Posts

Pagpupugay at paghatid sa huling hantungan kay Randall Echanis

Nagbigay-pugay ang mga kaanak, kaibigan, at mga progresibong grupo sa martir ng sambayanan at mahusay na lider na si Randall ‘Ka Randy’ Echanis mula sa pinagburulan nito hanggang sa kaniyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa Marikina noong Agosto 17.

Si Echanis ay isang National Democratic Front of the Philippines peace consultant, tagapangulo ng Anakpawis at pangalawang pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Brutal na pinaslang siya sa kanyang tinitirhang bahay sa Quezon City noong Agosto 10. Nagtamo ng maraming saksak, tama ng baril at bakas ng tortyur ang katawan ni Echanis. Kasama rin sa napaslang ang isang lalaking nagngangalang Louie Tagapia.

Hustisya ang panawagan ng mga naulila ni Echanis.

Groups hold protest to cry for justice for slain peasant leader

Peasant groups hold a protest today, August 14, in front of Commission on Human Rights in Quezon City to cry for justice for one of their leaders, Randall “Randy” Echanis.

Echanis was brutally killed in his rented house last August 10. Aside from being a peasant leader, he was also a peace consultant and known member of National Democratic Front of the Philippines’ Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms.

‘Killing Ka Randy is clearly an act of state terrorism’

“No cover-up could undermine this established political killing. Killing Ka Randy, a leader of Anakpawis and Philippine peasant movement, is clearly an act of state terrorism. This targetting of an unarmed civilian is also known as crime against humanity in the International Criminal Court. Ka Randy’s murder adds to the bloody criminal record of the Duterte regime.”Zenaida Soriano, Chairperson, Amihan National

‘Ito ay bahagi ng nagpapatuloy na crackdown sa hanay ng mga kritiko ng rehimen’

“Ito ay bahagi ng nagpapatuloy na crackdown sa hanay ng mga kritiko ng rehimen. Nagluluksa kami ngayon. Ano pa ba ang gusto ninyo, pinatay na ninyo ang aming ama. Ano pa ba ang gusto ninyo gawin, yurak-yurakan pa? Hindi pa ba kayo kuntento. Bigyan ninyo kami ng panahon na magluksa. Bigyan ninyo kami ng panahon na alayan ng dignidad ang aming ama. Bigyan ninyo kami ng panahon na maningil at maniningil kami sa takdang panahon.” Ariel Casilao, Former Representative, Anakpawis Party List

Buhay dakila

Bigo ang

mga pusakal

matapos dambahin ng

duwag na salarin at

hablutin ang kanyang

hininga.

Muli nilang itinakas

ang walang buhay

na katawan at

hiningang nilagas

ng bala at

patalim.

Sa paga-aakalang

nasa kalamnan nito

ang husay at yaman

ng prinsipyong

umuugnay sa dibdib

ng walang tinig

at karaniwan.

Ipinagkamaling

ang bukal ng talino,

ay isa lamang tiningkal

na lupa sa gitna,

ng nag-aalimpuyong

init ng araw

sa kanayunan.

Humahalakhak na

sinaklot ang hininga,

sa pag-asang

magwawakas

mga sulatin ang paksa,

ay ugat at butil,

at liyab ng apoy.

Namamag-asa

ang mga hunghang!

na sa pagkitil,

sadyang maagaw din

ang bukal ng yaman

mayron si

ka Randy.

Ibarra Banaag

Agosto 12, 2020

Marahas na pagpaslang kay Randall “Randy” Echanis, kinundena

Nagsagawa ng indignation rally ang iba’t ibang progresibong grupo at peace advocates upang ipanawagan ang hustisya para kay NDFP Peace Consultant Randall “Ka Randy” Echanis na brutal na pinaslang sa kaniyang tinitirhang bahay noong Agosto 10. Ginanap ang naturang protesta sa harapan ng Liwasang Diokno, Commission on Human Rights, Commonwealth Avenue, Quezon City, kahapon, Agosto 11.

Kabilang din dito ang mga kaibigan ni Ka Randy na hanggang ngayon ay hawak pa rin ng PNP ang bangkay.

‘Pinatay siya dahil sa kaniyang paghahangad ng tunay na kapayapaan’

“Pinatay siya hindi dahil siya ay rebelde, hindi [dahil] siya ay may ginagawang krimen. Bali pinatay siya dahil sa kaniyang paghahangad ng tunay na kapayapaan. Saan tayo nakakita, anong klaseng sistema ito, na ang mga taong naghahangad ng kapayapaan ay marahas na pinapatay?”Teddy Casiño, Spokesperson, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)

Tagumpay ka Ka Randall

ni George Tumaob Calaor

Traidor at saksak sa pagkaberdugo nilang kinitil ang iyong buhay

at ngayoy buong dahas na kinakamkam ang iyong bangkay

hindi sila nagtagumpay

sa pagkukubli ng katotohanang sila’y sangkot sa iyong pagkamatay

lunurin pa nila sa kasinulingan, baluktot na pangangatwirang naglalaway

sila!!!

Kung bakit kayo ngayoy nakahimlay!

Ikaw ay lupang

pasistang kinakamkam ng ganid

at pagkagahaman…

Ikaw ay sagana

sa kanayunang dinukot

ng sa lupa ay buong dahas

na nagdiyos-diyosan

Ikaw ang hustisyang

pinagdamutan

ng katarungan!

at higit sa lahat

Ikaw ay larangan

ng namiminto nang bisperas

ng kanilang kagapian!

‘Pagkat kamatayan niyo

ay kamatayan ng

pananagumpay!

Mababawi ang kanilang

dinukot at kinamkam!

Lalaya ang buhay

Hitik sa kawalan ng uri

sagana at pantay!

Pinilit Kang Binunot Ngunit Hindi Nagtagumpay

(Alay kay Randall “ Ka Randy” Echanis)

by Prestoline Suyat

Pusikit pa ang gabi

nang pilit kang binunot

binistay ng mga bala

pinagsasaksak

hanggang malagutan nang hininga.

Pinilit kang inilayo

itinangging ikaw ang bangkay

na dinuhagi ng mga demonyo.

Ngunit paanong hindi makikilala

ang mabuting binhi

ang sibol na pinagyaman

ng mapagpalang mga kamay

ng mga mangunguma;

ang bigas na pinalusog

ng maraming taon ng paglilingkod at pakikibaka?

Pinilit kang binunot

ngunit tulad ng iba

ginintuan ka ng palay

sa matabang lupa

ng paglaban ng masa.

Nag-akala sila

ngunit nalinlang.

Paano ka mabubunot sa amin?

Hindi ang lagablab ng digmaan,

Hindi ang kadiliman ng bartolina,

Hindi ng mga dagok at hambalos ng pang-aapi,

Hindi ng mga unos ng pagmamalupit,

Hindi ng brutalidad ng pagpaslang.

Ikaw din na di na lang binhi

kundi nagpataba ng lupa

ng rebolusyong inangkin mo

at inalay sa bayan.