Posts

Huling hirit sa Buwan ng Wikang Filipino

Ni Carlos Marquez

NGAYON ang huling araw ng Buwan ng Wikang Filipino. Paano ko ginugugol ang kabuuan ng buwang ito na siya ring buwan ng aking kapanganakan? Maaaring pinagtaasan ako ng kilay ng mga nag-isip na ipokrito ako dahil kilala akong manunulat sa Ingles at pagkatapos ay bigla akong kumambyo sa Filipino. Uulitin ko, ito ang aking personal na partisipasyon sa paggunita ng pagkakaroon natin ng sariling wika, ang wika na sinasabi ko’t inuulit-ulit na siyang minana natin sa ating mga ninuno – ang Taga-ilog na nabuglawan ng mga dayuhang taga-Sumatra nuong madaling-araw ng sibilisasyon sa bansang ito – at ang wikang sinuso natin sa ating mga ina. (Isipin mo na habang pinasususo tayo ng ating mga ina nuong tayo ay mga sanggol pa ay inaawit niya, o hinihimig, ang “Sa Ugoy ng Duyan”).

Ito rin ang paraan para ipagmalaki ko na “marunong” din akong magsulat sa wikang Filipino. Hindi Tagalog. Ang Tagalog ay siya lamang pinagbasehan ni Manuel L. Quezon ng Wikang Pambansa. Pansinin na maraming iba’t ibang diyalekto na buhat sa iba’t ibang panig ng bansa ang inilahok sa Filipino upang maging mas “Pilipinung-pilipino”, ayon na rin sa mga eksperto sa lingwistiko na siyang nagsikap na habihin ang wikang pambansa. Pansinin din kung paano ko gamitin ang Filipino sa aking pagsusulat: Hindi ito Tagalog lamang. Ang iba riyan (iyong ginagawang dahilan sa kakulangan sa kasanayan sa gramatikong Ingles) “sumusulat ako sa Tagalog lamang”. Pero, masdan mo ang kanilang trabaho, “Tagalog” na nga na para bang wikang minorya ang binabanggit) ay kapos naman sa mga alituntunin ng wastong balarilang Filipino. Gumagamit ng mga salitang ni sila ay hindi alam kung tama upang magbigay ng impresyon na ang ginagawa nila ay “malalim na pananagalog”. Kahit na anong lengwahe ang gamitin sa pagsusulat, dapat maunawaan din ang mga karakter ng wika pati na ang wastong gramatiko nito.

Sinasabi ko ito dahil sa marami akong naririnig (kadalasan ay sa mga brodkaster) na gumagamit ng mga salitang “Tagalog” na hindi nila naiintindihan ay lumilikha ng mal-edukasyon sa publiko.

“Matutunan”. Ano ang matutuhan sa salitang ito?

Walang hulaping NAN para sabihing matutuNAN. Ang salitang ugat dito ay “tuto”. Kung ang huling titik sa salita ay patinig, sinsingitan ito ng H sa pagitan ng salitang ugat at hulapi para sa mas maginhawang pagbigkas, ayon sa Balarilang Filipino ni Lope K. Santos.

Marami pang ganitong uri ng pagsasalita na madidinig sa mga telebisyon at radyo – na kung tutuusin ay pangunahing humuhubog sa kaisipan ng mga tagapakinig. Ang mga medyang ito, tandaan, ay sandata ring pang-edukasyon kaya dapat ay maging mapili at maingat ang mga brodkaster at mga manunulat sa radyo at telebisyon.

Ginagawa ko ito na para akong isang baliw sa gitna ng ilang. Humihiyaw sa kawalan. Kung wala kasing gagawa nito, sino pa?

Magandang Linggo ng umaga, at sana ay sumapuso at sumadiwa natin ang diwa ng Buwan ng Wikang Filipino. #

Ang sanaysay na ito ay isinulat noon pang August 31, 2014, araw ng Linggo. Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.  

Nakakahawa, nakakamangha

Ni Carlos Marquez

KUNG ikaw ay magsasaka ng palay na taga-Nueva Ecija at inis-na-inis ka sa Kongreso sa pagsasabatas ng taripa sa bigas; kung sumasagad na sa rurok ang kinikimkim mong galit sa mga nakakahiyang kamangmangan na ipinapakita sa mga desisyon at deklarasyon ng maraming opisyal ng gobyerno; kung hindi mo na talaga mapagkasya sa sikmura ang mga ipinalulunok sa iyong galung-galong dugo ng mga pinapatay sa tinatawag na gyera sa droga; kung nagpupuyos ka na sa himutok at galit sa pilit na panghihimasok ng mga militar sa mga paaralan at kanayunan; kung sa tingin mo’y nawawala na ang katinuan…tumula ka.

