Ang kinang ng isang maikling tula ng pagmamahal sa litanya ng pang-aapi’t pagsasamantala

Ni Nuel M. Bacarra

How Do I Love Thee? (Sonnet 43)

By Elizabeth Barrett Browning

How do I love thee? Let me count the ways.

I love thee to the depth and breadth and height

My soul can reach, when feeling out of sight

For the ends of being and ideal grace.

I love thee to the level of every day’s

Most quiet need, by sun and candle-light.

I love thee freely, as men strive for right.

I love thee purely, as they turn from praise.

I love thee with the passion put to use

In my old griefs, and with my childhood’s faith.

I love thee with a love I seemed to lose

With my lost saints. I love thee with the breath,

Smiles, tears, of all my life; and, if God choose,

I shall but love thee better after death.

Ang unang linya ng sonetong How Do I Love Thee? (Sonnet 43) ni Elizabeth Barrett Browning ay ganito: “How do I love thee? Let me count the ways.” Ang sumunod na isang-dosenang linya ay pawang litanya ng pagmamahal sa kanyang irog. Hindi nakapag-tatakang popular pa rin ang tulang ito sa lahat ng mangingibig mahigit isa’t kalahating siglo na ang nakakaraan.

Mapalad ang mga iniibig. Sila ang taga-tanggap ng mabubuti’t magaganda sa mundo. Kabaligtaran naman kapag ang isang tao ang kinasusuklaman. Sambot niya ang lahat ng ngitngit, uyam, poot, at suklam, ito man ay karapat-dapat o hindi.

Ang kaso ng isang politiko at isang botante ay isang halimbawa. Sa panahon ng eleksiyon, tila isang pursigidong mangingibig ang isang kandidato sa panliligaw ng ating mga boto. Subalit ang pag-ibig ng isang nahalal ay nasusukat lamang kapag naluklok na siya sa pwesto.

Kung kaya, ihambing natin ngayon ang noong manliligaw na si Bongbong Marcos ngayong nabigyan siya ng pagkakataon kung paano niya patunayan ang kanyang mga pangako dalawang taon na ang nakakaraan.

1. Presyo ng bilihin

Bukod  sa ipinangakong gagawin kung manalo sa eleksyon, ang presyo ng bigas ay napako rin sa antas na pang-dalawang kainan na lamang tayo sa isang araw sa halip na tatlo. O baka nga may katulad ko rin noon na ang almusal ay mumog, kanin at itlog, minsan talong ang ulam sa tanghalian at tulog ang hapunan. At hindi na kailangang amyendahan pa ang Rice Liberalization Law. Ibasura na dapat ito antimano. Hubarin na ang maskara na hindi ito para sa mamamayan kundi pagpasok sa buslo ng neoliberal na patakaran ng pag-asa sa importasyon. Tiba-tiba rito ang mga kasabwat na importer at treyder ng gubyerno. Pero madali pa ring lusutan ito dahil halos tuwing Martes kada linggo ay may pataw na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo. Ito ang produktong kapag tumaas, bitbit din ang presyo halos ng pangunahing produkto. Magtatambol naman ang gubyerno ng pagbaba na ₱0.50 kada litro, Pero sa sunod na linggo, ₱1.25 naman ang itaas. At muling ipaghihiyawan na “regulated” na yan dahil may gera sa Ukraine at ngayon sa Israel kaya apektado ang suplay ng produktong petrolyo. May kasunod itong panghimagas na pagtaas ng singil ng Meralco.

