Impak ng salitang pabalbal sa ebolusyon ng wikang pambansa
Ni Carlos Marquez
“HESBI na, erap, at me kadla yota.”
“Teka muna, p’re. Goli muna koaks.”
“Dehins na. Naspu ka na ‘lang.”
“’Pre, dyahi sa katabi sa yepdi. Hobarns koaks.”
“’Pre, sitaks na lang yota.”
Hindi iyan palitan ng mga taga-Mars. Pabalbal na usapang iyan na matagal nang uso – bago pa mag-yorme si Kois.
Ang buod ng usapan: Niyaya ang kabigan dahil may pupuntahan. Maliligo daw muna. Huwag na magpunas ka na lamang. Nakakahiya daw dahil mabaho siya at baka maamoy ng makakatabi si diyep. Sagot sa kanya, magta-taksi na ‘lang sila.
Ang totoo niyan, ang mga pabalbal na salitang Filipino ay naging bahagi na ng kulturang Pilipino at mas matindi ito nuong dekada sesenta. (Ang “balbal” o “pabalbal” ay ang Filipino o Tagalog ng English na “slang”). Ang pabalbal na salita, o tinatawag ding salitang-kanto, ay bahagi ng kasiglahan o dinamiko ng wikang Filipino. Maaaring ang iba sa mga ito ay tanggap na at nakalista na sa opisyal na talasalitaang Filipino. Isa pa itong patunay kung gaano nakakalibang ang Wikang Pambansa.
Nang maihalal bilang mayor ng Maynila ang dating aktor na si Isko Moreno ay kagyat na lumabas muli ang mga pabalbal na salita at naging paksa ng usap-usapan sa maraming dako. (Patunay din ito kung gaano ka-impluwensya ang Maynila – pati tunog nito ay ginagaya. Pati tot-u mabango sa mga probinsyano.) At di-kaginsa-ginsa ay lumabas ang “Diksyunaryo ni Ko-is”. Kasabay ng reinkarnasyon ng Maynila ay nabuhay ding mag-uli ang mga salitang balbal.
Narito pa ang ibang balbal na Filipino na matagal na ring ginagamit ng marami:
Parak, lespu (pulis); iskapo (takas); istokwa (naglayas, mula sa Ingles na “stowaway”); epal (mapapel, mahilig magpasikat); spongklong (istupido); erpat (ama); ermat (ina).
Malaki ang naitulong (?) ng panlipunang media sa paglaganap ng mga balbal na Filipino. Saan nabasa ang “lodi” (pabaligtad na sambit sa Ingles na “idol”), werpa (pabaligtad na “power”), petmalu (pabaligtad na malupit, na isa ring pabalbal na pagsasalarawan ng matindi o kahanga-hanga), tsibog (kain), tsika (tsismis).
Eto pa.
Jeproks, ma-porma; bagets, kabataan; gin-bulag, isang uri ng alak na kapag ininom ay pinaniniwalaang nakakabulag; senglot, lasing; amats, lasing na; albor, hiram o ipaubaya (tulad ng “Albor ko na ‘yan, ‘erap” kung medyo alanganin sa kalaban).
Ayon sa isang guro sa isang paaralan sa Metro Manila sa: “Ang wika po ay dynamic, nagbabago ito kasabay ng panahon. Ang mga salitang Filipino ay namamatay dahil walang application. Hindi nagagamit dahil sa colonial mentality at globalization.”
Hango ito sa sa isang artikulo tungkol sa dinamiko na Wikang Filipino.
Sa halip na ismiran, tanggapin na lamang at maaliw sa mga salitang balbal na patuloy na isisilang ng mga dilang Pinoy sa mga susunod pang salinlahi. #
(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)