Hukom
Ni George Tumaob Calaor
Kagaya ng isang daloy
mula sa paanan
ng talon, ako ay
ilog…
aagos mula sa pusod
ng gubat—babaybayin
ang lawig ng landas
lamang sa iyo
ay makipagtalik
ng wagas!
Dagat kang kanlungan
ay lalim ng alab
kinasasabikang
sisirin
at…
mula sa tarik
nitong kabundukan
buong giting kong ihimagsik
na maidampi
sa iyong karagatan
ang init ng
pag-ibig—malaya
sa gapos ng
pag-aalinlangan!
…
Minsan…
Kalawakan ay
paraiso ng ating
pagtipan.
Ako ay araw–Ikaw ay buwan.
Sa tuwina’y
lupa ay ating
iiwan—saglit
tayong kukubli
sa likod ng
karimlan…
bibigay ng kapanganakan
sa isang makasaysayang
pagsilang—hihinugin sa sigwa
ng isang kaganapan…
magbabadya sa isang
saglit ng katahimikan…
at sa isang bigwas
ng sinupil na
delubyo, kulog
ay uungol
manunukdulan…!
Kalayaan!
…
Nagbabaga ang kalupaan…
Nanlalampong ang romansa
sa pagitan
ng apoy at
hangin…
maghahalikan
ang langit
at ang
putik…
may ritwal
sa sayaw
ng mga
bathala…
at sa huling
pagkumpas ng
isang hudyat…
inihingang ulap
ng isang digma
sa kalawakan ay
mahahawi…
habang mga
parasitikong peste ay
uod na lulupasay
sa bungo ng mga
kaaway…!
Walang kabilang buhay!
Walang uri ang pagkapantay!
Watawat ay nagliliyab na apoy!
Iwawagayway!