Ang dalawang siga at ang dalawang tuta

Teksto at mga larawan ni Nuel M. Bacarra

Walang matibay na bakuran kapag naipit sa away ng dalawang naghuhurumentadong lasing sa kapangyarihan. Matatawag na wala sa katinuan na magpasaklolo sa isang matandang siga para lamang ipagtanggol ang iyong bakuran laban sa bagong nagsisiga-sigaan. Lalo namang isang kabaliwan na imbitahan at hayaan ang matandang siga na magtayo ng tambayan sa iyong bakuran at hayaang maghamon ng away.

Bukod pa rito, kapag gumala para maglasing ang matanda, nanganganib na magpaikut-ikot ito sa bakuran at gumawa ng kabulastugan, tulad ng panahon sa Fields Avenue sa may Clark at mga dating tambayan sa ‘Gapo.

Isa itong sinaryo sa kasalukuyan na buong-buong niyayakap ng kasalukuyang rehimen na ‘di alintana ang pagsandig sa imperyalistang kapangyarihan para sa seguridad.

Pakanang Pautang ng China

Sa unang biyahe sa Tsina noong 2016 bilang presidente ni Duterte, naglangis ito sa bagong siga sa pagsasabing, “Panahon na para magpaalam sa Washington.” Nakinabang ang gubyernong Duterte at nakipagkasundo kaugnay sa diumanong pagpapaunlad ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-utang at mga proyekto mula sa Tsina. Nakopo ng rehimeng Duterte ang $255 milyon para sa proyektong Kaliwa Dam at isang pang $62 milyong proyekto para naman sa Chico Dam. Dalawa ito sa 100 kontrata ng pautang ng Tsina sa iba pang bansa.

May katulad na ganitong kontrata rin ang Tsina sa Indonesia, Malaysia, Cambodia at Laos. Mas naging kontrobersyal lamang ito sa Pilipinas dahil sa mga probisyon ng Konstitusyon ng 1987 na nagbabawal ng mga ganitong tagibang na kontrata at dahil na rin sa mga aksyong protesta ng mamamayan na naglantad nito.

Hindi ito simpleng kasunduan para sa proyekto at utang sa Tsina. Buong katusuhang isiningit ng Tsina sa kasunduan ang bahagi ng dispute arbitration at kumpiskasyon ng pag-aari ng Pilipinas sa malayang pag-okupa sa ngayon ng Tsina sa ilang isla sa West Philippine Sea (WPS).

Sa arbitrasyon, anim katao (tatlo mula sa China at tatlo sa Pilipinas) ang magpupulong at magdidesisyon sa mga bagay na ‘di pinagkakasunduan. Subalit kapag may ‘di mapagkasunduan at laging tabla ang botohan ng anim, ang Tsina ay magdadagdag ng isa pa na tao na mula rin sa kanilang panig para sa basagin ang botohan. Tusong hakbang ito na dehado ang Pilipinas. At higit sa lahat, ang arbitrasyon ay gagawin sa Beijing, ang kabisera ng Tsina.

Ang patrimonyal na ari-arian sa konteksto ng kasunduan ay kumpiskasyon ng mga rekurso ng Pilipinas na nangyayari na sa mga lantad sa agresibong aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea. Sige-sige ang konstruksyon ng Tsina sa mga pasilidad sa Pilipinas maging sa saklaw ng exclusive economic zone ng bansa.

Ang konsepto ng patrimonyal na ari-arian ng Pilipinas kaugnay sa pautang para sa Chico Dam ay yaong mga ari-arian na hindi para sa pampublikong gamit, serbisyo publiko o pagpapaunlad ng yaman ng bansa. Kung kaya, pwedeng galawin ng China ang depositong gas sa Reed bank ng Pilipinas at iba pang yaman na saklaw ng WPS.

Hindi naman nakawala sa silo ng kontrol ng imperyalismong US ang Pilipinas na pinatunayan ng pag-endorso ni Duterte sa kasunduan sa seguridad ng AUKUS (Australia-United Kingdom-United States) at ang mismong pagpapalawak na mga ehersisyong militar ng US sa mga teritoryo. Ang AUKUS ay kasunduan na nagbigkis sa tatlong malalaking bansang ito para sa ambisyon ng Australia ng pagkakaroon ng submariong nukleyar. Kasunduan ito para palakasin ang teknolohiya gamit ang artificial intelligence. Magtutulak itong lalo para sa karerang nukleyar sa buong mundo sa pamamgitan ng aplikasyon ng teknolohiya ng artificial intelligence para sa digma.

Galaw ng US

Naibuslo nang higit ng US ang Pilipinas sa estratehikong plano nito sa buong rehiyong Indo-Pasipiko gamit ang naratibo ng banta ng Tsina. Binasbasan ng rehimeng Marcos Jr. ang ambisyong hegemonya ng US sa buong mundo sa pamamagitan ng todo-largang pagpapakatuta rito na maliwanag sa mga konstruksyon ng mga base militar sa bansa at ehersisyong Balikatan.

