Treinta

Tula ni Ben Domingo Jr.

Sa mga peryodista
tanda ito ng katapusan,
na kumpleto na ang sinulat
at handa na itong mailimbag.

Kaya kung ang manunulat
ay binawian na ng hininga,
sa pagharap niya sa hukay
tinatatakan din ng ‘treinta’.

Tulad ng batang si Reynaldo
na sa edad na katorse lamang
ay ginawaran ng isang berdugo
ng treintang saksak sa katawan.

Pero hindi lamang si Reynaldo
ang kabataang hinatulan
ng maagang kamatayan;
nauna na ang marami pa,
kabilang sina Carl at Kian.

Ngunit ang treintang ito
na tumapos sa kanilang buhay
ay magbabago ng kahulugan
dahil sa poot ng taumbayan.

Ang treinta ay magiging simula
ng pagkagising, ng pagkapukaw,
ng iniheleng mamamayan,
upang isara na ang maitim na telon
ng teleserye ng pagpaslang.

Hindi ito isang pagbabanta,
kundi isang mariing paalala
at napapanahong aral
na sa diwa ng pagbabago
pati ang mga kahulugan
ay maari ring maiba.

Hindi ito ang dulo,
ito na ang simula.

Treinta.