Mensahe sa sambayanang Pilipino sa okasyon ng Araw ng ‘Kalayaan’
Bagong Alyansang Makabayan
Sa ika-126 na anibersaryo ng Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas, nananawagan ang Bayan sa mamamayan na ipaglaban ang tunay na kalayaan laban sa imperyalismo, partikular sa dominasyon ng imperyalismong US sa Pilipinas. Hindi tunay na malaya ang Pilipinas. Ang US ang nananatiling pinakamalaking banta sa soberanya ng Pilipinas ngayon habang ito’y sangkot sa inter-imperyalistang bangayan laban sa Tsina at nag-uudyok ng digmaan sa pamamagitan ng pinalawak na presensiyang militar ng US sa bansa. Ang US ang pangunahing imperyalistang kapangyarihan sa Pilipinas, habang ang Tsina ay isang umuusbong na imperyalistang kapangyarihan at kasalukuyang karibal ng US. Sa pagitan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan na nagtatagisan para sa dominasyon sa rehiyon, ang imperyalismong US ang may mas malalim na ugat at mas malaking impluwensya sa Pilipinas sa ekonomiya, politika, kultura at militar. Ang US ang may mahabang kasaysayan ng kolonyalismo at neo-kolonyalismo sa ating bansa.
Sa ating kasaysayan, ang US ang nag-udlot sa pagtatatag ng isang malayang estado ng Pilipinas nang sakupin ng US ang Pilipinas sa pagsisimula ng ika-20 siglo. Pinigilan ng US na makamit ng mga Pilipino ang kanilang pinaghirapang tagumpay laban sa kolonyalismong Espanyol. Nangako ang US na tutulungan tayo laban sa kolonyalismong Espanyol ngunit ang talagang nais nito ay sakupin ang Pilipinas at bilhin ang kolonya mula sa Espanya sa halagang $20 milyon bilang bahagi ng Kasunduan sa Paris. Hindi kailanman naging interesado ang US sa soberanya ng Pilipinas, kundi sa pang-ekonomiya at pampulitikang interes lamang ng imperyalismo.
Ang US ay nagsagawa ng brutal na pananakop sa mga isla, na nagdulot ng pagkamatay ng hindi bababa sa 200,000 sibilyang Pilipino. Pagkatapos ng pagbibigay ng nominal na kalayaan noong Hulyo 4, 1946, ang Pilipinas ay nanatiling isang neokolonya ng US na nagtaguyod sa 2 sa pinakamalalaking base militar ng US sa buong mundo.
Ang ekonomiya ng Pilipinas, ang sistemang politikal nito, ang patakarang panlabas at ang establisyamentong militar ay lahat nasa ilalim ng malakas na impluwensya ng US. Ang rehimen ng neoliberalismo na ipinatupad ng US ay nagdulot ng pagkabansot ng ekonomiya. Pinagpatuloy nito ang semi-pyudalismo bilang batayang panlipunan ng imperyalismo. Nanatili tayong isang ekonomiyang nakatuon sa pag-export, umaasa sa pag-import, at nakaasa sa utang – isang tambakan ng mga surplus na produktong imported at labis na kapital habang ang ating pambansang ekonomiya ay nananatiling atrasado at hindi nakakamit ang katayuang industriyalisado. Ang pamamahala ng US sa kolonyal at kalaunan ay neo-kolonyal ang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling mahirap at hindi maunlad ang ating bansa.
Ngayon ay pinalawak ng US ang presensyang militar nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng hindi bababa sa 9 na forward military bases sa tinatawag na Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites. Ito ay nagposisyon ng mga kagamitang militar kabilang ang mga Tomahawk missiles at spy drones ng US habang nagsasagawa ng mga military exercises sa hangaring magpalakas ng kapangyarihan sa rehiyon. Ang malawakang deployment ng mga pwersa at kagamitan ng militar ng US sa Pilipinas ay naglalayong udyukan ang Tsina na pumasok sa mas matinding tunggalian militar katulad ng ginawa ng US sa Russia, sa pamamagitan ng pagpapalawak ng NATO sa Ukraine. Samantala, ang “ayudang” militar ng US ay ginagamit sa isang US-inspired counter-insurgency program na ipinatutupad ng iba’t ibang presidenteng sunud-sunuran sa US at nagreresulta sa matinding paglabag sa karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas.
Ang US ay kasalukuyang nahaharap sa kabiguan na makamit ang tagumpay militar sa Ukraine matapos tanggihan ang negosasyon ng kapayapaan noong 2022. Ang US ay nahihiwalay din sa politika dahil sa walang kapararaang suporta nito sa Israel sa patuloy na genocide sa mga Palestino. Sa buong modernong kasaysayan, saanman sangkot ang US, mayroong kaguluhan at digmaan. Ito’y totoo para sa mga bansa tulad ng Vietnam, Libya, Iraq, at Afghanistan. Hindi maaaring maging tagasuporta ng genocide at tagaudyok ng digmaan ang US sa isang bahagi ng mundo at titignan bilang mabuting tagapagligtas sa kabilang bahagi. Tiyak na ayaw natin na gamitin ang Pilipinas ng US sa isang proxy war laban sa Tsina.
Ang rehimeng Marcos ay nagpapakita ng sarili bilang tagapagtanggol ng soberanya ng Pilipinas kahit na pinapayagan nito ang walang hanggang presensiyang militar ng US sa bansa sa pamamagitan ng hindi pantay na mga kasunduan tulad ng Visiting Forces Agreement at EDCA. Inilagay nito ang patakarang panlabas ng Pilipinas sa ilalim ng patakarang panlabas ng US, sa maling paniniwala na ang pambansang interes natin ay katulad ng imperyalistang interes ng US. Pinapayagan ni Marcos na gamitin ang Pilipinas bilang tuntungan ng US upang itaas ang tensyon sa Tsina, sa halip na agresibong isulong ang diplomatikong solusyon sa alitan sa West Philippine Sea, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng arbitral ruling sa ilalim ng UNCLOS.
Tinututulan natin ang mga agresibong aksyon at ilegal na pag-angkin ng Tsina sa mahigit 90% ng South China Sea. Higit na tinututulan namin ang paggamit ng US sa ating lehitimong isyu sa Tsina bilang dahilan para sa mas malaking interbensiyong militar ng US sa rehiyon, na nagtutulak sa Pilipinas papalayo sa mapayapa at diplomatikong resolusyon ng alitan, at papalapit sa armadong komprontasyon na nagsisilbi sa imperyalistang layunin ng US sa rehiyon. Noon at lalo na ngayon, ang US ang pangunahing pwersang lumilikha ng kaguluhan sa rehiyon.
Nanawagan ang Bayan sa sambayanang Pilipino na ilantad at tutulan ang imperyalismo, pangunahin ang imperyalismong US, at ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya sa Pilipinas. Nakikiisa kami sa mga mamamayan ng mundo na lumalaban sa makinarya ng digmaan ng US, mula sa Palestina hanggang sa Pilipinas. Pinaparangalan namin ang lahat ng ating mga bayani na nakipaglaban para sa tunay na kalayaan laban sa kolonyalismo, mula sa mga rebolusyonaryo ng Katipunan hanggang sa mga rebolusyonaryo ng kasalukuyang pakikibaka. #