Ganito ang nasumpungang paraan ni Raymund B. Villanueva, isang aktibistang mamamahayag at makata, upang ibuhos ang naimbak na galit. Isinatinta niya ang mga galit na iyon at inilatag sa papel. Ang resulta: “Persolitika”.

LUNAS ang pagtula, o pagsulat nito – alternatibong lunas pero hindi panandalian ang bisa (palliative). Pangmatagalan. Upang guminhawa ang pakiramdam, ibinuhos ni Raymund ang marahil ay malaking bahagdan ng mga naipong likido sa katawan sa 100-pahina ng mga tula at litrato tungkol sa personal at pampolitikang kaisipan sa “Persolitika: Mga tula at larawan”. Ang mga sakit ng lipunan na nagmistula nang epidemya pagkaraan ng maraming panahon ay sinisikap lunasan ng mga manunulat – mamamahayag man o makata. Subalit habang patuloy ang matahimik na pagsigaw sa ibabaw ng papel, parang mas lalo pang dumarami ang problema. Parang mga gremlin na habang nababasa ay lalong dumarami. (Parang tagyawat ni Yolly Samson: “Sa kakaisip sa ‘yo tagyawat dumadami…”). Kaya nga, tumula nang tumula si Villanueva at may lunas na dala ang mga tula niya.

Katulad ng epidemya ang mga tula sa “Persolitika” – nakakahawa. At nakakamangha. Pati na ang mga dakilang haligi ng panulatang Filipino ay napatayo, napatigalgal, at sumaludo sa 23 tulang personal, 40 tulang politikal, at 32 larawan na may indayog din at sining. Dalawa sa mga nagpugay sa mga tula sa “Persolitika” ni Villanueva ay sina NVM Gonzales at Jose Ma. Sison. Sutsot lamang ng mga nota ng pangalan ng dalawang ito ay dumagundong na kampana na pumupukaw sa isang maingay na metropolis.

Si NVM Gonzales o Néstor Vicente Madali González ay isang higanteng nobelista, manunulat ng maiikling kuwento, at makata, na may gawad na Pambansang Alagad ng Sining Para sa Panitikang Pilipino nuong 1997. (Binigyan ni NVM ng pagkilala kung anong uring manunulat si Villanueva nuong 1995, apat na taon bago siya pumanaw). May gawad din siya ng pinakamimithi ng mga manunulat sa panitikan na Carlos Palanca.

Samantala, kilala ng marami si Jose Maria Sison bilang isang manunulat na aktibista na siyang nagtatag ng Communist Party of the Philippines.

Bakit ganoon na lamang ang pagpupugay ng mga bathala ng panitikang Filipino kay Raymund B. Villanueva?

Dumampot tayo ng ilan sa mga tula sa “Persolitika” upang malaman.

Sa tula, halimbawa, na “Sa Gabi ng Pangungulila” ay nakipagkumperensya si Villanueva sa mga salik ng gabi – buwan, kuliglig, batis, at hangin – upang punan ang nabuong gawak ng kalungkutan sa pagkakalayo sa kanyang minamahal. Romantiko si Villanueva. “Maglakbay tayo, giliw/At idampi bilang halik ang luhang naging hangin./Sana’y kanyang mabatid/Ako’y nagmamahal pa rin.” Akala ni Raymund ay siya lamang ang nakikipagbuno sa kalungkutan ng gabing iyon. Sa kabilang bahagi ng gabi, balisa rin marahil ang kanyang irog noon sa pagkakahiga.

Hindi ba kapag hindi makatulog ang mga bata, kukuwentuhan sila hanggang sa mamungay ang mga mata at lunurin ng antok ng mga ritmo ng mga kataga sa “Mga Kuwento ni Lolo Raymund”? Pero iba ang mga kuwento sa “Bedtime stories”. Ang kuwento niya’y hindi alamat ng siyudad (urban legend). Ang kuwento niya’s katatakutan. Mga nakakatakot na katotohanan. Mga signos ng panahon.

“When our children tire of stories
About our rich kings
We tell them stories of the queen’s warriors.
Soldiers well-drilled
In shooting unarmed peasants
Or defenseless workers
Mercenaries whose shield is the civilian populace
Whose commanders are foreign-trained.”

Sa halip na makatulog, ang mga bata’y magigising. Babangon, magmamasid, makikisangkot.

