Alipin

Ni Ibarra Banaag

Magbalikwas, habang ang baga ay nagniningas!

Lumaban, habang kumikirot ang hapdi ng sugat

Kumilos, habang ang gabi ay gising sa huni ng kulisap

Bumangon, habang ang araw ay tirik sa maghapon.

Manindigan, habang ang liwanag ay naririyan

Pumanig, sa mapag-adyang uri ng sangkatauhan

Magpasya, habang tumitibok ang puso

Umibig, habang ang bayan ay di naglalaho.

Magalit, kung kamangmangan ay nangingibabaw

Bumatikos, sa piging ng mga nagbabalatkayo

Usigin, ang pasimuno ng atrasadong pananaw

Mapoot, sa nagtataguyod ng kamangmangan.

Umasa, na sa yungyong ng dilim ay may hangganan

Magsikhay, subukang pandayin ang kinabukasan

Manguna, sa tuwing may nag-aalinlangan

Tumindig, kung ang marami ay pinanghihinaan.

Mamuhi, kung sa dibdib nagmaliw na’ng paglaban

Pumalahaw, sa gitna ng libong nagbibingihan

Tumangis, kung lumuwag ang kapit sa pinaglalaban

Magbunyi, sa tuwing may humahawak ng sandata.

Manibugho, sa sanlakasang nagpapatuloy

Ikarangal, ang di mapag-imbot nilang prinsipyo

Katahimikan, sa bawat nagbubuwis ng buhay

Humayo, kung naghahangad ng pagbabago.