Nang maupo si Marcos Jr., naging siyam na ang base militar ng US sa bansa at naganap ang pinakamalaking ehersisyong militar ng Balikatan na diumano ay kakailanganin ng Pilipinas para sa depensa sa tabing ng diumanong panggigipit at panghihimasok ng Tsina sa WPS. Ang apat na bagong mga base militar ay nasa estratehikong lugar sa Hilagang Luzon na malapit sa Taiwan at sa Palawan na nakaharap mismo sa Tsina.

Masunod lamang ang programa ng Balikatan, isinakripisyo ng rehimeng Marcos ang kapakanan ng mamamayan sa mga lugar ng ehersisyo sa dagat ng pinagsamang tropang militar na Amerikano at Pilipino. Nagbaba ng patakaran na “no sail zone” ang bahagi ng WPS habang may war games tulad ng nangyari sa Zambales at mga probinsya ng Ilocos. Hindi nakalusong sa laot ang mga mangingisda, kaya apektado ang kanilang kabuhayan.

Batid rin ng US ang plano ng Tsina na magtayo ng mga base militar sa estratehikong lugar sa mundo kabilang ang Burma, Cuba, Pakistan, Sri Lanka, Tanzania, at Kiribati na malapit na rin sa Guam na teritoryo ng US.

Sa datos naman noong Hunyo 2023, mayroong mahigit 375,000 aktibong tropang militar ang US na nakapakat sa 66 na lugar sa buong mundo para diumano sa depensa. Noong Setyembre 2023, mayroong 53,246 tropa ng US sa Japan at 24,159 naman ang nasa South Korea, dalawang bansang nasa rehiyon ng Indo-Pasipiko.

Pagsandig sa dayuhan

Ang pag-asa ng rehimeng Marcos Jr. sa US ay palatandaan ng pagkatuta nito sa dayuhang kapangyarihan,partikular sa US. Wala itong kahiya-hiya na makipagkutsabahan sa US para lamang masabing may ginagawa ito patungkol sa agresibong postura ng China. At sa tulong ng propaganda ng US, ipinipinta ito sa mamamayan bilang isang pangangailangan dahil sa direktang pag-angkin ng Tsina sa ilang isla sa WPS at ng bantang pagsakop din China sa Taiwan.

Nakikita rin ang bangayan ng dalawang imperyalistang bansa sa lokal na bangayan sa pulitika sa pagitan ng mga Duterte na tinaguriang maka-Tsina sa isang banda at ng pangkating Marcos naman sa kabila na maka-US. Bagama’t ganito ang tila nagyayari, sa huli pareho silang tuta ng mga imperyalista.

Kailangang-kailangan ng US na makipaggera o manulsol ng gera dahil negosyo itong pagkakakitaan ng limpak-limpak na salapi. Bukod pa sa katotohanang ito, ang US at Tsina, ang mga pinakamalalaking mangungutang din sa buong mundo.

Noong Disyembre 2023, katumabas ng 34.2% ng utang sa buong mundo ay utang ng US na umaabot ng $33.22 trilyon habang ikalawa ang China na may $14.69 trilyon o 15.1% ng kabuuang utang sa daigdig. Tulak rin ito paglaki ng ginagastos ng dalawang bansa sa larangang militar. Ang US pa rin ang nangunguna rito, na mas malaki pa rin ang kabuuang gastos kumpara sa suma ng siyam na bansang nasa unang sampu.

Sa ganitong tunguhin, bilang malakolonyal at malapyudal na bansa ang Pilipinas, na walang kakayahang makidigma, masusumiksik ito sa poder ng US para sa proteksyon kapalit ng mga kundisyong ipapataw ng US sa bansa na tiyak na ang mamamayang Pilipino ang higit na papasan.

Ganito ang padron ng mga nagri-rigodon na mga rehimen sa bansa. Hindi nga kayang gapiin ng mga susun-susong “programa sa kontra-insurhensya” ang mga gerilya ng New People’s Army na gumagamit ng mga katutubong pamamaraan ng pakikidigma at mga ‘di gaanong sopistikadong armas, ang Tsina pa kaya?

Ang mga kasaysayan ng pananakop ng dayuhan sa Pilipinas ay kasaysayan ng paglaban ng mamamayan laban sa mananakop. Hindi maia-asa sa isang dayuhang kapagyarihan ang kaligtasan sa digma. Hindi ang pagkiling sa imperyalismong US laban sa Tsina o pagkiling sa imperyalistang Tsina kontra sa US. Lalaban ang mamamayan sa isang digmaang pinipili niyang ipagwagi hindi dahil sa pagkaladkad ng imperyalistang kapangyarihan at hindi sa pagpapakatuta ng rehimeng Marcos. #