ANG lalim ng isang tula, ayon kay Jose Garcia Villa, ay katulad ng isang himala, may tugtugin katulad ng awit ng ibong “seagull”. Ang tulang masusumpangan sa maraming pagkakataon, kasama ang mga hinaing ng mga magsasaka, ay may talinghaga at musika.

Sa “Literal”, pakinggan po natin ang deklarasyon ng mga magsasaka sa Palo, Leyte nuong 2005. “Ang salita ng mga magsasaka: ‘Atin muling pagyamanin ang lupa./Subalit ang mga sundalo’y hindi kailangang/Maging literal.”

Sinabi ng mga magsasaka ng Palo, Leyte na “Nais naming ng matagalang kapayapaan.” Ang totoo, naging literal ang pag-intindi ng mga sundalo.

May robotikang pag-iisip ang mga sundalo. Programado.

Inilathala ng Pantas Publishing and Printing, Inc. at ng Kodao Productions, Inc., ang “Persolitka Mga tula at larawan” ni Raymund B. Villanueva ay mabibili sa Popular Book Store. #

Ang Wikang Pambansa sa positibong lente

Ni Carlos Marquez

SA gitna ng mga balakid na pinagungunahan ng pagbabale-wala o kaya’y tahasang pagwawaksi ng maraming itinuturing itong bagay na madaling palitan, ang Wikang Pambansa ay patuloy na umaangat.

Punahin ang maraming nagkandautal sa pagsasalita ng Ingles o kaya’y anumang wika na nasusumpungan nila sa pambalanang media. (Maraming nadirinig na nagsasalita ng Koreano o Niponggo habang naglalakad sa mga pasyalan, na halatang ginagaya ang mga napapanood na tauhan sa mga teleseryeng Asyano). Pero, nais ituwid ng artikulong ito na hindi tinututulan ang pagsasalita ng Ingles o anumang dayuhang wika sapagkat ito’y bahagi ng likas na karapatan. Ang puntong binibigyang-diin lamang dito ay unahin na matutuhan ang, kung hindi man magpakadalubhasa, sa paggamit sa wikang, ayon sa matandang parirala, sinususo sa ating mga ina.

Kaya tuloy, ang tingin ng marami sa Filipino ay nananamlay at kailangan ang bitamina.

Subalit, mas marapat na sipatin ang kalagayan ng Wikang Pambansa sa positibong lente.

May kaisipang iniambag si Ben Domingo, isang retiradong propesor sa komunikasyon. Sabi niya’y dapat masdan ang Wikang Pambansa sa positibong paraan.

“Depende ito sa pagturing na “half-full” o “half-empty”. [Punahin, kung ganoon, sa isang banda, na may sariling kakanyahan ang mga wika. Katulad ng pariralang Ingles na “half-full” at half-empty”. Mawawala ang kahulugan nito kung isasalin sa Tagalog – nang literal]. Sa mga naniniwalang ang lenggwahe ay isang dinamikong fenomenon, malusog at masigla ang wikang Filipino dahil patuloy itong lumalago — nagbabago, nagdadagdag, at umaagapay sa mga nagaganap sa lipunan, lalo na sa mga hamon ng teknolohiya — sa pagdaan ng mga panahon.”

Bukod sa pagiging guro, nagbibigay rin ng lektura sa pamamahayag si Domingo. At ang masasabing marka niya, o kung saan siya higit na kilala, ay ang pagsasalita sa Filipino sa kanyang lektura. Masasabi ring lingwista sa kanyang sariling paraan si Prop. Domingo, na tinatawag ding BenDom ng kapalagayang-loob, dahil ginagamit niya sa ordinaryong pakikipag-usap ang mga salitang kanyang nakakalap sa kanyang mga paglalakbay sa pagle-lektura.

Ito ang puntong tinutumbok ng argumento ni BenDom.

“Sa kabilang pananaw lalo na ng mga pilit na nagkakahon sa lenggwahe, naaagnas na ito dulot ng pagbalahura ng mga kabataang madaling maapektuhan ng teknolohiya, lalo na ang pangmadlang midya.

“Pumapanig ako sa unang pananaw: na ito [Filipino bilang Wikang Pambansa] ay dapat nating tingnan na “half-full”.

