Huling hirit sa Buwan ng Wikang Filipino
Ni Carlos Marquez
NGAYON ang huling araw ng Buwan ng Wikang Filipino. Paano ko ginugugol ang kabuuan ng buwang ito na siya ring buwan ng aking kapanganakan? Maaaring pinagtaasan ako ng kilay ng mga nag-isip na ipokrito ako dahil kilala akong manunulat sa Ingles at pagkatapos ay bigla akong kumambyo sa Filipino. Uulitin ko, ito ang aking personal na partisipasyon sa paggunita ng pagkakaroon natin ng sariling wika, ang wika na sinasabi ko’t inuulit-ulit na siyang minana natin sa ating mga ninuno – ang Taga-ilog na nabuglawan ng mga dayuhang taga-Sumatra nuong madaling-araw ng sibilisasyon sa bansang ito – at ang wikang sinuso natin sa ating mga ina. (Isipin mo na habang pinasususo tayo ng ating mga ina nuong tayo ay mga sanggol pa ay inaawit niya, o hinihimig, ang “Sa Ugoy ng Duyan”).
Ito rin ang paraan para ipagmalaki ko na “marunong” din akong magsulat sa wikang Filipino. Hindi Tagalog. Ang Tagalog ay siya lamang pinagbasehan ni Manuel L. Quezon ng Wikang Pambansa. Pansinin na maraming iba’t ibang diyalekto na buhat sa iba’t ibang panig ng bansa ang inilahok sa Filipino upang maging mas “Pilipinung-pilipino”, ayon na rin sa mga eksperto sa lingwistiko na siyang nagsikap na habihin ang wikang pambansa. Pansinin din kung paano ko gamitin ang Filipino sa aking pagsusulat: Hindi ito Tagalog lamang. Ang iba riyan (iyong ginagawang dahilan sa kakulangan sa kasanayan sa gramatikong Ingles) “sumusulat ako sa Tagalog lamang”. Pero, masdan mo ang kanilang trabaho, “Tagalog” na nga na para bang wikang minorya ang binabanggit) ay kapos naman sa mga alituntunin ng wastong balarilang Filipino. Gumagamit ng mga salitang ni sila ay hindi alam kung tama upang magbigay ng impresyon na ang ginagawa nila ay “malalim na pananagalog”. Kahit na anong lengwahe ang gamitin sa pagsusulat, dapat maunawaan din ang mga karakter ng wika pati na ang wastong gramatiko nito.
Sinasabi ko ito dahil sa marami akong naririnig (kadalasan ay sa mga brodkaster) na gumagamit ng mga salitang “Tagalog” na hindi nila naiintindihan ay lumilikha ng mal-edukasyon sa publiko.
“Matutunan”. Ano ang matutuhan sa salitang ito?
Walang hulaping NAN para sabihing matutuNAN. Ang salitang ugat dito ay “tuto”. Kung ang huling titik sa salita ay patinig, sinsingitan ito ng H sa pagitan ng salitang ugat at hulapi para sa mas maginhawang pagbigkas, ayon sa Balarilang Filipino ni Lope K. Santos.
Marami pang ganitong uri ng pagsasalita na madidinig sa mga telebisyon at radyo – na kung tutuusin ay pangunahing humuhubog sa kaisipan ng mga tagapakinig. Ang mga medyang ito, tandaan, ay sandata ring pang-edukasyon kaya dapat ay maging mapili at maingat ang mga brodkaster at mga manunulat sa radyo at telebisyon.
Ginagawa ko ito na para akong isang baliw sa gitna ng ilang. Humihiyaw sa kawalan. Kung wala kasing gagawa nito, sino pa?
Magandang Linggo ng umaga, at sana ay sumapuso at sumadiwa natin ang diwa ng Buwan ng Wikang Filipino. #
Ang sanaysay na ito ay isinulat noon pang August 31, 2014, araw ng Linggo. Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.