Ang nakakaaliw, maindayog na Filipino
Ni Carlos Marquez
SINONG Pilipino ang hindi mamahalin at ipagmamalaki ang Pambansang Wika gayung bukod sa maindayog na pagbigkas nito ay hitik na hitik din sa mga kasabihan at idyoma. Mapaglaro at nakaaaliw din ang mga pantig nito. Halimbawa: Ang pantig na “ba”, kapag inulit ng apat na beses ay magbibigay ng kahulugan.
“Nariyan ba ang ate mo?”
“Nasa itaas po.”
“BABABA BA?”
“Opo.”
Isa pa, huwag bigyan ng literal na kahulugan ang pangkat ng maiikling salita kung gusto mong maintindihan. Kagaya ng “itaga mo sa bato.” Mahirap tagain ang bato – masisira ang itak. Ang ibig sabihin ng “itaga mo sa bato” ay “siguradung-sigurado”, isinusumpa ko”, “mangyayari ang sinabi ko”. (Kung minsan, pwede rin ang pabalbal na “peks man”).
Gayundin ang sawikain o idyoma (idiom). Ito ay di-tuwirang pagbibigay-kahulugan at pagpapakita ng kaisipan sa pamamagitan ng salita o pangkat ng mga salita. Kung bagito sa Filipino ang makakarinig sa mga sawikain ay maliligaw ng pang-unawa.
“Bungang-isip”, halimbawa. Ang ibig sabihin nito ay imahinasyon. “Bungang-tulog” o “bungantulog”, panaginip. (Pansinin ang pagkakabit ng dalawang salita na tinanggal ang titik na “g” sa “bungantulog”. May batas sa balarila na sumasaklaw sa ganito na i-reserba na lamang muna natin para sa bukod na pagtalakay).
Narito pa ang ilan sa maraming idyomang Filipino na kapwa nagpapakunot-noo at umaaliw sa mga nuon lamang nakakarinig.
“Butas ang bulsa”, walang pera; “ilaw ng tahanan”, ina; “alog na ang baba”, matanda na; “bahag ang buntot”, duwag; “bukas ang palad”, matulungin; “nagbibilang ng poste”, walang trabaho; “taingang kawali”, nagbibingi-bingihan;”balat-sibuyas”, mabilis masaktan; “pusong bakal”, hindi marunong magpatawad
Buto’t balat, payat; “magaan ang kamay o pingkok”, madaling magalit at manakit; “may daga sa dibdib”, takot, nerbyosos; “bulaklak ng dila”, maligoy magsalita; “makati ang dila”, tsismoso o tsismosa, madaldal.
Maraming-marami pa.
Ikaw, ano pa ang maidadagdag mo? #
(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)