ABOT NG ULAN ANG HANGGANAN NG ABISMO

ni R.B.Abiva

Matagal-tagal ka nilang hinintay

kasama ng uhaw na pilapil at pinitak,

hapong kalabaw, baka, kambing, at tagak

at mga kuhol at palakang bihira nang humalakhak;

sa paanan ng mga hubad na suhay

ng magaspang-magaang butil ng palay

na walang ibang mai-aalay

kundi payak-malusog sanang buhay;

paglipas ng oras ay bakit nag-iba ang kaway

may halong bulong at alingasngas ng agaw- buhay

ang dibdib ng lupang hungkag-bitak-lusak

naging libingan ng gaya ni Tanong Itak;kaydaling nagpasya’t biniyak ang paghihintay

kaydaling nagpasya’t biniyak ang paghihintay

ng mga paang alipungai’t inakap ang pakay

na hugutin ang puso, atay, at malay

ng  diyus-diyosang  mahalay-mamamatay

na lango sa katas ng talampunay;

gamit ang mala-karit at palang nilang kamay

at sing-init ng araw nilang matang nakatunghay,

sa bigwas ng hanging handog ay tagulaylay

tinuldukan ng mga katawang mala-tangkay

ang ugat ng paghihirap na gumugutay;

nang magtagumpay,

sama-sama nilang hinukay

ang paglilibingan sa mga mabuway

gayundin ang baul at aklat ng bulag na palagay.

Setyembre 18, 2019

Lungsod Quezon, Maynila 

Palang- Isang uri ng itak na ginagamit sa paggapas ng tubo.

Tagulaylay- Martsa o awit pandigma.

Inilathala ng UP Writers Club noong Setyembre 20, 2019.