2. Produkto ng magsasaka

Ramdam ng mamamayan ang pangunguna ng Pilipinas bilang pinakamalaking taga-angkat ng bigas sa buong mundo. Ito na ang patakaran kapalit ng dapat ay pagpapaunlad ng lokal na produksyon. May budget para sa irigasyon, pero walang tubig na dumadaloy sa mga palayan. Atrasado ng apat na taon ang ayuda mula sa Rice Farmers Financial Assistance o walang kundisyong tulong sa mga magsasaka mula sa execss tariff collection ng gubyerno. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang ₱12.79 bilyon noong 2022 at ang para sa 2023 na halos ₱20 bilyon mula sa excess tariff revenue collection ay di pa naipamamahagi. Nauna pa rito ang pinagsamang halaga na halos ₱7.60 bilyon para sa 2020-21 na ‘di pa rin naibibigay. Ang sibuyas ay ₱15/kg sa bukid pero nasa merkado na halos ₱60 – ₱80 na. At ito ang modelo ng iba pang produkto ng mga magsasaka.

3. Sahod ng manggagawa’t kawani

Sa kabila ng pag-igting ng paggigiit ng manggagawa para sa taas-sahod o legislated wage increase, nakapakong maigi sa starvation level ito. Ang kailangang sahod ng isang manggagawa para mabuhay ay dapat nasa ₱1,208 para sa isang 5-kataong pamilya na malayo sa kasalukuyang pambansang abereyds na ₱441 kada araw, ayon sa Ibon Foundation. Sa National Capital Region (NCR), ang minimum na sahod ay ₱610. Kaya ang mga manggagawa ay nagiging kakumpetensya pa ng mga walang trabaho na dumidiskarte na rin para may dagdag kita. Ang huling pagtaas ng sahod sa NCR ay noong Hulyo 2023. Mayroong hinihilot sa Senado na ₱100 taas-sahod na nasa ikatlong pagbasa na pero may pasiklab ang mababang kapulungan na dalawang panukala para sa isang ₱150 at isa pang ₱350 para raw sa umento sa sahod. Tandaan, eleksyon na uli sa isang taon. Iginigiit naman ng mga organisadong karaniwang kawani ng gubyerno ang ₱33,000 na entry-level salary.

4. Charter Change

Bagamat may paghupa sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang usapin ng ChaCha, hindi kailangang mabulaga ang taumbayan na maaaring ibuwelo muli ang pagratsada nito. (Lalo pa’t may bagong liderado sa Senado na pumalit sa dati na ibinunyag ang presyur mula sa mga kampon ni Marcos para palusutin sa mataas na kapulungan ang kasuklam-suklam na sayaw na ito.) Salik sa paghupang ito ang pagtutok ng mga pulitiko sa darating na eleksyon. Ang pagbago sa Konstitusyon kapag di nilabanan ng mamamayan ay magbubunsod sa bansa sa ibayong kontrol ng dayuhan sa mga aspetong panlipunan at iba pang probisyon na pawang pabor sa mga malaking burgesya komprador at panginoong maylupa. Ang nais isingit sa Konstitusyon ay ang linyang “Unless otherwise provided by law” na pagkapon sa konstitusyon. Iniinda, partikular ng konggreso, ang papalaking bilang ng mga protesta ng mga progresibong pwersa laban sa ChaCha dahil naisisiwalat nito ang kiling sa mga dayuhan sa pamamagitan ng mga panukala ng pagbibigay 100% pag-aari ng lupa at negosyo sa larangan ng edukasyon, masmidya, yutilidad at iba pa.

5. Pambobomba sa komunidad

Noong 2018 sa panahon ni Duterte, sa bisa ng Memorandum Order 32 at E.O. 70, integrado na sa “kontra-insurhensyang” programa ng gubyerno ang pambobomba na ipinagpatuloy naman nang maupo si F. R. Marcos Jr. sa poder. Inutil ito sa layong pagparalisa sa operasyon ng New People’s Army o paggapi mismo dito dahil mas ang mga sibilyang komunidad ng mga magsasaka at pambansang minorya ang nabubulabog at biktima nito. Sa ulat ng Karapatan, sa unang taon ng rehimeng Marcos Jr., 23,391 indibidwal ang apektado ng pambobomba. Ginawa ito para diumano sa “kapayapaan at seguridad” at sa pambansang saklaw. Bawat pagbomba, tuliro ang mga komunidad at lalong nasasapanagnib ang kanilang buhay maging ang kabuhayan nila. Kontra ito sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law. Malaking badyet rin ang winawaldas ng gubyerno para rito.