Tinatanaw na “half-empty” ng mga may negatibong pagsasaalang-alang sa mga nangyayari sa paligid ang basong kalahati ang laman. Sa kabilang dako, ang mga positibong tao ay “half-full” ang baso. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Ibahagi sa mga bata ang pagpapayaman sa wika

Ni Carlos Marquez

TUMULO ang dugo sa panganganak, pagpapalaki at pag-aandukha, at tuluy-tuloy na pagyayaman ng Wikang Pambansa. Naging bahagi ito ng iba’t ibang transisyon ng kasaysayan ng Pilipinas. Patuloy itong itinataguyod ng mga mapagpamalasakit sa wika at kulturang Pilipino: ang mga manunulat

Dapat itong mabatid ng mga bata ngayon pa lamang at iyan ang isinusulong ni Luis P. Gatmaitan, isang doktor ng medisina at awtor ng mga aklat-pambata. Higit sa lahat, at iyan ay patuloy na ipinagmamalaki ni Dr. Gatmaitan, siya ay taga-San Ricardo, Talavera, Nueva Ecija.

“Tinataglay ng ating wika ang mga sugat at panaginip ng ating bansa,” ayon Gatmaitan.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, kaagapay ang pagkakasugat ng Wikang Filipino – malalalim, mahahapding sugat na natamo sa pagbabangayan ng mga Pilipino. Subali’t, tulad sa lahat ng digmaan, tumindig ito, tumatag, tiningala, at sinuob ng papuri dahil sa kanyang angking alindog at indayog.

Filipino ang medyum na ginamit ni Dr. Gatmaitan sa kanyang mahigit na 30 aklat-pambata na ipinagkakapuri ng mga edukador at mga lingwistang Pilipino. Inilantad sa kanyang mga akdang ito ang mga nakatagong isyu ng kapansanan, pag-uulyanin, pagbaka sa kalungkutan sa pagyao ng minamahal, ang pakikipagsapalaran sa kanser, mga sakit ng bata, at karapatan ng mga bata.

Ang kanyang seryerng “Mga Kuwento ni Tito Dok” ay nagkamit ng papuri buhat sa Manila Critics Circle “sa pagpapalaganap ng agham ng medisina gamit ang wika at mga grapikong naaabot ng pang-unawa ng mga bata, sa pagsasalokal ng mga prinsipyong pang-medisina, at sa malikhaing pagsasabuhay ng mga bahagi ng katawan ng tao.”

Isinama siya sa Bulwagan ng Katanyagan ng Palanca nuong 2005, tumanggap din ng gawad mula sa Catholic Mass Media Awards, ang ng PBBY-Salanga Writers Prize.

Ang kanyang aklat na “Sandosenang Sapatos” ay nasa listahan ng International Board on Books for Young People (IBBY) para sa Bologna International Children’s Book Fair nuong 2005.

Kinilala ring Outstanding Book for Young People with Disabilities ng IBBY ang kanyang mga aklat nuong 2005.

Si Gatmaitan ay kinilalang isa sa mga 10 Haligi ng Pagyayaman ng Gawaing Pangkalusugan sa Pilipinas ng magasing HealthToday Philippines; naging isa sa 10 Outstanding Young Men (TOYM) of the Philippines sa kanyang ambag sa panitikan, at nominado sa 2004 Ten Outstanding Young Persons of the World.

Maliban sa pamumuno niya ng grupong Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING), at sa kanyang pagiging abala sa pagiging doktor, may programa rin siya sa DZAS tuwing Sabado ng umaga, ang ‘Wan Dey Isang Araw’.

Nakilala ng manunulat na ito si Doc Luis nang nagko-kontribyut pa sa lokal na pahayagang Diaryo Natin nuong bago mag-2000. Ang Diaryo Natin ay inedit ng manunulat na ito.

“Malaki na rin ang pag-unlad na nangyari sa wikang Filipino,” ayon kay Gatmaitan. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Mga manunulat sa Filipino na tubong-Bulacan

(Alay para sa Araw ng Bulacan)

Ni Carlos Marquez

SI Cenon V. Regalado marahil ay isa sa maraming limot – o kaya’y hindi kilalang – manunulat na tubong-Bulacan. Taga-San Marcos, Calumpit, Bulacan at madalas ko siyang makita kung naglalakad kaming magkaka-eskwela buhat sa aming baryo ng Balite patungo sa San Marcos Elementary School. (Ang paaralang elementaryang iyon ang pinakapangunahin nuong mga panahong iyon kaya dito nagsisipag-aral ang mga bata buhat sa mga nakapaligid na karatig-pook). Marahil ay isa si Regalado sa pumukaw sa pagkamanunulat ko sapagkat nuon pa man ay sumibol sa mura kong isip ang sigliwa ng sining ng mga salita. 

