilipino. Inilantad sa kanyang mga akdang ito ang mga nakatagong isyu ng kapansanan, pag-uulyanin, pagbaka sa kalungkutan sa pagyao ng minamahal, ang pakikipagsapalaran sa kanser, mga sakit ng bata, at karapatan ng mga bata.

Ang kanyang seryerng “Mga Kuwento ni Tito Dok” ay nagkamit ng papuri buhat sa Manila Critics Circle “sa pagpapalaganap ng agham ng medisina gamit ang wika at mga grapikong naaabot ng pang-unawa ng mga bata, sa pagsasalokal ng mga prinsipyong pang-medisina, at sa malikhaing pagsasabuhay ng mga bahagi ng katawan ng tao.”

Isinama siya sa Bulwagan ng Katanyagan ng Palanca nuong 2005, tumanggap din ng gawad mula sa Catholic Mass Media Awards, ang ng PBBY-Salanga Writers Prize.

Ang kanyang aklat na “Sandosenang Sapatos” ay nasa listahan ng International Board on Books for Young People (IBBY) para sa Bologna International Children’s Book Fair nuong 2005.

Kinilala ring Outstanding Book for Young People with Disabilities ng IBBY ang kanyang mga aklat nuong 2005.

Si Gatmaitan ay kinilalang isa sa mga 10 Haligi ng Pagyayaman ng Gawaing Pangkalusugan sa Pilipinas ng magasing HealthToday Philippines; naging isa sa 10 Outstanding Young Men (TOYM) of the Philippines sa kanyang ambag sa panitikan, at nominado sa 2004 Ten Outstanding Young Persons of the World.

Maliban sa pamumuno niya ng grupong Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING), at sa kanyang pagiging abala sa pagiging doktor, may programa rin siya sa DZAS tuwing Sabado ng umaga, ang ‘Wan Dey Isang Araw’.

Nakilala ng manunulat na ito si Doc Luis nang nagko-kontribyut pa sa lokal na pahayagang Diaryo Natin nuong bago mag-2000. Ang Diaryo Natin ay inedit ng manunulat na ito.

“Malaki na rin ang pag-unlad na nangyari sa wikang Filipino,” ayon kay Gatmaitan. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Alam niyo ba ang KAWIKA?

Ni Carlos Marquez

KAGAYA rin ngayon, dumaan sa matinding hamon ang Wikang Pambansa nuong kalagitnaan ng dekada 50. Iyon ang panahong nanggigigil ang mga opisyal sa paghimod sa puwit ng Amerika, at kasama sa pinipilit ng gobyernong ipalunok sa mga Pilipino ang mga basura na pinalamutian ng makikislap at masasayang kulay – kasama sina Pepe, Pilar, at Bantay na ipinapasuso ang kanilang diyalogo sa mga aklat pambata. Subalit, bilang pambalanse, iyon din ang panahon na pumapaimbulog ang panitikang Pilipino sa pagtataguyod ng mga magasing Liwayway at Bulaklak na nagtatampok sa mga obra nina Lazaro Francisco, Fausto Galawran, Liwayway Arceo, atbpa.

Gayon pa man, nabahala rin ang mga manunulat na Pilipino na baka tuluyan nang mapabayaan ng pamahalaan at malimutan ang pagpapaunlad ng pambansang wika mula nang iproklama ito ni Pangulong Manuel L. Quezon. Nag-usap-usap ang mga haligi ng panitikang Filipino upang remedyuhan ang sintomas na nag-uumpisang bumalisa sa wika.

At ipinanganak ang KAWIKA – ang Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino.

Malinaw pa sa alaala ni Dr. Floriño Francisco, isang doktor at manunulat na taga-Cabanatuan City, kung paano isinilang ang KAWIKA. “Itinatag ang KAWIKA nuong 1958 sa [aming] tahanan sa Bonifacio, lungsod ng Kabanatuan. Kabilang sa mga dumalo ay ang patnugutan ng Liwayway sa pangunguna nina Jose Domingo Karasig at Gervacio Santiago. Kasama din sina Amado V. Hernandez, Manuel Principe Bautista, at Liwayway Arceo. Si Arceo ang hinirang na lakambini ng KAWIKA. Ang mga lokal na unang miyembro ay kasama sina Simeon Samin, Jose Joson Santoyo, Carlos Ferrer,” ayon kay Dr. Francisco.

