Salitang iisa ang baybay pero may di-parehong diin at kahulugan
ni Carlos Marquez
(Paksang mungkahi ni Ben G. Domingo Jr.)
ISA pang katangian ng Filipino, ang Wikang Pambansa sa Pilipinas, ang likas nitong kakayahang makipaglaro sa – at lalo pang pagyamanin ang – imahinasyon ng nagsasalita at bumabasa. Isaalang-alang ang mga salitang magkakapareho ang baybay pero magkakaiba ang diin at kahulugan.
Halimbawa: labi, na kung bibigkasin nang may maragsang diin ay nangangahulugan na bibig; kung mabilis-maragsa, bangkay o tira.
Sala, bahagi ng bahay; sala, lihis, sablay. Malas, tingin; malas, hindi pinalad. Palad, kapalaran; palad, ilalim ng kamao. Pala, gamit panghukay; pala, talaga (Halimbawa: iyon pala, kaya pala); pala (maragsa), biyaya.
Palundag-lundag ang pagkakahalayhay ng mga salitang may iisang baybay ngunit may dalawa o higit pang ibig-sabihin sa piyesang ito dahil isinasangguni sa mga taong nakakausap na kaswal habang ikino-konsepto ang pagbuo. Habang ginagawa ito, may dalang listahan at isinusulat ang resulta ng mga pagtatanong. Ang resulta: nagkaroon ng mapaglilibangan habang nag-iisip. Isa pang madyik ng Filipino na hindi napapansin sa pang-araw-araw na buhay.
Ituloy natin.
Pila, hilera o hanay; pila, baterya; pila, isang uri ng mineral sa ilalim ng lupa. Pula, kulay; pula, pintas o puna.
Sawa, uri ng ahas; sawa, ayaw na. Puno, kahoy; puno, lider; puno, husto o ‘sakto ang dami.
Bunot, hatak pataas; bunot, pinatuyong biniyak na balat ng niyog; bunot, paglalampaso ng sahig.
Pato, uri ng bibe; pato, pamato sa laro. (Kung minsan ay bato kagaya sa taya-bato).
Buntal, suntok o bigwas; buntal, isang materyal na hinahabing sombrero (dating marami nito sa Baliwag, Bulacan, kaya ang naging sikat na sambalilong-Baliwag o buntal hat).
Burol, bahagi ng lupain; burol, wake sa English.
Aba, ekspresyon ng pagkagulat; aba, kaawa-awa. Kama, higaan; kama, pagsasalansan. Daing, hinagpis; daing, pinatuyong isda. Baka, uri ng hayop; baka, pag-aalangan.
Paso, bahagyang sunod sa balat; paso, taniman ng halaman; paso, daanan sa kaparangan (Hal. Pasong Tirad).
Lawa, nanggigitata; lawa, bahagi ng tubigan (lake).
Basa, read sa Ingles; basa, wet sa Ingles.
Bata, young sa Ingles; bata, pagtitiis; bata, roba (nagmula sa bathrobe).
Bula, bubble sa Ingles; bula (maragsang diin), natiyak (Tulad ng: hindi nagkabula ang hinala).
Patuloy tayo. Sulit, kuntento; sulit, pagsubok (kaparis sa pagsusulit pagkatapos ng aralin, eksaminasyon); sulit, report (Hal. Isulit mo ang ginawa mo maghapon).
Likas, natural; likas, pag-iwas sa nakaambang panganib (Tulad ng: Inatasan ng lokal na pamahalaan ang mga nasa mapanganib na lugar na magsi-likas.)
Sinta, irog o mahal sa buhay; sinta, pagtalima ng aso o anumang hayop na tinuturan ng amo ng trick. Kadalasang pagtayo sa dalawang paa. O saludo.
Kung minsan, may masusumpungan kang magkatulad na salita na mapapangiti ka sa isa pang kahulugan nito. Tulad ng: supot, swalok o lalagyan; supot, hindi tuli. #
Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.
Si Ben G. Domingo Jr. ay retiradong propesor ng pamamahayag ng Central Luzon State University at Unibersidad ng Pilipinas. Itinuturing siyang “tatay” ng napakaraming mamamahayag sa buong bansa.