Posts

Impak ng salitang pabalbal sa ebolusyon ng wikang pambansa

Ni Carlos Marquez

“HESBI na, erap, at me kadla yota.”

“Teka muna, p’re. Goli muna koaks.”

“Dehins na. Naspu ka na ‘lang.”

“’Pre, dyahi sa katabi sa yepdi. Hobarns koaks.”

“’Pre, sitaks na lang yota.”

Hindi iyan palitan ng mga taga-Mars. Pabalbal na usapang iyan na matagal nang uso – bago pa mag-yorme si Kois.

Ang buod ng usapan: Niyaya ang kabigan dahil may pupuntahan. Maliligo daw muna. Huwag na magpunas ka na lamang. Nakakahiya daw dahil mabaho siya at baka maamoy ng makakatabi si diyep. Sagot sa kanya, magta-taksi na ‘lang sila.

Ang totoo niyan, ang mga pabalbal na salitang Filipino ay naging bahagi na ng kulturang Pilipino at mas matindi ito nuong dekada sesenta. (Ang “balbal” o “pabalbal” ay ang Filipino o Tagalog ng English na “slang”). Ang pabalbal na salita, o tinatawag ding salitang-kanto, ay bahagi ng kasiglahan o dinamiko ng wikang Filipino. Maaaring ang iba sa mga ito ay tanggap na at nakalista na sa opisyal na talasalitaang Filipino. Isa pa itong patunay kung gaano nakakalibang ang Wikang Pambansa.

Nang maihalal bilang mayor ng Maynila ang dating aktor na si Isko Moreno ay kagyat na lumabas muli ang mga pabalbal na salita at naging paksa ng usap-usapan sa maraming dako. (Patunay din ito kung gaano ka-impluwensya ang Maynila – pati tunog nito ay ginagaya. Pati tot-u mabango sa mga probinsyano.) At di-kaginsa-ginsa ay lumabas ang “Diksyunaryo ni Ko-is”. Kasabay ng reinkarnasyon ng Maynila ay nabuhay ding mag-uli ang mga salitang balbal.

Narito pa ang ibang balbal na Filipino na matagal na ring ginagamit ng marami:

Parak, lespu (pulis); iskapo (takas); istokwa (naglayas, mula sa Ingles na “stowaway”); epal (mapapel, mahilig magpasikat); spongklong (istupido); erpat (ama); ermat (ina).

Malaki ang naitulong (?) ng panlipunang media sa paglaganap ng mga balbal na Filipino. Saan nabasa ang “lodi” (pabaligtad na sambit sa Ingles na “idol”), werpa (pabaligtad na “power”), petmalu (pabaligtad na malupit, na isa ring pabalbal na pagsasalarawan ng matindi o kahanga-hanga), tsibog (kain), tsika (tsismis).

Eto pa.

Jeproks, ma-porma; bagets, kabataan; gin-bulag, isang uri ng alak na kapag ininom ay pinaniniwalaang nakakabulag; senglot, lasing; amats, lasing na; albor, hiram o ipaubaya (tulad ng “Albor ko na ‘yan, ‘erap” kung medyo alanganin sa kalaban).

Ayon sa isang guro sa isang paaralan sa Metro Manila sa: “Ang wika po ay dynamic, nagbabago ito kasabay ng panahon. Ang mga salitang Filipino ay namamatay dahil walang application. Hindi nagagamit dahil sa colonial mentality at globalization.”

Hango ito sa sa isang artikulo tungkol sa dinamiko na Wikang Filipino.

Sa halip na ismiran, tanggapin na lamang at maaliw sa mga salitang balbal na patuloy na isisilang ng mga dilang Pinoy sa mga susunod pang salinlahi. #

(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)

Ang nakakaaliw, maindayog na Filipino

Ni Carlos Marquez

SINONG Pilipino ang hindi mamahalin at ipagmamalaki ang Pambansang Wika gayung bukod sa maindayog na pagbigkas nito ay hitik na hitik din sa mga kasabihan at idyoma. Mapaglaro at nakaaaliw din ang mga pantig nito. Halimbawa: Ang pantig na “ba”, kapag inulit ng apat na beses ay magbibigay ng kahulugan.

“Nariyan ba ang ate mo?”

“Nasa itaas po.”

“BABABA BA?”

“Opo.”

Isa pa, huwag bigyan ng literal na kahulugan ang pangkat ng maiikling salita kung gusto mong maintindihan. Kagaya ng “itaga mo sa bato.” Mahirap tagain ang bato – masisira ang itak. Ang ibig sabihin ng “itaga mo sa bato” ay “siguradung-sigurado”, isinusumpa ko”, “mangyayari ang sinabi ko”. (Kung minsan, pwede rin ang pabalbal na “peks man”).

Gayundin ang sawikain o idyoma (idiom). Ito ay di-tuwirang pagbibigay-kahulugan at pagpapakita ng kaisipan sa pamamagitan ng salita o pangkat ng mga salita. Kung bagito sa Filipino ang makakarinig sa mga sawikain ay maliligaw ng pang-unawa.

“Bungang-isip”, halimbawa. Ang ibig sabihin nito ay imahinasyon. “Bungang-tulog” o “bungantulog”, panaginip. (Pansinin ang pagkakabit ng dalawang salita na tinanggal ang titik na “g” sa “bungantulog”. May batas sa balarila na sumasaklaw sa ganito na i-reserba na lamang muna natin para sa bukod na pagtalakay).