Ang kanyang ama, si Lazaro Francisco, ang nanguna sa pagtatatag at siya ring sumulat ng saligang-batas ng KAWIKA. Dahil dito, tinagurian ang matandang Francisco na “Ama ng KAWIKA”.

“Nagkaroon ng mahigit 70 balangay sa buong bansa [ang KAWIKA] at magandang banggitin na kasama sa mga sa nanumpang miyembro sina Emmanuel Pelaez, na nuon ay Pangalawang Pangulo ng Pilipinas, Serafin Guingundo, Blas Ople, Ligaya D. Perez, at marami pang iba na di ko na maalala.

“Ang KAWIKA rin ang nagpasimuno upang taguriang Pilipino ang wika natin sa halip na Wikang Pambansa o National Language. Sila rin ang nanguna upang isa-Pilipino ang mga pangalan ng iba’t-ibang departamento ng gobyerno, gayundin ng mga opisyal na talastasan nito. Naging matagumpay naman ito, at kundi man nabigyan ito ng kaukulang pagpapahalaga ng gobyerno, kinilala naman ito ng Ateneo De Manila University,” ang alaala pa ni Dr. Francisco. (Binanggit niya na sa iba napunta ang kredito ng pagtatatag ng KAWIKA, bagama’t hindi niya pinalawig pa).

Ginawaran ng Ateneo si Lazaro Francisco bilang “Tanglaw ng Lahi’ nuong 1979 kaugnay ng 120 programa sa pagtatapos ng pamantasan.

“Personal kaming tinanggap ng pangulo [ng Ateneo] noon na si Dr. Jose Cruz, na isa sa mga apo sa tuhod ni Gat Jose Rizal.”

Naaalaala pa ba ngayon ang KAWIKA? Ang malungkot, 
ginalugad ko ang Google at wala akong nakitang tala tungkol sa KAWIKA. Kabilang ba ito sa mga signos ng panahon? #

(Larawan: Tanging ang pananda na lamang na ito ng KAWIKA sa harap ng museong pang-alaala kay Lazaro Francisco sa Bonifacio, Cabanatuan City, ang tanging bakas na nagkukuwento ng mga pakikibakang hinarap ng Wikang Filipino.)

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Mga manunulat sa Filipino na tubong-Bulacan

(Alay para sa Araw ng Bulacan)

Ni Carlos Marquez

SI Cenon V. Regalado marahil ay isa sa maraming limot – o kaya’y hindi kilalang – manunulat na tubong-Bulacan. Taga-San Marcos, Calumpit, Bulacan at madalas ko siyang makita kung naglalakad kaming magkaka-eskwela buhat sa aming baryo ng Balite patungo sa San Marcos Elementary School. (Ang paaralang elementaryang iyon ang pinakapangunahin nuong mga panahong iyon kaya dito nagsisipag-aral ang mga bata buhat sa mga nakapaligid na karatig-pook). Marahil ay isa si Regalado sa pumukaw sa pagkamanunulat ko sapagkat nuon pa man ay sumibol sa mura kong isip ang sigliwa ng sining ng mga salita. 

Maraming maikling kuwento akong nabasa sa Liwayway na sinulat ni Regalado. Ang tanging akda niyang naitala sa Pambansang Aklatan ay “Ang Taktika ni Ido”, na pinipilit kong gunitain ang paksa, na lumabas sa Liwayway nuong 1957. Ang mas higit kong naaalala – at nagmarka sa isip ko, bagama’t hindi ko matandaan ang mga kumpletong saknong – ay ang kanyang tulang “Ang Manghahasik”. Sa masinop niyang paggamit ng aliterasyon ay malinaw niyang naisalarawan ang kadakilaan ng mga magsasaka bilang mahalagang salik ng pag-unlad ng bansa.

Tikman natin ang unang saknong.

“Sa bawat pag-urong ng paang putikan
ang nalilikha ko’y pasulong na hakbang
sa tangan kong punla, bawat kabawasan
sa aking layuni’y isang kapupunan.”