Maraming maikling kuwento akong nabasa sa Liwayway na sinulat ni Regalado. Ang tanging akda niyang naitala sa Pambansang Aklatan ay “Ang Taktika ni Ido”, na pinipilit kong gunitain ang paksa, na lumabas sa Liwayway nuong 1957. Ang mas higit kong naaalala – at nagmarka sa isip ko, bagama’t hindi ko matandaan ang mga kumpletong saknong – ay ang kanyang tulang “Ang Manghahasik”. Sa masinop niyang paggamit ng aliterasyon ay malinaw niyang naisalarawan ang kadakilaan ng mga magsasaka bilang mahalagang salik ng pag-unlad ng bansa.

Tikman natin ang unang saknong.

“Sa bawat pag-urong ng paang putikan
ang nalilikha ko’y pasulong na hakbang
sa tangan kong punla, bawat kabawasan
sa aking layuni’y isang kapupunan.”


Pansinin ang indayog at musika sa mabisang paggamit niya ng salitang magkataliwas: “pag-urong” ng paa at “pasulong na hakbang”. Isang uri ito ng tayutay na hindi ko alam ang pangalan. Subalit, ang impak ay napakalakas – dumagundong sa pag-iisip, bumubulabog sa imahinasyon. SA BAWAT HAKBANG PAURONG, PAGSULONG.

Si Regalado, para sa akin (hindi dahil siya’y kababayan ko), ay isa sa mga dakilang manunulat na Bulakenyo na nakalimutan na ng mga salinlahing sumunod sa amin. Nguni’t hindi ba dapat ay suubin siya ng insenso, katulad ng iba pang kilalang manunulat na nagawang magsabog na bituin sa langit ng panitikang Pilipino? 

Mapapalad ang iba pang manunulat na tubong-Bulacan na nakilala hindi lamang sa kanilang mga obra kundi maging sa kanilang pagsisikap na payabungin ang Wikang Pambansa. Ang ilan sa kanila na lumitaw sa aking madaliang pananaliksik ay sina: Virgilio Almario, taga-San Miguel; Tomas Agulto, ng Hagonoy; Bienvenido Ramos, ng Malolos; Blas Ople, ng Hagonoy; at Jun Cruz Reyes, ng Hagonoy.

At siyempre pa, si Marcelo H. Del Pilar, na taga Bulakan, Bulacan, na bagama’t ang karamihan sa nakatalang obra niya ay mga propaganda sa wikang Espanyol ay Pilipinung-pilipino naman ang diwa.

Sana ay madagdagan pa ang listahang ito. Isang panawagan sa mga Bulakenyo na makababasa nito. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Mga manunulat na Novo Ecijano at ang Wikang Pambansa

Ni Carlos Marquez

HANGGANG sa kasalukuyan, lingid sa kaalaman ng marami, kasama ang mga manunulat na taga-Nueva Ecija sa mga nagsipagmalasakit sa Filipino bilang Wikang Pambansa. Nasa listahan ng mga manunulat ngayon na taga-Nueva Ecija na kinikilala sa buong daigdig sina: (sa pagkakasunod ayon sa alpabeto) Rony V. Diaz, Rogelio Mangahas, Maria Odulio De Guzman, Wilfredo Pascual, at Rogelio Sicat.

Si Diaz, ipinanganak sa Cabanatuan nuong Disyembre 2, 1932, ay isa pang premyadong manunulat, naging executive director ng Manila Times School of Journalism, at awtor ng “The Centipede “.

Nakilala si Rogelio Mangahas, taga-Palasinan, Cabiao, Nueva Ecija, sa kanyang akdang “Mga Duguang Plakard”, na nagkamit ng unang gantimpala sa Gawad Palanca. Kinilala rin at hinangaan ang kanyang kritika sa nobelang “Sa Mga Kuko ng Liwanag” ni Edgardo M. Reyes.

Awtor ng 16 na diksyunaryong English-Filipino at Filipino-English si Maria Odulio de Guzman, na kauna-unahang babaeng guro sa hayskul sa buong Pilipinas. Naging prinsipal siya sa Nueva Ecija High School. Nagsalin din siya ng Noli Mi Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal mula sa orihinal na Kastila sa Filipino.

Tubong San Jose City, Nueva Ecija, naman si Wilfredo Pascual Jr., kinilala sa buong daigdig bilang manunulat ng sanaysay, dalawang beses na nagkaroon ng Gawad Palanca, at kabilang sa Samahang Makasining, isang organisasyon ng mga alagad ng sining.

