Lockdown sa NBP, hiniling na tanggalin
Nagsagawa ng press conference ang grupong Kapatid (Families and Friends of Political Prisoners) kaugnay sa krisis na nararanasan ngayon ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Matinding lockdown ang ipinapatupad ngayon sa Maximum Security Compound matapos gibain ang kanilang mga kubol sa loob ng compound. Nakakaranas na din ng matinding gutom at kawalan ng atensyong medikal ang mga bilanggo. Ayon sa Kapatid, umabot na sa pito ang namatay sa loob lamang nang apat na araw simula noong Oktubre 15.
Nagbigay-saloobin ang ilang mga asawa ng bilanggo sa tila mahigpit na patakaran ng NBP sa pagdalaw. Kabilang na dito ang strip search, searching sa mga dalang pagkain at matagal na pag-aantay para lamang makapasok sa visiting area.
Panawagan nila na tanggalin ng Bureau of Corrections ang lockdown at hayaan na mabisita ng mga kaanak at ilang grupo ang kanilang mga mahal sa buhay. (Credit music: News Instrumental Background by AShamaluevMusic Bidyo ni: Joseph Cuevas/ Kodao)