Tagumpay, bagong antas ng paglaban ng marinong Pilipino

Ni Nuel M. Bacarra

Sa kahabaan ng T.M. Kalaw sa Maynila, maraming paikut-ikot, paroo’t parito. Maraming nagtitinda. Maraming tao. Dito rin karaniwang nagsasama-sama ang mga aplikanteng marino, sa tapat ng Luneta Seafarers Welfare Foundation, isang foundation umano na ngayon ay nagsisilbing boarding house. Para sa mga progresibong organisasyon, tamang lugar ito para maiparating sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpi-piket at pagpapapima ng petisyon para sa kapakanan nilang mga marino.

Sa ingay ng tila nagka-karerang mga motorsiklo at iba pang sasakyan sa kahabaan ng lansangan noong Byernes, pinangibabaw ng mga tagapagsalita sa piket ang kanilang mga panawagan sa naroroong mga marino umaasang makasampa sa barko. Nangangalap sila ng pirma para sa petisyong tanggalin ang probisyong bond execution ng Magna Carta for Filipino Seafarers na pinagtibay ng Senado at Kongreso noong Disyembre 13 ng nakaraang taon. Naghihintay na lamang ito ng pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para maipatupad bilang batas.

Ito ang una sa serye ng mga planong kilos protesta at pangangalap ng pirma para sa petisyon ng mga progresibong organisasyon ng mga marinong tutol sa bond execution.

Nauna nang ibinasura ng Senado sa panukala nito ang escrow account at fiduciary provision dahil na rin sa pursigidong paglaban ng mga asosasyong Concerned Seafarers of the Philippines, Association of Marine Officers and Ratings (AMOR) at Cavite International Seafarers Association.  Tinanggal ang mga ito dahil malinaw na pagkakait ito ng benepisyo na ipinaglalaban ng mga marino. Mga probisyon itong pabor sa may-ari ng barko at manning agency. Sa esensya, ito ay malinaw na pagbimbin sa pinansyal na benepisyong dapat nilang makuha. Kahit ideklara ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang desisyong pabor sa marino, kapag nag-apela ang inirereklamong ahensya, doon mabi-bimbin ang kumpensasyon sa pamamagitan ng escrow account at fiduciary provision. Ang apela ay maaari pang umabot hanggang sa Korte Suprema.

Ipinalit naman dito ang probisyong bond execution na mas malala kaysa dalawang nauna. Ang mga marinong magsa-sampa ng kaso sa NLRC, ay maglalagak ng cash bond (awtomatiko at sapilitan) taun-taon hanggang di natatapos ang kaso. Hindi pa malinaw o kung ilang porysyento ng kumpensyon inilalaban ng isang marino ang halaga ng cash bond. Anila, malamang wala nang magsasampa ng reklamo laban sa kumpanyang may-ari ng barko o manning agency dahil sa halip na makuha nila ang nararapat na kumpensasyon, sila pa ang mamumulubi sa taunang gastos gastos para sa cash bond. Kumpara sa escrow at fudiciary provision, higit na mapagsamantala ito dahil mismong sa mga marinong nagsampa ng kaso manggagaling ang cash bond at, hindi tulad ng dalawang naipagtagumpay nilang ipatanggal sa panukala, na mga kumpanya o manning agency ang maglalagak ng pondo.

Ani Chief Engineer Rey Tranate ng AMOR: “Para lang sila may magagawang batas sa atin, para hindi sila mapahiya, ang mga kongresman at senador, gumawa talaga sila ng paraan para tayo gipitin. Ito ngayon iyong cash bond na tinatawag. Magba-bond muna ang seaman bago ilaban ang kaso. Milyon ito. Sa ganito, wala nang maki-claim. Papalakpak ang tenga ng agency kasi wala nang magrereklamo. Mapupunta lahat sa agency. Itong mga agency ang yumayaman dahil doble ang kita nila. Kumikita na sila sa sweldo natin na may kaltas sila. ‘Pag kayo ay nagkasakit at di kayo nag-claim, sila rin ang magki-claim sa benepisyo niyo!”

Ilan sa mga nagprotestang marino sa Maynila noong nakaraang Biyernes. (Nuel Bacarra/Kodao)
Petisyon