Ipinanganak sa San Isidro, Nueva Ecija si Rogelio Sicat na lubhang nakilala sa kanyang premyadong maikling kuwentong “Impeng Negro”. Ang kuwentong ito na nagwagi ng Gawad Carlos Paalanca nuong 1962 ay tumatalakay sa panduduro (bullying) at hindi patas na tingin sa lahi (racism) na pangunahing isyung panlipunan sa bansa.

Sinulat din ni Ka Roger Sikat ang dulang pantanghalang “Moses, Moses” na tumatalakay sa tagibang na paggagawad ng hustisya ang paniniil ng mga politiko – na kabing-kabi sa kasalukuyang panahon.

Kilala ring guro si Sikat. Siya’s naging propesor at dekano sa Kolehiyo ng Sining at Letra sa University of the Philippines. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Salitang iisa ang baybay pero may di-parehong diin at kahulugan

ni Carlos Marquez

(Paksang mungkahi ni Ben G. Domingo Jr.)

ISA pang katangian ng Filipino, ang Wikang Pambansa sa Pilipinas, ang likas nitong kakayahang makipaglaro sa – at lalo pang pagyamanin ang – imahinasyon ng nagsasalita at bumabasa. Isaalang-alang ang mga salitang magkakapareho ang baybay pero magkakaiba ang diin at kahulugan.

Halimbawa: labi, na kung bibigkasin nang may maragsang diin ay nangangahulugan na bibig; kung mabilis-maragsa, bangkay o tira.

Sala, bahagi ng bahay; sala, lihis, sablay. Malas, tingin; malas, hindi pinalad. Palad, kapalaran; palad, ilalim ng kamao. Pala, gamit panghukay; pala, talaga (Halimbawa: iyon pala, kaya pala); pala (maragsa), biyaya.

Palundag-lundag ang pagkakahalayhay ng mga salitang may iisang baybay ngunit may dalawa o higit pang ibig-sabihin sa piyesang ito dahil isinasangguni sa mga taong nakakausap na kaswal habang ikino-konsepto ang pagbuo. Habang ginagawa ito, may dalang listahan at isinusulat ang resulta ng mga pagtatanong. Ang resulta: nagkaroon ng mapaglilibangan habang nag-iisip. Isa pang madyik ng Filipino na hindi napapansin sa pang-araw-araw na buhay.

Ituloy natin.

Pila, hilera o hanay; pila, baterya; pila, isang uri ng mineral sa ilalim ng lupa. Pula, kulay; pula, pintas o puna.

Sawa, uri ng ahas; sawa, ayaw na. Puno, kahoy; puno, lider; puno, husto o ‘sakto ang dami.

Bunot, hatak pataas; bunot, pinatuyong biniyak na balat ng niyog; bunot, paglalampaso ng sahig.

Pato, uri ng bibe; pato, pamato sa laro. (Kung minsan ay bato kagaya sa taya-bato).

Buntal, suntok o bigwas; buntal, isang materyal na hinahabing sombrero (dating marami nito sa Baliwag, Bulacan, kaya ang naging sikat na sambalilong-Baliwag o buntal hat).

Burol, bahagi ng lupain; burol, wake sa English.

Aba, ekspresyon ng pagkagulat; aba, kaawa-awa. Kama, higaan; kama, pagsasalansan. Daing, hinagpis; daing, pinatuyong isda. Baka, uri ng hayop; baka, pag-aalangan.

Paso, bahagyang sunod sa balat; paso, taniman ng halaman; paso, daanan sa kaparangan (Hal. Pasong Tirad).

Lawa, nanggigitata; lawa, bahagi ng tubigan (lake).

Basa, read sa Ingles; basa, wet sa Ingles.

Bata, young sa Ingles; bata, pagtitiis; bata, roba (nagmula sa bathrobe).

Bula, bubble sa Ingles; bula (maragsang diin), natiyak (Tulad ng: hindi nagkabula ang hinala).

Patuloy tayo. Sulit, kuntento; sulit, pagsubok (kaparis sa pagsusulit pagkatapos ng aralin, eksaminasyon); sulit, report (Hal. Isulit mo ang ginawa mo maghapon).

Likas, natural; likas, pag-iwas sa nakaambang panganib (Tulad ng: Inatasan ng lokal na pamahalaan ang mga nasa mapanganib na lugar na magsi-likas.)

Sinta, irog o mahal sa buhay; sinta, pagtalima ng aso o anumang hayop na tinuturan ng amo ng trick. Kadalasang pagtayo sa dalawang paa. O saludo.

