Wag pahiran ang luha sa pisngi
Wag niyo nang itanong ang bakit,
ba’t buhay nila”y isa-isang kinikitil.
hangarin niyo, pa’no siya nabuhay,
silbi’t kabuluhan na sadyang inalay.
Wag niyo ng sabihin na nasasayang,
dunong na ginugol sa sambayanan,
Sa halip, siyasatin landas na tinungo,
bakit ang paglaban ay nagpapatuloy.
Wag niyo na sanang siya’y tangisan,
pagluha ay isa lang panghihinayang.
Kung pumpon lang ng galit at sigaw,
di dadamputin nalaglag na balaraw.
Wag niyo na siyang ihatid sa libingan,
kung pagluluksa’y siya rin tatalikuran.
Luha’t hibik ay hahayaan lang matuyo,
kapag tumila na’t humupa ang siphayo.
Wag niyo na siyang alayan ng awitin,
o tula at anumang pulang talumpati,
kung tulad niya’y di mangagsisidami,
at makapaghiganti nagpipiglas na uri!
Kaya kasama, wag na, wag na lang!
Wag na lang pag silakbo’y lulugo-lugo,
At galit ay maiiwan sa matang mugto,
Kung ang pananalig ay ‘yong isusuko!
Ibarra Banaag
Mayo 11, 2021
Tulang alay para kay Ka Joseph Canlas