Pansinin ang indayog at musika sa mabisang paggamit niya ng salitang magkataliwas: “pag-urong” ng paa at “pasulong na hakbang”. Isang uri ito ng tayutay na hindi ko alam ang pangalan. Subalit, ang impak ay napakalakas – dumagundong sa pag-iisip, bumubulabog sa imahinasyon. SA BAWAT HAKBANG PAURONG, PAGSULONG.

Si Regalado, para sa akin (hindi dahil siya’y kababayan ko), ay isa sa mga dakilang manunulat na Bulakenyo na nakalimutan na ng mga salinlahing sumunod sa amin. Nguni’t hindi ba dapat ay suubin siya ng insenso, katulad ng iba pang kilalang manunulat na nagawang magsabog na bituin sa langit ng panitikang Pilipino? 

Mapapalad ang iba pang manunulat na tubong-Bulacan na nakilala hindi lamang sa kanilang mga obra kundi maging sa kanilang pagsisikap na payabungin ang Wikang Pambansa. Ang ilan sa kanila na lumitaw sa aking madaliang pananaliksik ay sina: Virgilio Almario, taga-San Miguel; Tomas Agulto, ng Hagonoy; Bienvenido Ramos, ng Malolos; Blas Ople, ng Hagonoy; at Jun Cruz Reyes, ng Hagonoy.

At siyempre pa, si Marcelo H. Del Pilar, na taga Bulakan, Bulacan, na bagama’t ang karamihan sa nakatalang obra niya ay mga propaganda sa wikang Espanyol ay Pilipinung-pilipino naman ang diwa.

Sana ay madagdagan pa ang listahang ito. Isang panawagan sa mga Bulakenyo na makababasa nito. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Mga manunulat na Novo Ecijano at ang Wikang Pambansa

Ni Carlos Marquez

HANGGANG sa kasalukuyan, lingid sa kaalaman ng marami, kasama ang mga manunulat na taga-Nueva Ecija sa mga nagsipagmalasakit sa Filipino bilang Wikang Pambansa. Nasa listahan ng mga manunulat ngayon na taga-Nueva Ecija na kinikilala sa buong daigdig sina: (sa pagkakasunod ayon sa alpabeto) Rony V. Diaz, Rogelio Mangahas, Maria Odulio De Guzman, Wilfredo Pascual, at Rogelio Sicat.

Si Diaz, ipinanganak sa Cabanatuan nuong Disyembre 2, 1932, ay isa pang premyadong manunulat, naging executive director ng Manila Times School of Journalism, at awtor ng “The Centipede “.

Nakilala si Rogelio Mangahas, taga-Palasinan, Cabiao, Nueva Ecija, sa kanyang akdang “Mga Duguang Plakard”, na nagkamit ng unang gantimpala sa Gawad Palanca. Kinilala rin at hinangaan ang kanyang kritika sa nobelang “Sa Mga Kuko ng Liwanag” ni Edgardo M. Reyes.

Awtor ng 16 na diksyunaryong English-Filipino at Filipino-English si Maria Odulio de Guzman, na kauna-unahang babaeng guro sa hayskul sa buong Pilipinas. Naging prinsipal siya sa Nueva Ecija High School. Nagsalin din siya ng Noli Mi Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal mula sa orihinal na Kastila sa Filipino.

Tubong San Jose City, Nueva Ecija, naman si Wilfredo Pascual Jr., kinilala sa buong daigdig bilang manunulat ng sanaysay, dalawang beses na nagkaroon ng Gawad Palanca, at kabilang sa Samahang Makasining, isang organisasyon ng mga alagad ng sining.

Ipinanganak sa San Isidro, Nueva Ecija si Rogelio Sicat na lubhang nakilala sa kanyang premyadong maikling kuwentong “Impeng Negro”. Ang kuwentong ito na nagwagi ng Gawad Carlos Paalanca nuong 1962 ay tumatalakay sa panduduro (bullying) at hindi patas na tingin sa lahi (racism) na pangunahing isyung panlipunan sa bansa.