Kung minsan, may masusumpungan kang magkatulad na salita na mapapangiti ka sa isa pang kahulugan nito. Tulad ng: supot, swalok o lalagyan; supot, hindi tuli. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Si Ben G. Domingo Jr. ay retiradong propesor ng pamamahayag ng Central Luzon State University at Unibersidad ng Pilipinas. Itinuturing siyang “tatay” ng napakaraming mamamahayag sa buong bansa.

Pagkaka-anyo ng wika

ANG wika ay lengwaheng nadidinig. Ihanay ito sa diwa ng John 1:14: “Ang Salita ay nagkalaman at nakipamuhay sa atin”, na pinaging payak ang simbolo ng paglikha. Ang susing-kataga, kung gayon, ay simbolo, na marahil ang tagong pinagmulan ng wika.

Limiing mabuti ang mga wikang umiiral sa ngayon. Hindi ba’t ang mga ito ay sumasagisag sa pagkakaintindihan ng mga tao na sa pagdaan ng panahon ay dahan-dahang nagka-anyo – at narinig? At naging instrumento ng pagkakaintindihan.

Mula pa sa kuwento ng Paglikha, may magpapatunay ba na wikang sinasabi, naririnig, at nauunawaan ang namagitan kina Eba, Adan, at dimonyo? Nagsidating at nagsilisan ang mga panahon, at nagsulputan ang iba’t ibang salik ng kasaysayan kasabay ng ebolusyon ng wika: mula sa mga senyasan ng mga hayop at tao, sa paglilok sa mga bato sa kuweba, hanggang masumpungan na lamang na hindi sila makukuntento sa pagse-senyasan lamang at “pag-uusap” sa pamamagitan ng ekspresyon ng mata. Natuklasan na lamang na maaari ding makapagtalastasan sa pamamagitan ng pag-ungol, pag-ngiti, pagtawa, at pag-iyak bilang ekspresyon ng tuwa, pagkamuhi, at iba pang emosyon. Hanggang sa masumpungan ng mga nilikha na ang mga senyasan at pagpapakita ng mga emosyon na iyon ay “pag-uusap”.

Sa patuloy ng pagtanda ng mundo at panahon, kusang nagkaanyo ang wika. Ang dating mga senyas at pagpapahayag sa pamamagitan ng ekspresyon ng mata at mukha, sa mga ungol, tawa at ismid, at iba pang paraan ng “pag-uusap” ay nagkaroon ng porma ang salita. “Ang salita ay nagkalaman.”

Sa pagdaan ng panahon, umunlad ang isip ng mga nilikha – kasama ang tao na itinuturing na pinakamataas na uring hayop. Dumating ang panahon ng karunungan. Patuloy na pinag-aaralan ng mga nilikha ang agimat ng komunikasyon at pagpapahayag. Pinagyaman ng mga lahi ang kanilang kinagisnang wika. Habang umiinog ang mundo, habang nagkakaedad ang mundo, habang nagkakaroon ng palitan ng salinlahi, habang dumarating ang mga kahanga-hangang teknolohiya – sumasabay ang pag-unlad ng mga wika sa pagbibigay-anyo sa lengwahe.

Kasama ang Wikang Pambansa ng Pilipinas, ang Filipino. #

(Paalaala: Hindi po inirerekomendang ituring na pangkasaysayan at walang maka-agham na salalayan ang sanaysay na ito).

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Ang nakakaaliw, maindayog na Filipino

Ni Carlos Marquez

SINONG Pilipino ang hindi mamahalin at ipagmamalaki ang Pambansang Wika gayung bukod sa maindayog na pagbigkas nito ay hitik na hitik din sa mga kasabihan at idyoma. Mapaglaro at nakaaaliw din ang mga pantig nito. Halimbawa: Ang pantig na “ba”, kapag inulit ng apat na beses ay magbibigay ng kahulugan.

“Nariyan ba ang ate mo?”

“Nasa itaas po.”

“BABABA BA?”

“Opo.”

Isa pa, huwag bigyan ng literal na kahulugan ang pangkat ng maiikling salita kung gusto mong maintindihan. Kagaya ng “itaga mo sa bato.” Mahirap tagain ang bato – masisira ang itak. Ang ibig sabihin ng “itaga mo sa bato” ay “siguradung-sigurado”, isinusumpa ko”, “mangyayari ang sinabi ko”. (Kung minsan, pwede rin ang pabalbal na “peks man”).

Gayundin ang sawikain o idyoma (idiom). Ito ay di-tuwirang pagbibigay-kahulugan at pagpapakita ng kaisipan sa pamamagitan ng salita o pangkat ng mga salita. Kung bagito sa Filipino ang makakarinig sa mga sawikain ay maliligaw ng pang-unawa.