Kapos ang Magna Carta for Filipino Seafarers sa mga probisyong dapat sumalamin sa pangangilangan ng sektor. Kaya tulad ng naipagtagumpay nilang pagpapatanggal sa ilang probisyon, bukod sa bagong probisyong higit na maglalagay sa kanila sa ibayong kahirapan, kalakip sa petisyon nila ang iba pang kahilingan. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  1. Isama ang mga mangingisda (fisher) na pumapalaot lampas sa saklaw ng Pilipinas, gayundin yung mga marinong nagtatrabaho sa mga lokal na kumpanya na bumibyahe sa mga isla ng Pilipinas. Ang paggigiit na isama ang mga mangingisda ay bahagi ng probisyong nakasaad sa Maritime Labor Convention ng 2006 kung saan kabilang ang Pilipinas na nagtibay dito noong Agosto 20, 2012.
  2. Tanggalin ang limitasyon sa edad. Malaking problema rin ng mga eskperyensyadong marinong 40 o 50 anyos kahit angkop ang pisikal na pangangatawan at kwalipikado pa silang maglayag dahil prayoridad ang mas mga batang marino. Ang batayan ng empleyo ay ang kaangkupang magtrabaho. Ayon sa Department Order 130 Series of 2013 ng Department of Labor and Employment, nakasaad sa Rule III, Section 1 nito na, “Hindi pinapayagan ang sinumang wala pang 18 taong gulang na magtrabaho sa barko.”. Walang nakasaad na maksimum na edad.
  3. Tanggalin ang libu-libong bayarin para makapagtrabaho sa barko. Sa karanasan ng mga marino, umaabot ng halos ₱83,000.00 ang gastos sa mga pagsasanay sa loob ng halos tatlong buwan. Hindi pa kasama rito ang gastos sa akomodasyon, pagkain at pamasahe.
  4. Tanggalin ang blacklisting o watchlisting. Kapag nagreklamo ang isang nag-aaplay na makapagtrabaho sa barko bakit matagal ang proseso, nanganganib din ang kanyang katayuan magtrabaho dahil maaari siyang maisama sa blacklist o subaybayan ang rekord sa pagtatrabaho.
  5. Ipatupad ang mga nakasaad sa International Maritime Convention. Ipatupad ang regularisasyon sa trabaho. Iginigiit din nila ang kasiguruhan sa trabaho sa pamamagitan ng malinaw na probisyon kaugnay sa pagtanggal sa kontraktwalisasyon.
Ambag sa lipunan

Tinatayang 90% ng kalakalan sa daigdig ay mahigpit na nakasandig sa paglalayag ng mga barkong naghahatid ng produkto sa iba’t ibang panig ng mundo. Malaki ang kontribusyon dito ng mga Pilipinong marino mula pa noong kalakalang Galeon hanggang sa kasalukuyan. Ang kasanayan nila sa pagmantine at operasyon ng mga barko ay kritikal na pangangailangan ng kalakalan sa mundo. Dahil sa pulu-pulong katangian ng bansa, natural na tendensya na ang paggamit sa karagatan sa anumang uri ng paglalakbay at pagnenegosyo.

Ang Pilipinas ang may pinakamalaking bilang ng mga nagtatrabahong marino sa buong daigdig. Noong isang taon, aabot sa 14% ng mga seafarer sa buong mundo ay mga Pilipino.

Kabilang sila sa hanay ng mga Pilipinong nangingibang bansa o Overseas Filipino Workers (OFW). Ayon sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA), umaabot sa 750,000 ang bilang nila sa buong bansa. Subalit halos kalahating milyon o dalawang katlo lamang ang naeempleyo o nakakasakay sa barko taun-taon. Ang natitirang sangkatlo ay nag-aaplay na lang sa mga inter-island na lokal na barko, ang iba ay aplay dito, aplay doon habang ‘di natatanggap sa trabaho.

Taun-taon ay mayroong gumagradweyt na halos 25,000 estudyante pero halos 20% lamang sa kanila  ang nakapagtatrabaho sa mga barko.

Mula 2017-2022, halos 1.6% ng Gross Domestic Product (GDP, kabuuang produkto at serbisyong nalikha sa isang takdang panahon) ang kontribusyon ng mga marino sa bansa. Noon 2022 lamang, nagpasok sila ng $6.715 bilyon sa bansa o halos 20% ng kabuuang remitans ng mga OFW, ang mga tinaguriang bayani ng kasalukuyang panahon. Sa pagtatapos ng 2022, umabot sa 8.9% ng GDP ang kabuuang remitans ng mga OFW sa bansa. At sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas, 22% ng kabuuang remitans ng mga OFW ay mula sa seafarers.

Ayon pa kay Pres.. Marcos Jr.: “We are proud of our maritime heritage and our title as the Seafaring Capital of the World…We will always be grateful to our seafarers for what they have brought to our country.” (Ipinagmamalaki natin ang pamana sa pandaragat at ang ating pinanghahawakang titulong Pandaigdigang Kabisera ng mga marino. Lagi nating kinalulugdan ang ambag ng ating mga marino sa bansa.”) Ang pagpapasa ng isang Magna Carta para sa mga marino ay sinertipikahang kagyat ng pangulo sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 2023. Kaya nagkumahog ang mataas at mababang kapulungan ng Konggreso.

Sa petisyong inihahapag ng mga organisadong marino para sa pagbasura sa bond execution at iba pang kahingian, bitbit nila ang pag-asa ng tulong mula sa masang Pilipino at sa uring manggagawa sa kabuuan.  Tulad ng masinsin nilang pagkilos laban sa probisyong escrow at fiduciary na naibasura, buo ang loob nilang panghawakan ang mga tagumpay na ito para isulong ang tunay na Magna Carta for Filipino Seafarers na tunay aariin nilang kanila dahil bunga ito ng kanilang sama-samang pakikibaka. #