Sinulat din ni Ka Roger Sikat ang dulang pantanghalang “Moses, Moses” na tumatalakay sa tagibang na paggagawad ng hustisya ang paniniil ng mga politiko – na kabing-kabi sa kasalukuyang panahon.

Kilala ring guro si Sikat. Siya’s naging propesor at dekano sa Kolehiyo ng Sining at Letra sa University of the Philippines. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Salitang iisa ang baybay pero may di-parehong diin at kahulugan

ni Carlos Marquez

(Paksang mungkahi ni Ben G. Domingo Jr.)

ISA pang katangian ng Filipino, ang Wikang Pambansa sa Pilipinas, ang likas nitong kakayahang makipaglaro sa – at lalo pang pagyamanin ang – imahinasyon ng nagsasalita at bumabasa. Isaalang-alang ang mga salitang magkakapareho ang baybay pero magkakaiba ang diin at kahulugan.

Halimbawa: labi, na kung bibigkasin nang may maragsang diin ay nangangahulugan na bibig; kung mabilis-maragsa, bangkay o tira.

Sala, bahagi ng bahay; sala, lihis, sablay. Malas, tingin; malas, hindi pinalad. Palad, kapalaran; palad, ilalim ng kamao. Pala, gamit panghukay; pala, talaga (Halimbawa: iyon pala, kaya pala); pala (maragsa), biyaya.

Palundag-lundag ang pagkakahalayhay ng mga salitang may iisang baybay ngunit may dalawa o higit pang ibig-sabihin sa piyesang ito dahil isinasangguni sa mga taong nakakausap na kaswal habang ikino-konsepto ang pagbuo. Habang ginagawa ito, may dalang listahan at isinusulat ang resulta ng mga pagtatanong. Ang resulta: nagkaroon ng mapaglilibangan habang nag-iisip. Isa pang madyik ng Filipino na hindi napapansin sa pang-araw-araw na buhay.

Ituloy natin.

Pila, hilera o hanay; pila, baterya; pila, isang uri ng mineral sa ilalim ng lupa. Pula, kulay; pula, pintas o puna.

Sawa, uri ng ahas; sawa, ayaw na. Puno, kahoy; puno, lider; puno, husto o ‘sakto ang dami.

Bunot, hatak pataas; bunot, pinatuyong biniyak na balat ng niyog; bunot, paglalampaso ng sahig.

Pato, uri ng bibe; pato, pamato sa laro. (Kung minsan ay bato kagaya sa taya-bato).

Buntal, suntok o bigwas; buntal, isang materyal na hinahabing sombrero (dating marami nito sa Baliwag, Bulacan, kaya ang naging sikat na sambalilong-Baliwag o buntal hat).

Burol, bahagi ng lupain; burol, wake sa English.

Aba, ekspresyon ng pagkagulat; aba, kaawa-awa. Kama, higaan; kama, pagsasalansan. Daing, hinagpis; daing, pinatuyong isda. Baka, uri ng hayop; baka, pag-aalangan.

Paso, bahagyang sunod sa balat; paso, taniman ng halaman; paso, daanan sa kaparangan (Hal. Pasong Tirad).

Lawa, nanggigitata; lawa, bahagi ng tubigan (lake).

Basa, read sa Ingles; basa, wet sa Ingles.

Bata, young sa Ingles; bata, pagtitiis; bata, roba (nagmula sa bathrobe).

Bula, bubble sa Ingles; bula (maragsang diin), natiyak (Tulad ng: hindi nagkabula ang hinala).

Patuloy tayo. Sulit, kuntento; sulit, pagsubok (kaparis sa pagsusulit pagkatapos ng aralin, eksaminasyon); sulit, report (Hal. Isulit mo ang ginawa mo maghapon).

Likas, natural; likas, pag-iwas sa nakaambang panganib (Tulad ng: Inatasan ng lokal na pamahalaan ang mga nasa mapanganib na lugar na magsi-likas.)

Sinta, irog o mahal sa buhay; sinta, pagtalima ng aso o anumang hayop na tinuturan ng amo ng trick. Kadalasang pagtayo sa dalawang paa. O saludo.

