ITANONG MO KAY PROF: Podcast on APEC 2015 (Part 1/3)
ITANONG MO KAY PROF
TUNGKOL SA APEC
October 22, 2015
Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison sa pamamagitan ni Prof. Sarah Raymundo ng CONTEND UP Dilimam.
Mga tanong para kay Prop. Jose Maria Sison:
1. Ano po ba ang ibig sabihin at layunin ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC?
JMS: Ayon sa mga pahayag ng APEC mismo, ito ay nagtataguyod ng kooperasyong ekonomiko sa hanay ng mga bayan ng malawak na rehiyong Asya-Pasipiko. Binubuo ito ng 21 myembrong-estado na sumasaklaw sa tatlong bilyong mamamayan o 60 porsyento ng daigdigang ekonomya. Sinasabi na napakalaking kolektibong potensyal para sa kaunlarang sosyo-ekonomiko at entre-estadong kooperasyon.
Gayunman, ipinapakita ng rekord ng APEC mula sa pagkatatag nito noong 1989 na pangunahing isinusulong nito ang oryentasyong malaking negosyo, adyendang neoliberal, at mga mayor na direksyong pampatakaran ay ang pagpapasulong pangunahin sa dominanteng mga interes ng mga imperyalistang bayan sa pangunguna ng Estados Unidos at Hapon. Kasang-ayon sa pasimunong-US na Bretton Woods Agreement at Washington Consensus, agresibong itinulak ng APEC sa higit sa kalahati ng mundo ang mga susing sangkap ng globalisasyong neoliberal–liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.
2. Sa inyo pong pagtingin bakit pumayag ang Pilipinas maging host ng APEC 2015?
JMS: Umiikot sa mga miembrong-estado ng APEC ang pagiging punong abala sa taunang summit ng APEC. Gusto rin ng rehimeng Aquino ang ganitong papel para sa propaganda nitong Pilipinas na raw ang may pinakamalaki ang tantos ng paglaki ng ekonomiya sa Asya-Pasipiko. Bunga naman ito ng hot money o portfolio investments na pumapasok sa pinansyal na palengke ng sapi at bono at hindi nagbubunga ng mga planta at pagtaas ng produksyon. Umaabot ito sa 65 porsyento ng kabuaang daloy ng salapi sa Pilipinas sa mga taong 2011 hanggang 2014.
3. Mula sa voluntary at non-binding framework noong itinatag ito noong 1989, ano na po ang itinakbo ng APEC at lumalabas na tunay na katangian nito matapos ang tatlumpu’t anim na taon?
JMS: Mula noong 1989, nagsilbi na ang APEC bilang plataporma upang ikoordina ang mga interes ng mga bayang imperyalista, buuin ang consensus (kapag hindi lubusang malutas ang mga alitan) sa hanay nila lalo na sa malayang kalakalan, pamumuhunan at pinansya, at akitin pang lalo ang mga bayang ‘di maunlad sa bitag ng neoliberalismo. Bilang isang orihinal na kasapi, parating ginagamit ng US, ang kanyang impluwensya para apihin at itulak ang ibang mga bayang kasapi tungo sa pangangayupapa at sa gayo’y mapanatili ang pangkalahatang dominansya.
Paimbabaw na nagbubuo raw ang APEC ng consensus na kunwa’y boluntaryo at walang obligasyon sa hanay ng mga kinatawan ng mga gobyerno sa pamamagitan ng mga taunang pulong. Gayunman lingid na kumikilos ang APEC Business Advisory Council at CEO Summit bilang daluyan ng makapangyarihang lobby ng malalaking korporasyon.
4. Ano po ang dapat na maunawaan ng mamamayan sa tema ng APEC 2015 na “Building Inclusive Economies, Building a Better World”?
JMS: Ang tema ng APEC ngayong taon, “Pagbubuo ng Mapanaklaw na mga Ekonomya, Pagbubuo ng Mas Mabuting Daigdig ay umuulit lamang sa mapanlinlang na mantrang lampas-2008 na Adyenda sa Reporma ng Mapanaklaw na Paglaki ng World Bank, na ginaya din ng Asian Development Bank.