“Bungang-isip”, halimbawa. Ang ibig sabihin nito ay imahinasyon. “Bungang-tulog” o “bungantulog”, panaginip. (Pansinin ang pagkakabit ng dalawang salita na tinanggal ang titik na “g” sa “bungantulog”. May batas sa balarila na sumasaklaw sa ganito na i-reserba na lamang muna natin para sa bukod na pagtalakay).

Narito pa ang ilan sa maraming idyomang Filipino na kapwa nagpapakunot-noo at umaaliw sa mga nuon lamang nakakarinig.

“Butas ang bulsa”, walang pera; “ilaw ng tahanan”, ina; “alog na ang baba”, matanda na; “bahag ang buntot”, duwag; “bukas ang palad”, matulungin; “nagbibilang ng poste”, walang trabaho; “taingang kawali”, nagbibingi-bingihan;”balat-sibuyas”, mabilis masaktan; “pusong bakal”, hindi marunong magpatawad

Buto’t balat, payat; “magaan ang kamay o pingkok”, madaling magalit at manakit; “may daga sa dibdib”, takot, nerbyosos; “bulaklak ng dila”, maligoy magsalita; “makati ang dila”, tsismoso o tsismosa, madaldal.

Maraming-marami pa.

Ikaw, ano pa ang maidadagdag mo? #

(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)

Liwayway at Bulaklak

HINDI maisaisantabi ang ambag ng mga magasing Tagalog na Liwayway at Bulaklak sa pagbukadkad ng Wikang Pambansa. Sabihin nang makaluma, pero walang pamalit sa karunungang isinalansan ng mga ito sa mga tao nuong dekada 40 hanggang sa mga unang bahagi ng dekada 60. Sa mga babasahing ito nakilala ang mga dakila sa panitikang Pilipino, kagaya nina Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Julian Cruz Balmaceda, Cecilio Apostol Borromeo, Lope K. Santos, Inigo Ed Regalado, Romualdo Ramos, Francisco Lacsamana, Fausto Galauran at Pedrito Reyes. Si Pedrito Reyes ay anak ni Severino Reyes na lalong kilala sa alyas na “Lola Basyang” dahil sa kanyang mga kuwentong pambata na sinubaybayan sa magasin at nang malaunan ay sa radyo.

Marahil ay hindi na ipagtatanong pa ang mga pangalang nangabanggit sa itaas lalo na ang mga may kaalaman sa panitikang Pilipino na itinuturo sa mataas na paaralan nuon. (Maliban marahil sa mga kabataan ngayon na bukod sa nahuhumaling sa gadyet ay tinapyasan pa ng karapatang malasahan ang alindog at aral ng wikang sabi nga ay sinuso pa sa ating mga ina.

Ang Liwayway, na itinatag ni Ramon Roces nuong dekada 30, ay binuo ng maiikling kuwento at nobela na may ilustrasyon. Ang mga serye ay sinubaybayan ng libu-libong mambabasa sa maraming dako ng Luzon (katulad rin ng pananabiki gabi-gabi at araw-araw sa mga sinusubaybayang teleserye ngayon sa telebisyon). Naglabas din ng mga bersyon ng babasahing ito upang makarating naman sa mga ibang rehiyon – ang Bisaya, Hiligaynon, Bikolano at Bannawag.

Samantala, ang Bulaklak, na unang inilimbag nuong 1947, ay nakipagparayawan sa pagbibigay ng aliw at karunungan sa Liwayway. Katulad rin ng Liwayway ang nilalaman ng Bulaklak na nagtampok ng mga maiikling kuwento, serye ng nobela, mga tula, balitang pang-artista, komiks, at iba pang mga kapaki-pakinabang na salik. Sa Bulaklak unang lumabas si Darna nuong mga dakong 1950.

Magaan ang buhay nuon. Ang karunungan ng mga tao ay nanggagaling sa tahanan, sa paaralan – at sa mga magasing Liwayway at Bulaklak. Hanggang sa nagsulputan ang iba pang magasin na ang pormat ay kumikiliti sa imahinasyong makamundo.

Kung mayroon man sa ngayon ang nakakaalaala pa sa Liwayway at Bulaklak, nakakasigurong malawak ang kaalaman nila lalo na sa pagpapahalaga sa Wikang Pambansa. #

(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)

Ang larawang ginamit ay hinango ng may akda sa Google at kanyang isinalansan.