Kung minsan, may masusumpungan kang magkatulad na salita na mapapangiti ka sa isa pang kahulugan nito. Tulad ng: supot, swalok o lalagyan; supot, hindi tuli. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Si Ben G. Domingo Jr. ay retiradong propesor ng pamamahayag ng Central Luzon State University at Unibersidad ng Pilipinas. Itinuturing siyang “tatay” ng napakaraming mamamahayag sa buong bansa.

Pagkaka-anyo ng wika

ANG wika ay lengwaheng nadidinig. Ihanay ito sa diwa ng John 1:14: “Ang Salita ay nagkalaman at nakipamuhay sa atin”, na pinaging payak ang simbolo ng paglikha. Ang susing-kataga, kung gayon, ay simbolo, na marahil ang tagong pinagmulan ng wika.

Limiing mabuti ang mga wikang umiiral sa ngayon. Hindi ba’t ang mga ito ay sumasagisag sa pagkakaintindihan ng mga tao na sa pagdaan ng panahon ay dahan-dahang nagka-anyo – at narinig? At naging instrumento ng pagkakaintindihan.

Mula pa sa kuwento ng Paglikha, may magpapatunay ba na wikang sinasabi, naririnig, at nauunawaan ang namagitan kina Eba, Adan, at dimonyo? Nagsidating at nagsilisan ang mga panahon, at nagsulputan ang iba’t ibang salik ng kasaysayan kasabay ng ebolusyon ng wika: mula sa mga senyasan ng mga hayop at tao, sa paglilok sa mga bato sa kuweba, hanggang masumpungan na lamang na hindi sila makukuntento sa pagse-senyasan lamang at “pag-uusap” sa pamamagitan ng ekspresyon ng mata. Natuklasan na lamang na maaari ding makapagtalastasan sa pamamagitan ng pag-ungol, pag-ngiti, pagtawa, at pag-iyak bilang ekspresyon ng tuwa, pagkamuhi, at iba pang emosyon. Hanggang sa masumpungan ng mga nilikha na ang mga senyasan at pagpapakita ng mga emosyon na iyon ay “pag-uusap”.

Sa patuloy ng pagtanda ng mundo at panahon, kusang nagkaanyo ang wika. Ang dating mga senyas at pagpapahayag sa pamamagitan ng ekspresyon ng mata at mukha, sa mga ungol, tawa at ismid, at iba pang paraan ng “pag-uusap” ay nagkaroon ng porma ang salita. “Ang salita ay nagkalaman.”

Sa pagdaan ng panahon, umunlad ang isip ng mga nilikha – kasama ang tao na itinuturing na pinakamataas na uring hayop. Dumating ang panahon ng karunungan. Patuloy na pinag-aaralan ng mga nilikha ang agimat ng komunikasyon at pagpapahayag. Pinagyaman ng mga lahi ang kanilang kinagisnang wika. Habang umiinog ang mundo, habang nagkakaedad ang mundo, habang nagkakaroon ng palitan ng salinlahi, habang dumarating ang mga kahanga-hangang teknolohiya – sumasabay ang pag-unlad ng mga wika sa pagbibigay-anyo sa lengwahe.

Kasama ang Wikang Pambansa ng Pilipinas, ang Filipino. #

(Paalaala: Hindi po inirerekomendang ituring na pangkasaysayan at walang maka-agham na salalayan ang sanaysay na ito).

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Bakit Filipino at ‘di Tagalog?

MARAHIL ay dapat tuldukan na ang pagkalito. Ang Wikang Pambansa ay Filipino – hindi Tagalog. Ang Filipino ay pinagsama-samang wika mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas na may pagsasaalang-alang din sa mga dayong wika na naging bahagi na ng pang-araw-araw na talastasan. Dumaan ito sa masusing pag-aaral ng Surian ng Wikang Filipino na naglalayong pagpasiyahan kung katanggap-tanggap sa mas nakararami. Pansinin na mas dominante ang Tagalog. Ito ang pinagmulan ng Wikang Pambansa.

