SERYE BABAE: Agenda ng kababaihan, iniindak kontra ChaCha
Ni Nuel M. Bacarra
Naging makulay ang kahabaan ng España sa Maynila sa paggunita ng Internasyunal na Araw ng Kababaihang Anakpawis noong nakaraang Biyernes, Marso 8. Naging dominante sa araw na ito ang kulay rosas at lila na kasuotan ng iba’t ibang grupo ng kababaihan mula sa iba’t iba ring sektor ng lipunan. Makukulay rin maging ang mga istrimer at plakard na nagpapahayag ng kanilang mga panawagan at kahingian.
Nagsimula silang magtipon bago mag-alas otso ng umaga. Habang hinihintay ang mga kasamahan nila, panay na ang kuhanan ng litrato. Matamang inaayos ang trak na gagamiting entablado sa programa at may mga nag-eensayo na ng mga talumpati.
Nang sinimulan ang programa, okupado na ng mga raliyista ang halos kalahati ng kalsada sa direksyon patungong Quiapo o ang papuntang timog na bahagi. Sa kanto ng España at kalye dela Fuente ang unang programa na bagaman maikli ay naglinaw na antimano ng kanilang mga usaping nais nilang patampukin sa paggunita ng Internasyunal na Araw ng Kababaihang Anakpawis: kabuhayan, karapatan, kasarinlan, hindi charter change.
Isyu ng bayan
Hindi alintana maging ng nakatatanda ang pusikit na init ng araw na nakipag-sabayan sa mga manggagawa at empleyado at nakababatang estudyante at kabataan sa hanay ng mga demonstrador. At bakit nga ba hindi? Kaisa ang kanilang tinig pagdating sa usapin ng paggigiit ng umento sa sahod. Ang ₱610 kada araw na sahod ng mga manggagawa ay kulang ng halos ₱520 upang matugunan ang kabuuang pangangailangan ng isang lima-kataong pamilya sa isang araw. Ang nakabubuhay na sahod ay malabong ibigay ng rehimeng Marcos Jr. na ang tingin ay nakatuon sa pagratsada ng Charter Change o ChaCha.
Ang kawalan ng pagtataas ng sahod ay higit na mas mahirap sa kababaihan na kalahati ng kabuuang populasyon ng Pilipinas na siyang may pasan ng usapin ng pagbababadyet para sa buong pamilya. Kaya giit nila na sa halip na baguhin ang konstitusyon, dapat asikasuhin ang tumitinding suliranin ng mababang sahod, kawalang-trabaho at kahirapan. Marami ang nasasadlak sa mga impormal na trabaho ng pag-raket sa online selling at iba pa para lamang maka-agapay kahit paano sa mataas na presyo ng mga bilihin o makipagsapalaran sa ibang bansa kahit iwanan ang pamilya.
Hindi nararamdaman ng mamamayan ang serbisyo publiko na dapat ay pangunahing tungkulin ng gubyerno. Kinakaharap nila buwan-buwan ang mataas na bayarin sa kuryente, tubig, pamasahe at iba pa. Bawal ang pagkakasakit.
Malaking usapin sa kababaihang magbubukid at sa buong pamilya nila ang kawalan at kakulangan sa lupa para makaagapay sa pag-abandona ng gubyerno sa pagpapaunlad ng lokal na produksyon na lalo pinalala ng kontra-insurhensiyang programa ng pamahalaan sa kanayunan. Buo-buong komunidad ang dumaranas kapwa ang mga magsasaka at pambansang minorya ng pagtataboy sa kanila sa kanilang lupain dahil sa mga operasyon ng mamalaking pagmimina, plantasyon at iba pang proyektong pang-imprastruktura ng gubyerno mismo.
Tawag ng paglaban
Ang mga usaping ito ay hindi simpleng hinihingi sa kinauukulan. Nakikibaka ang kababaihang anakpawis dahil ang sistemang malakolonyal at malapyudal ay isang sistemang dapat baguhin sa pamamagitan ng pakikibaka kasama ng iba’t ibang sektor ng lipunan laluna hindi sa pamamagitan ng pagbago ng saligang batas. Marami nang naging martir na kababaihan dahil sa pakikibaka. Sa kasalukuyan nga ay 20.5% ng 799 na mga bilanggong pulitikal sa buong bansa ay mga babae na marami ay may mga sakit at matatanda na rin.
Mula España hanggang Morayta, ipinakita nila ang pagkakaisa at isinisigaw ang kanilang mga kahingian. Nagsisayaw ang kani-kanilang mga lider masa sa saliw ng tugtog na kontra-ChaCha. Ngunit ang Morayta ay hindi España. Maluwag ang kalsada sa mapayapang pagmamartsa nila sa kahabaan ng España. Pagtuntong sa Morayta, ang init ng pakikibaka ay tumindi dahil sa nakabalandra na ang ilang suson ng kapulisan sa parehong pakpak ng daan patungong Mendiola.
Pakiusapan. Tulakan. Negosasyon. Subalit ang hangganan ay iginuhit ng malalaking trak para hindi na makaabante ang mga demonstrador. Bagamat ganito, itinuloy ng mga mga demonstrador ang programa na may sangkap na mga kultural na pagtatanghal. Bawat tagapagsalita ay naglilinaw ng mga isyung kinakaharap ng sektor at ng buong samabayanan at ang mga dahilan kung bakit kailangang tutulan ang niraratsadang pagbago ng konstitusyon.
Tumining ang tindig ng kababaihan kontra-ChaCha. Naging malinaw ang mga dahilan bakit nais itong isalaksak sa mamamayan. Ang mga diumanong pang-ekonomyang probisyong nais na maging bahagi ng konstitusyon ay dikta ng dayuhan. Ibubuyangyang nang lalo ang likas na yaman ng bansa at ang buong kalupaan sa neoliberal na imperyalistang imposisyon at maniobra na siyang adyenda ng dayuhan sa pagbago ng konstitusyon. Pero ang ekstensyon ng termino ng mga pulitiko kabilang na ang mga nasa tuktok ng kapangyarihang pampulitika ay maaaring ilusot sa pamamagitan ng pandaraya, manipulasyon at pagbubuhos ng pondo para sa higit na panlilinlang.
Kinatigan ng Konggreso ang opinyon ng election lawyer na si Atty. Romulo Makalintal na ang pagsasabay ng plebesito sa mid-term election sa 2025 ay ‘di-konstitusyunal dahil ang pagbago ng konstitusyon ay dapat idaan sa isang plebisito at hindi sa isang eleksyon batay na rin sa naunang desisyon ng Korte Suprema.
Batid ito ng kababaihan at nakakasa sila para muli’t muling labanan ang anumang hakbang ng Kongreso na siyang matigas ang pusisyon para sa ChaCha.
Ang pagkilos ay idineklara nilang tagumpay at muli nilang paghahandaan ang mga serye pa ng laban para sa kinbabukasan ng bansa. Handa ang kababaihan sa mga hamon ng pakikibaka at sasayaw silang muli sa bawat tagumpay na likha ng kanilang pakikibaka para sa mamamayang Pilipino. #