Gayunman, sa likod ng mga islogang tulad ng “pagdemokratisa ng bunga ng paglaki ng ekonomya”. “pagtataguyod ng paglahok ng SME sa mga pamilihang global,” “ pamumuhunan sa tao” at “pagbubuo ng matitibay na mga komunidad” ang nasa tuktok ng mga bagay sa agenda ng APEC 2015 sa integrasyon ng ekonomya ng rehiyon ay patuloy pa ring umiikot sa balangkas na neoliberal o pinabilis na panghuhuthot at pagsasamantala ng mga monopolyong kapitalista at pampinansya sa mga mamamayan at bayan sa rehiyon.
5. Paano nagiging arena ng interes ng Estados Unidos sa isang banda at Tsina naman sa kabilang banda ang negosasyong nagaganap sa APEC?
JMS: May kompetisyon ang Trans Pacific Partnership (TPP) ng US at Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ng ASEAN at 6 na bansang kabilang ang Tsina para mapili ng APEC bilang pangunahing padron ng Free Trade Agreement in the Asia Pacific (FTAAP). Nauna na ang paglagda sa TPP na hindi kasali angTsina. Posibleng pagtibayin ng APEC ang pinaghalong FTAAP na bahagi’y TPP at bahagi’y RCEP, at sa gayo’y magiging balangkas sa kooperasyon at kompetisyong US-Tsina sa dakong ito ng mundo.
Mahalagang arena ang APEC kapwa ng patuloy na sabwatan at ng patinding alitan ng dalawang kapangyarihang imperyalista, ang US at ang Tsina, sa kapinsalaan ng mas mahihina at mas maliliit na bayan. Patuloy na tinatamasa ng blokeng pinangungunahan ng US (kabilang ang Hapon, Canada at Australia) ang pamamayagpag sa buong mundo. Nilagdaan na ang TPPA at patuloy na isinasagawa ng US ang estratehikong pagbaling sa East Asia.
Sa kabilang banda, pinalalakas ng Tsina ang sariling posisyon sa pagsisimento ng mas malapit na ugnayan sa pulitika at ekonomya ng Russia, India at ibang mga estado sa South at Central Asia sa loob ng lumalawak na Shanghai Cooperation Organization, at sa global na saklaw sa pamamagitan ng bagong lunsad na BRICS Development Bank. Nagpasimuno rin angTsina sa pagtatayo ng Asian Infrasructure Investment Bank (AIIB) kaugnay ng pagsasagawa ng New Silk Road at Belt.
6. Ano ang kaugnayan ng islogang “Investing in Human Capital Development” sa programang K to 12 ng gubyernong Benigno Aquino?
JMS:Sa ilalim ng islogang “Namumuhunan sa Pagpapaunlad ng Kapital na Tao (Investing in Human Capital Development),” itinutulak ng APEC ang mga sistema ng higit na integradong sistemang edukasyonal at skills-training na nagdidiin sa agham at teknolohiya, pag-enroll sa iba’t ibang bansa, sa papel ng ICT o information and communications technology, at “pinahusay na kooperasyon ng mga tagapagbigay ng edukasyon at mga tagapag-empleyo.
Sa ilalim din ng islogang “Building Sustainable and Resilient Communities,” ginagamit ng APEC ang umano’y mga adhikaing “pleksibilidad, sustenebilidad at seguridad sa pagkain” para bigyang-katwiran ang mas mahigpit na integrasyon at pag-uugnay ng mga ekonomyang Asia-Pacific. Itinutulak nito ang higit na paghihigpit sa ugnayan ng global na produksyon at suplay na kontrolado ng mga TNC, ang konektibidad ng imprastuktura na itinutulak ng mga korporasyon, at ibang mga pakanang kooperasyon sa rehiyon. Ginagamit ang seguridad sa pagkain at pag-angkop sa klima upang bigyang-katwiran ang korporadong kontrol sa mga rekursong dagat at kostal sa pamamagitan ng tinaguriang mga inisyatibang “Green Economy” at “Blue Economy”.