Pinakamalaki ang Luzon sa tatlong pangunahing islang bumubuo sa arkipelago – ito nga, Luzon, Bisaya, at Mindanao. Sa Luzon ay mas nakararami ang nagsasalita ng Tagalog, bagama’t may iba pang diyalekto – Pampango, Iloko, Bikol, Ibanag, Itawis, atbpa – ngunit namamayani at tanggap ang Tagalog bilang pangunahing salita. Ayon sa mga kuwentong bayan, ang Tagalog ay hango sa “taga-ilog”, mga naninirahan sa paligid ng Ilog Pasig, ang pangunahing ilog na bumabaybay sa malaking bahagi ng lalawigan ng Rizal kasama ang Metro Manila. Kahit noon, uhuan ng mga migrante buhat sa iba’t ibang lalawigan ang bahaging ito dahil ito ang kinikilalang lundo ng komersyo. Kailangang umakma sa kultura ang mga dumarayong taga-ibang probinsya kaya natuto silang magsalita ng wika ng mga “taga-ilog.” Hanggang ngayon, itinuturing na pinaka-dominante ang wika ng “taga-ilog”, ang Tagalog, na siyang pinagbasehan ng pagbuo ng Wikang Pambansa.

Pinagtibay ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nagkabisa nuong Disyembre 13, 1937, na Tagalog ang maging “batayan ng wikang pambansa ng Filipinas.” Ang naturang batas ay nagkabisa lamang nuong 1940.

Nuong Hulyo 4, 1946, sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 570 na pinagtibay nuong Hunyo 7, 1940, ay kinilala ang Wikang Filipino bilang opisyal na Wikang Pambansa. Ayon kay Roberto T. Añonuevo, ng Komisyon sa Wikang Filipino: “Nagpalabas ng kautusan ang kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon noong 13 Agosto 1959, na tawaging ‘Pilipino’ ang ‘Wikang Pambansa’. Ang ‘Pilipino’, na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 ‘na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.’”

May pananaw si Ben G. Domingo, retiradong propesor sa komunikasyon sa Central Luzon State University. “Nang bago pa lamang akong natututo ng wikang Pilipino, may pagka-purista ang aking pagpapahalaga at paggamit sa noon ay pambansang wikang tumuntong sa Tagalog. Unti-unting nagbago ang aking pananaw nang malinawan ako sa pagiging dinamiko at masigla ng isang buhay na wika. Nagbabago o lumalago ito dulot ng iba’t ibang kaganapan sa lipunang kinapapalooban nito.”

Bagama’t nagpahayag din siya ng pagkalito. “Naisip ko rin noon, bakit kinakailangang isama ang mga letrang c, ch, f, j, ll, ng, q, v, x at z sa wikang Filipino? Hindi ba balangkas-kolonyal ito?

“Hanggang sa mapagtanto kong ang mga ito ay likas (na tunog) sa maraming katutubong wika sa ating bansa, tulad ng Ibanag at Itawis na sagana sa ‘f’ at ‘v’ ang kanilang mga salita.”

Ito ang malinaw na tugon kung bakit ang Filipino ay “nag-ampon” ng mga titik na sa unang tingin o dinig ay banyaga.

“Mahabang salaysayin — at masalimuot — ang pinagdaanan sa batas ng Tagalog bilang wikang pambansa (1936), at ang pagiging Pilipino (1959) at Filipino (1992) nito,” patuloy ni Domingo.

May agam-agam siya kung bakit Tagalog ang pinagbasehan ng Wikang Pambansa. “Nuong simula ng ilang-20 siglo, tinatayang wala pang 25 porsyento ng mga mamamayan sa Pilipinas ang nagsasalita ng Tagalog samantalang mahigit 40 porsyento, diumano, ay gumagamit ng Bisaya, bagama’t ang bilang na ito ay nagbago na (mahigit na 90 porsyento na ang gumagamit ng wikang Filipinong nakatuntong sa Tagalog [ngayon]) pagkatapos na maisabatas na Tagalog ang naging lunsaran ng wikang pambansa, na ipinatupad sa mga paaralan at lalong pinakalat ng midya.”

