Ang Sagupaan sa PEPMACO
(Bahagi ng Isang TulaSerye)
ni R.B.Abiva
“Ate, bakit lagi nang ginagabi si Nanay?”
tanong ni Hana sa kapatid
habang nakaharap sa isang palanggana
na puno ng maruming labahin
na binabaran ng pulbos ng Champion.
“Eh paano, inaabot na ng dose oras
ang ating ina sa pagawaan ng sabon,”
tugon ni Calla habang abala ito sa paghuhugas
ng pinagkainan nilang mag-anak.
“Hindi po ba labag ‘yun sa batas Ate?
Ang alam ko kasi ay walong oras lang dapat
ang trabaho ng mga manggagawa.
‘Yun din kasi ang sabi ng titser ko,”
wika ni Hana habang nakakunot
ang noo. Nahihiwagaan. Naguguluhan.
“Labag ‘yun! Sinabihan ko na nga dati
si Inay na umalis na sa kanyang trabaho
kasi maglilimang-taon na siyang
tagasako ng sabon ay kontraktwal pa rin siya.
Kaya nga hindi rin natin siya masisi
kung bakit pilit niya tayong pinagkakasya
sa barung-barong na tinitirhan natin ngayon
na ‘di hamak na mas maganda pa ‘ata
ang bahay ng alagang aso ni Simeon Tiu,
at mahal pa ang mga bilihin sa palengke,”
mabigat at padabog na sagot ni Calla.
“Nagkakasakit na nga rin si Inay.
Noong nakaraang linggo’y sinamahan ko siya
sa Pagamutang Bayan, paano ba naman kasi’y
mahigit isang linggo na ang kanyang ubo
at parang kinulam siya kasi nagbabalat
ang kanyang kamay na parang may galis
na ‘di mo malaman. Ang sabi ng doktor,
baka nakuha niya sa pagawaan.
Niresetahan naman siya
ng gamot ni Dok Isko,
kaso ang mamamahal.
Sinabihan pa niya si Inay na kailangan niyang magpahinga,
kaso, tahimik lang na tumango si Inay na para bang
may malalim na iniisip,” ‘ika ni Hana habang pinipiga
ang hawak-hawak na damit.
“Naku, asa ka pa eh nung Mother’s Day nga ay
ni hindi sila pinagpahinga. Sayang daw kasi ang kita
sabi ng boss nila. Kaya baka sa darating na panahon
ay magising na lamang tayo isang umaga na
matigas nang bangkay si Inay dahil daig pa
ang kalabaw kung kumayod sa pagawaan,”
sagot ni Calla habang isa-isang inaayos
ang mga tinidor, kutsara, plato, at mangkok.
“Ay! Ay! Ate! Kanginong damit ito
at bakit may bahid ng dugo!
Sa iyo ba ito?!
Ay! Ay! Bakit damit ito ni Inay!
Anong nangyari sa kanya?!” nang gulat-naghuhumiyaw
na si Hana.
“Kasama si Inay sa mga walang-awang sinaktan
ng mga eskirol ng pagawaan. Ayon sa kuwento
ni Aling Igmeng Panot ay nahampas ng batuta sa ulo
si Inay. Buti nga sa ulo raw ang tama ng ating Ina
kaysa sa asawa ni Asiong Bingi na bali raw ang ilong
at kahit na babae’y pinagtatadyakan pa daw sa tiyan
at dibdib at mukha. Kaya nga halos pumutok ang butsi
ng kanyang asawa sapagkat dinugo ito sa mismong barikada
nilang mga manggagawa. Nakakakilabot daw ang eksenang iyon
na parang sa pelikula lang daw nakikita,” nanginginig na sagot ni Calla
habang nakakuyom ang kanyang basang kamao.
“Bakit hindi ko ito alam Ate?!
Bakit ‘di mo agad sinabi?!”
tugon ng nakatayo’t naghihimutok
sa galit na si Hana.
“Paano ba naman kasi’y lagi kang abala sa inyong eskwelahan
at kung umuwi ka’y libro at pagbabasa ang iyong unang inaatupag,”
nang parang naniningil na tinig ni Hana.
“Eh nasaan na si Inay?” dagling bigkas ni Calla.
“Wala siya rito, pagkatapos mag-agaha’y pumunta sa pagawaan,
sa may barikada ng gaya niyang manggagawa,” maikling sagot ni Hana
habang nakayungyong ang ulo sa lupa na para bang uhay
ng palay na kay bibigat ang pasang butil.
Pagkarinig sa paliwanag ng kapatid
ay animo’y kidlat na kumaripas ng takbo si Calla
patungo sa barikada kung nasaan ang kanyang Ina
at iba pang mga Ama at Ina
na nakikibaka.
At nang mga sandaling yaon
ay nakabukas ang kanilang telebisyon
may mahinhin-malambing na tinig,
at boses ni Susan Roces iyon,
habang isa-isang lumalabas
ang imahe ng mga magkakaparis-
mag-asawa ang mga iyon
na nakasuot ng puting dami
na ang bawat paglabas nila’y sinasabayan
ng islogang “ Mula Noon, Ngayon At Magpakailanman,
Ang Champion Ay Tapat Sa Inyo.”
Hunyo 28, 2019
Lungsod ng Quezon, Maynila