Alam niyo ba ang KAWIKA?

Ni Carlos Marquez

KAGAYA rin ngayon, dumaan sa matinding hamon ang Wikang Pambansa nuong kalagitnaan ng dekada 50. Iyon ang panahong nanggigigil ang mga opisyal sa paghimod sa puwit ng Amerika, at kasama sa pinipilit ng gobyernong ipalunok sa mga Pilipino ang mga basura na pinalamutian ng makikislap at masasayang kulay – kasama sina Pepe, Pilar, at Bantay na ipinapasuso ang kanilang diyalogo sa mga aklat pambata. Subalit, bilang pambalanse, iyon din ang panahon na pumapaimbulog ang panitikang Pilipino sa pagtataguyod ng mga magasing Liwayway at Bulaklak na nagtatampok sa mga obra nina Lazaro Francisco, Fausto Galawran, Liwayway Arceo, atbpa.

Gayon pa man, nabahala rin ang mga manunulat na Pilipino na baka tuluyan nang mapabayaan ng pamahalaan at malimutan ang pagpapaunlad ng pambansang wika mula nang iproklama ito ni Pangulong Manuel L. Quezon. Nag-usap-usap ang mga haligi ng panitikang Filipino upang remedyuhan ang sintomas na nag-uumpisang bumalisa sa wika.

At ipinanganak ang KAWIKA – ang Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino.

Malinaw pa sa alaala ni Dr. Floriño Francisco, isang doktor at manunulat na taga-Cabanatuan City, kung paano isinilang ang KAWIKA. “Itinatag ang KAWIKA nuong 1958 sa [aming] tahanan sa Bonifacio, lungsod ng Kabanatuan. Kabilang sa mga dumalo ay ang patnugutan ng Liwayway sa pangunguna nina Jose Domingo Karasig at Gervacio Santiago. Kasama din sina Amado V. Hernandez, Manuel Principe Bautista, at Liwayway Arceo. Si Arceo ang hinirang na lakambini ng KAWIKA. Ang mga lokal na unang miyembro ay kasama sina Simeon Samin, Jose Joson Santoyo, Carlos Ferrer,” ayon kay Dr. Francisco.

Ang kanyang ama, si Lazaro Francisco, ang nanguna sa pagtatatag at siya ring sumulat ng saligang-batas ng KAWIKA. Dahil dito, tinagurian ang matandang Francisco na “Ama ng KAWIKA”.

“Nagkaroon ng mahigit 70 balangay sa buong bansa [ang KAWIKA] at magandang banggitin na kasama sa mga sa nanumpang miyembro sina Emmanuel Pelaez, na nuon ay Pangalawang Pangulo ng Pilipinas, Serafin Guingundo, Blas Ople, Ligaya D. Perez, at marami pang iba na di ko na maalala.

“Ang KAWIKA rin ang nagpasimuno upang taguriang Pilipino ang wika natin sa halip na Wikang Pambansa o National Language. Sila rin ang nanguna upang isa-Pilipino ang mga pangalan ng iba’t-ibang departamento ng gobyerno, gayundin ng mga opisyal na talastasan nito. Naging matagumpay naman ito, at kundi man nabigyan ito ng kaukulang pagpapahalaga ng gobyerno, kinilala naman ito ng Ateneo De Manila University,” ang alaala pa ni Dr. Francisco. (Binanggit niya na sa iba napunta ang kredito ng pagtatatag ng KAWIKA, bagama’t hindi niya pinalawig pa).

Ginawaran ng Ateneo si Lazaro Francisco bilang “Tanglaw ng Lahi’ nuong 1979 kaugnay ng 120 programa sa pagtatapos ng pamantasan.

“Personal kaming tinanggap ng pangulo [ng Ateneo] noon na si Dr. Jose Cruz, na isa sa mga apo sa tuhod ni Gat Jose Rizal.”

Naaalaala pa ba ngayon ang KAWIKA? Ang malungkot, 
ginalugad ko ang Google at wala akong nakitang tala tungkol sa KAWIKA. Kabilang ba ito sa mga signos ng panahon? #

(Larawan: Tanging ang pananda na lamang na ito ng KAWIKA sa harap ng museong pang-alaala kay Lazaro Francisco sa Bonifacio, Cabanatuan City, ang tanging bakas na nagkukuwento ng mga pakikibakang hinarap ng Wikang Filipino.)

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.