KWENTUHAN SA BARBERYA: Paano makatitipid sa ‘di kinakailangang ChaCha?
Ni Nuel M. Bacarra
Unang linggo ng Pebrero ako nagpagupit sa barberyang malapit sa amin. Apat lamang kami noon doon—‘yung barbero, ‘yung ginugupitan, ako at ‘yung isa pang parukyanong naghihintay din. Bagamat dalawa ang silya, isa lamang ang barbero noon.
Nakatutuwa lamang pakinggan ang palitan ng kuru-kuro ng barbero at ng isa pang parukyanong katabi ko. Kapag nagsasalita si Manong Barbero, tumitigil siya sa paggugupit para harapin ang kausap. Kaya medyo tumatagal ang gupitan. Minabuti kong pakinggan ang palitan ng ideya tungkol sa sala-salabat na isyu ng bansa: sa tigil-pasada ng mga tsuper laban sa nakaambang Public Utility Vehicle Modenization Program o PUVMP, presyo ng kalabasa at bigas, at iba pa. Nagtuluy-tuloy ang talakayan lalo na nang matapos gupitan ni Manong barbero ang nauna at pumalit ang katalakayan niya.
Nang mabanggit ang tigil-pasada, naalala ko lang ang dating anunsyo ni Presidente Marcos Jr. na wala nang ekstensyon ang palugit na itinakda sa katapusan ng Enero para sa pagpapatigil ng mga pampasaherong dyipni para pumasada. Subalit dahil sa paglaban ng masang tsuper, pamilya nila at mga mananakay na sumuporta sa kanila, pinalawig din ito hanggang katapusan ng Abril.
Nitong nakaraang dalawang araw, nag-anunsyo na naman ang pangulo na isasabay na ang plebesito para sa Charter Change (ChaCha) o ang pagbago sa konstitusyon sa midterm election sa 2025 para diumano “makatipid.” Dalawang araw ito, matapos ang malaking pagkilos ng iba’t ibang sektor para gunitain ang ika-38 anibersaryo ng popular na pag-aalsa ng mamamayan sa EDSA laban sa diktadurang Marcos. Nakasentro ang pagkilos sa paggunita ng diwa ng EDSA at ang mariing paglaban sa isinusulong na ChaCha ng rehimeng Marcos Jr.
Pagtitipid?
Nagtitipid ako kaya sa isang pagupitan lang na walang aircon ako dumayo. Nakatipid ako nang halos ₱40.00 mula sa dating pinagpapagupitan ko na ₱100.00. Pero tila hindi kapani-paniwala na kaya pagsasabayin na ang plebesito para sa ChaCha sa eleksyon sa susunod na taon ay para makatitipid nang ₱12Bilyon – ₱14Bilyon. Nasa bokabularyo nga ba talaga ng pangulo ang pagtitipid?
May ganansyang pangako naman ng pamumuhunan ang 19 na byahe niya sa 14 na bansa mula nang maupo siya bilang presidente. Kasama na rito ang dalawang byahe sa Singapore kung saan ay nanood siya ng paboritong karera sa Singapore Grand Prix 2023 – F1 Race – Formula 1 noong Setyembre ng nakaraang taon at noong Setyembre 2022. Pero bukod sa gastos mula sa buwis ng mamamayan, ang pagpunta sa ibang bansa para sa paglilibang ay hindi kaiga-igaya para sa isang namumunong ang mamamayan ay nakalugmok sa kahirapan. Hindi rin maiiwasang sumimangot ang taumbayan matapos gumamit ang pangulo ng helikopter para makaiwas umano sa trapik papuntang konsyerto ng bandang Cold Play sa Bulacan. Luho ito kung gayon.
Sa darating na Marso pupunta rin ang Pangulo sa Australia at Germany at dadalaw muli sa Singapore sa Mayo.
Gastos sa gitna ng krisis
Ang ganitong mga gastusin at ang bilyun-bilyong badyet para sa ChaCha ay papasanin ng taumbayan sa kalagayang ang mga indikasyon sa ekonomya ay lumalala. Tulad halimbawa ng pagbagsak ng netong kita ng Bangko Sentral ng Pilipinas nang 74% at ng netong ₱55.53 bilyon pagkalugi sa usapin ng galaw ng palitan ng dolyar sa parehong panahon noong Nobyembre 2023.
Paano pagtutugmain ang pagwawaldas ng pera ng bayan at ang mga programang ang makikinabang nang lubos ay ang dayuhan—tulad na pagbago sa konstitusyon? Ang tinitipid ng pamahalaan ay ang benepisyo para sa mamamayan tulad ng pagtataas ng sahod ng mga manggagawa at empleyado, pagbawas sa badyet ng mga pampublikong unibersidad at kolehiyo, tagibang na prayoridad sa pagitan ng kalusugan at badyet para sa “kontra-insurhensya” at marami pang iba. Habang ang inilalako ng naman ng ChaCha ay ang 100% pag-aari ng mga lupa at negosyo para sa dayuhan sa bansa at ang kapritso ng mga pulitiko na mapahaba ang kanilang termino’t makapanatili sa poder.
Ang pagsasabay sa eleksyon sa isang taon ng plebesito para sa ChaCha ay hindi pagtitipid kundi pagpapalawig ng panahon para mapagtakpan at maremedyuhan ang mga pakanang mariing nilalabanan ng mamamayan. Ang kampanyang pagbawi ng pirma ng mga progresibong pwersa ay patuloy ang paggulong. Kinasangkapan ng mga promtor ng ChaCha ang kahirapan para linlangin ang taumbayan sa mga pangakong ayuda at iba pang modus.
Sa ganitong pagsisimula ng maruming pamamaraan para baguhin ang konstitusyon at ang pagsalubong dito ng paggunita sa diwa ng pag-aalsang EDSA na siyang tugon ng mamamayan, tatalas ang tunggalian sa pulitika sa pagitan ng mga nagmamaniobra nito at ng palabang mamamayan na ‘di nakakalimot sa bisa ng sama-samang pagkilos. #