Narito pa ang ilan sa maraming idyomang Filipino na kapwa nagpapakunot-noo at umaaliw sa mga nuon lamang nakakarinig.

“Butas ang bulsa”, walang pera; “ilaw ng tahanan”, ina; “alog na ang baba”, matanda na; “bahag ang buntot”, duwag; “bukas ang palad”, matulungin; “nagbibilang ng poste”, walang trabaho; “taingang kawali”, nagbibingi-bingihan;”balat-sibuyas”, mabilis masaktan; “pusong bakal”, hindi marunong magpatawad

Buto’t balat, payat; “magaan ang kamay o pingkok”, madaling magalit at manakit; “may daga sa dibdib”, takot, nerbyosos; “bulaklak ng dila”, maligoy magsalita; “makati ang dila”, tsismoso o tsismosa, madaldal.

Maraming-marami pa.

Ikaw, ano pa ang maidadagdag mo? #

(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)

Liwayway at Bulaklak

HINDI maisaisantabi ang ambag ng mga magasing Tagalog na Liwayway at Bulaklak sa pagbukadkad ng Wikang Pambansa. Sabihin nang makaluma, pero walang pamalit sa karunungang isinalansan ng mga ito sa mga tao nuong dekada 40 hanggang sa mga unang bahagi ng dekada 60. Sa mga babasahing ito nakilala ang mga dakila sa panitikang Pilipino, kagaya nina Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Julian Cruz Balmaceda, Cecilio Apostol Borromeo, Lope K. Santos, Inigo Ed Regalado, Romualdo Ramos, Francisco Lacsamana, Fausto Galauran at Pedrito Reyes. Si Pedrito Reyes ay anak ni Severino Reyes na lalong kilala sa alyas na “Lola Basyang” dahil sa kanyang mga kuwentong pambata na sinubaybayan sa magasin at nang malaunan ay sa radyo.

Marahil ay hindi na ipagtatanong pa ang mga pangalang nangabanggit sa itaas lalo na ang mga may kaalaman sa panitikang Pilipino na itinuturo sa mataas na paaralan nuon. (Maliban marahil sa mga kabataan ngayon na bukod sa nahuhumaling sa gadyet ay tinapyasan pa ng karapatang malasahan ang alindog at aral ng wikang sabi nga ay sinuso pa sa ating mga ina.

Ang Liwayway, na itinatag ni Ramon Roces nuong dekada 30, ay binuo ng maiikling kuwento at nobela na may ilustrasyon. Ang mga serye ay sinubaybayan ng libu-libong mambabasa sa maraming dako ng Luzon (katulad rin ng pananabiki gabi-gabi at araw-araw sa mga sinusubaybayang teleserye ngayon sa telebisyon). Naglabas din ng mga bersyon ng babasahing ito upang makarating naman sa mga ibang rehiyon – ang Bisaya, Hiligaynon, Bikolano at Bannawag.

Samantala, ang Bulaklak, na unang inilimbag nuong 1947, ay nakipagparayawan sa pagbibigay ng aliw at karunungan sa Liwayway. Katulad rin ng Liwayway ang nilalaman ng Bulaklak na nagtampok ng mga maiikling kuwento, serye ng nobela, mga tula, balitang pang-artista, komiks, at iba pang mga kapaki-pakinabang na salik. Sa Bulaklak unang lumabas si Darna nuong mga dakong 1950.

Magaan ang buhay nuon. Ang karunungan ng mga tao ay nanggagaling sa tahanan, sa paaralan – at sa mga magasing Liwayway at Bulaklak. Hanggang sa nagsulputan ang iba pang magasin na ang pormat ay kumikiliti sa imahinasyong makamundo.

Kung mayroon man sa ngayon ang nakakaalaala pa sa Liwayway at Bulaklak, nakakasigurong malawak ang kaalaman nila lalo na sa pagpapahalaga sa Wikang Pambansa. #

(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)

Ang larawang ginamit ay hinango ng may akda sa Google at kanyang isinalansan.

‘Pinapatay ang wikang Filipino’

“Ang desisyon ng Korte Suprema at CHED na patayin ang wikang Filipino sa kurso ng General Education ay walang iba kundi ang pagtalima sa neoliberalismong patakaran tulad ng globalisasyon at internationalization ng rehimeng Duterte. Bahagi ng labor export policy, ninanais nilang sanayin tayo sa lenggwahe ng mga makapangyarihang bansa upang epektibo taong makapag-lingkod sa kanila.”—Neil Doloricon, tagapangulo ng CAP

Kung isasantabi ang wika

“Ang wika ay isang simbolo ng iyong matayog na pinanggagalingan. Kung ito ay isantabi natin, malamang wala tayong patutunguhan bilang mamamayan. Ipagbunyi, mahalin, yakapin, pagyamanin ang sariling atin.”—Bayang Barrios, mang-aawit

‘Unti-unti na tayong binubusalan’

“Sa wika at panitikang Filipino ay mas malayang naipapahayag natin ang ating mga puso at kaluluwa. Sa pagtanggal ng mga araling ito ay unti-unti nila tayong binubusalan.”—Ricky Lee, manunulat

Concerned Artists of the Philippines

‘Ang gusto ng manlulupig’

“Ang wika ay hindi lang salita. Kamalayan din iyon at sensibilidad. Nasa panitikan at kasaysayan ang dangal ng bawat bayan. Sambayanang walang alam sa sarili? Iyon ang gusto ng manlulupig.”—Jun Cruz Reyes, manunulat, makata, pintor

Concerned Artists of the Philippines image.