Sa ilalim pa ng islogang “Nagtataguyod ng Paglahok ng SME sa mga Pamilihan ng Rehiyon at Daigdig,” nilalayon ng APEC na higit na mabitag ang mga SME sa umano’y panrehiyong integrasyon ng ekonomya at FTAAP na mga pakanang imperyalista, gawing sweatshop ang pinakamatagumpay na mga empresa na pagluluwas ang oryentasyon pero dependyente sa mga angkat na bagay na kontrolado ng mga TNC (bilang mga sangkap ng umano’y global value chain, at isabotahe ang independyenteng pambansang industriyalisasyon).
7. Ano ang naghihintay sa kabataang Pilipino kung magtatagumpay ang programang ito ng APEC sa pamamagitan ng K to 12?
JMS: Sa pagsunod sa neoliberal na patakaran sa paaralan, babawasan ng gobyerno nang malaki ang gugulin sa edukasyong publiko at itutulak ang pribatisasyon sa edukasyon. Tumitindi ang operasyon ng mga pamantasang estado, mga kolehiyo at ibang mga paaralang publiko, at maging ng mga pribadong paaralang umano’y “non-profit,” para gawing napagkakakitaang mga negosyo, na kadalasa’y sa pakikipagtuwang sa malaking negosyo. Nauuwi ito sa pilipit na mga prayoridad na akademiko, mas matataas na tuition, paglabag sa mga karapatang guro at mag-aaral, at pasahol na kawalan ng panlipunang katarungan.
Para dagdagan ang sariling kakayahan sa kompetisyon at ganansya, nagtutuon ang mga kolehiyo at unibersidad sa mga programang mas maganansya at tinatapyas iyong itinuturing na nga kurso o paksang marhinal o kaya’y hindi kritikal (tulad ng sa humanities). Ikinukomersyo ang mga lupain nila, gusali, resulta ng mga pananaliksik at ibang mga rekursong kaalaman. Isinisiksik ang mas maraming kurso sa isang taon at bumabaling sa trimester para mas mabilis ang pagpapagradweyt. Sinasagad nila ang mga mag-aaral at guro sa pagtataas ng tuition at padadagdag ng pasaning trabaho, sa pamamagitan ng mas istriktong mga rekisito sa mga ipinagkakaloob (grant) at ipinauutang (loan), at sa paglimita ng sahod at benepisyo ng mga guro at ng mga hindi-nagtuturong kawani.
8. Ano ang panawagan ng International League of People’s Struggles sa mamamayang Pilipino kaugnay ng APEC meeting sa Pilipinas sa Nobyembre?
JMS: Ang International League of Peoples’ Struggle ay nananawagan sa mamamayan ng lahat ng bansa laluna sa rehiyong Asya-Pasipiko na ilantad at labanan ang mga opensibang neoliberal sa pangunguna ng US na lingid na nakaabang sa loob at paligid ng APEC. Partikular tayong nananawagan sa mamamayang Pilipino na mag-organisa at kumilos sa mga pulong pag-aaral at aksyong protesta para tumulong sa lubusang paglalantad ng mga susing pulong ng APEC sa Manila at ibang mga lungsod sa Pilipinas, at pati ng maaasahang kalalabasan ng mga ito. Sadyang isinabay ng ILPS ang Fifth International Assembly sa APEC 2015 para labanan ito sa balangkas ng temang, “Para sa makatarungang lipunan sa daigdig, palakasin ang pagkakaisa ng mamamayan at patindihin ang pakikibaka laban sa imperyalistang pandarambong, krisis at digma”.
Sadyang nananawagan tayo sa kabataang Pilipino na ipagpatuloy na ilantad at labanan ang iba’t ibang pakanang “repormang” neoliberal sa edukasyon, at ipaglaban ang sistema ng edukasyon na tunay na makabayan, syentipíko at makamasa kaugnay ng pambansang industriyalisasyon, tunay na repormang agraryo, at pamamahalang batay sa mga karapatang demokratiko. Kabilang sa mga atas ng kilusang kabataan-estudyante sa Pilipinas ang magsilbing kilusang propaganda para sa pambansang kasarinlan at demokrasya, malalim na makisalamuha sa hanay ng masang manggagawa at magsasaka, at abutin ang mga kababayan nila na nag-aaral at nagtatrabaho sa ibayong dagat, at magpahayag din ng pakikiisa sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ugnayan sa mga katapat nila sa anti-imperyalistang pandaigdigang kilusang kabataan.###
(Photo from Bulatlat.com)