Buhay dakila
Bigo ang
mga pusakal
matapos dambahin ng
duwag na salarin at
hablutin ang kanyang
hininga.
Muli nilang itinakas
ang walang buhay
na katawan at
hiningang nilagas
ng bala at
patalim.
Sa paga-aakalang
nasa kalamnan nito
ang husay at yaman
ng prinsipyong
umuugnay sa dibdib
ng walang tinig
at karaniwan.
Ipinagkamaling
ang bukal ng talino,
ay isa lamang tiningkal
na lupa sa gitna,
ng nag-aalimpuyong
init ng araw
sa kanayunan.
Humahalakhak na
sinaklot ang hininga,
sa pag-asang
magwawakas
mga sulatin ang paksa,
ay ugat at butil,
at liyab ng apoy.
Namamag-asa
ang mga hunghang!
na sa pagkitil,
sadyang maagaw din
ang bukal ng yaman
mayron si
ka Randy.
Ibarra Banaag
Agosto 12, 2020