Noong 1986, nakapaloob sa binagong Saligang Batas ng 1986 na kilalanin ang pambansang wika ng Pilipinas bilang “Filipino.” Ayon sa naturang bahagi ng batas na ito ay, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.” #

(Larawan: Mga “taga-ilog” na namamangka patungo sa kanilang destinasyon sa kahabaan ng Ilog Pasig na bumabaybay sa malaking bahagi ng lalawigan ng Rizal na sumasakop sa ngayon ay tinaguriang Metro Manila. Pasintabi at kredito sa pahinang “Batang Pinoy – Noong at Ngayon” sa Facebook).

Impak ng salitang pabalbal sa ebolusyon ng wikang pambansa

Ni Carlos Marquez

“HESBI na, erap, at me kadla yota.”

“Teka muna, p’re. Goli muna koaks.”

“Dehins na. Naspu ka na ‘lang.”

“’Pre, dyahi sa katabi sa yepdi. Hobarns koaks.”

“’Pre, sitaks na lang yota.”

Hindi iyan palitan ng mga taga-Mars. Pabalbal na usapang iyan na matagal nang uso – bago pa mag-yorme si Kois.

Ang buod ng usapan: Niyaya ang kabigan dahil may pupuntahan. Maliligo daw muna. Huwag na magpunas ka na lamang. Nakakahiya daw dahil mabaho siya at baka maamoy ng makakatabi si diyep. Sagot sa kanya, magta-taksi na ‘lang sila.

Ang totoo niyan, ang mga pabalbal na salitang Filipino ay naging bahagi na ng kulturang Pilipino at mas matindi ito nuong dekada sesenta. (Ang “balbal” o “pabalbal” ay ang Filipino o Tagalog ng English na “slang”). Ang pabalbal na salita, o tinatawag ding salitang-kanto, ay bahagi ng kasiglahan o dinamiko ng wikang Filipino. Maaaring ang iba sa mga ito ay tanggap na at nakalista na sa opisyal na talasalitaang Filipino. Isa pa itong patunay kung gaano nakakalibang ang Wikang Pambansa.

Nang maihalal bilang mayor ng Maynila ang dating aktor na si Isko Moreno ay kagyat na lumabas muli ang mga pabalbal na salita at naging paksa ng usap-usapan sa maraming dako. (Patunay din ito kung gaano ka-impluwensya ang Maynila – pati tunog nito ay ginagaya. Pati tot-u mabango sa mga probinsyano.) At di-kaginsa-ginsa ay lumabas ang “Diksyunaryo ni Ko-is”. Kasabay ng reinkarnasyon ng Maynila ay nabuhay ding mag-uli ang mga salitang balbal.

Narito pa ang ibang balbal na Filipino na matagal na ring ginagamit ng marami:

Parak, lespu (pulis); iskapo (takas); istokwa (naglayas, mula sa Ingles na “stowaway”); epal (mapapel, mahilig magpasikat); spongklong (istupido); erpat (ama); ermat (ina).

Malaki ang naitulong (?) ng panlipunang media sa paglaganap ng mga balbal na Filipino. Saan nabasa ang “lodi” (pabaligtad na sambit sa Ingles na “idol”), werpa (pabaligtad na “power”), petmalu (pabaligtad na malupit, na isa ring pabalbal na pagsasalarawan ng matindi o kahanga-hanga), tsibog (kain), tsika (tsismis).

Eto pa.

Jeproks, ma-porma; bagets, kabataan; gin-bulag, isang uri ng alak na kapag ininom ay pinaniniwalaang nakakabulag; senglot, lasing; amats, lasing na; albor, hiram o ipaubaya (tulad ng “Albor ko na ‘yan, ‘erap” kung medyo alanganin sa kalaban).

Ayon sa isang guro sa isang paaralan sa Metro Manila sa: “Ang wika po ay dynamic, nagbabago ito kasabay ng panahon. Ang mga salitang Filipino ay namamatay dahil walang application. Hindi nagagamit dahil sa colonial mentality at globalization.”

Hango ito sa sa isang artikulo tungkol sa dinamiko na Wikang Filipino.

Sa halip na ismiran, tanggapin na lamang at maaliw sa mga salitang balbal na patuloy na isisilang ng mga dilang Pinoy sa mga susunod pang salinlahi. #

(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)