6. Pagpapanatili ng NTF-ELCAC

Kibit-balikat lang ang tugon ng rehimeng Marcos sa desisyon ng Korte Suprema na ang red-tagging ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad. Patay-malisya ito sa mga kilos protesta na nananawagan na buwagin na ang NTF-ELCAC, ang ahensyang lugod na lugod sa panre-red tag na bumiktima na ng libu-libong buhay na pangunahin ay mga kritiko at aktibistang kritikal sa gubyerno. Malaki diumano ang papel ng ahensya sa pagpapalaya sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapasuko sa masang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan, na ayon sa tagapagsalita ng Philiippine Army, ay nasa “survival mode” na. Mula nang itayo ito, naging karaniwang tunguhin ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga konsultant sa usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines at sa iba pa, pagdukot sa mga aktibista, huwad na pagpapasuko, at iba pa.  Ang testimonya ni Jonila Castro, isang tagapagtanggol ng kapaligiran na biktima ng pagdukot kasama ni Jhed Tamano, ay mga buhay na halimbawa ng kabulukan ng NTF-ELCAC na biktima. Si Castro ay isa sa mga delegado ng Pilipinas bilang saksi at para sa isiwalat ang kabuktutan ng ahensyang ito sa katatapos na International People’s Tribunal sa Belgium. Hinaharap ni Castro ngayon ang gawa-gawang kaso na ginagawa rin sa iba pang mga aktibistang target ng NTF-ELCAC.

7. Kabuhayan ng mga tsuper at opereytor

Masaker sa kabuhayan ang taguri ng mga drayber at opereytor sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Naobligang palawigin ang itinakdang palugit nito ng presidente mismo nang ilang ulit dahil na rin sa paglaban ng sektor at sa kawalang-kahandaan ng gubyerno matapos ang pitong taong implementasyon ng programa. Walang mahusay na koordinasyon ang mga ahensyang imbwelto dito kaya walang maiharap na matinong plano kaugnay ng rasyunalisasyon ng mga ruta at paano haharapin ang malawakang dislokasyon ng malaking bilang na mawawalan ng trabaho. Ibubulid sila ng gubyerno sa kawalang-trabaho at sa ibayong pagpapatibay ng kontrol ng dayuhan at malalaking burgesya kumprador na ang tunguhin ay pribatisasyon at korporatisasyon.

8. Demolisyon at kawalan ng social housing

Tuluy-tuloy ang demolisyon. Kapag may malaking negosyong itatayo sa isang lugar, asahan na ang mga demolisyon. Paboritong lugar ang Sityo San Roque sa Quezon City na aabot ng 20,000 pamilya, maging sa Beinte Reales sa Valenzuela,  sa Sugbo at sa Dabaw. Kaya sa mga ganito, bagay na bagay ang kasabihan na “huwag tutulug-tulog at baka magkasunog.” Aasa pa ba ang maralitang tagalunsod sa programang pabahay sa ilalim ng programang 4PH (Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program)? Pangako man o pangarap ang isang milyong pabahay sa mga maralita kada taon ng panunungkulan niya, na katulad rin lamang ito ng pangako na ₱20 kada kilo ng bigas. Nais niyang buhayin ang dating programa ng magulang niya na Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services o BLISS. Iwinagayway ni BBM ang proyekto sa Naic, Cavite at sa San Fernando, Pampanga. At malamang sa hindi, hanggang dito na lang ito uli. Tulad ng maralita sa lunsod na nangangarap ng kahit paano ay may masisilungang bahay, subalit mangangailangan ang gubyerno ng libu-libong ektarya ng lupaing publiko para rito. Ito ang panganib na idudulot din ng ChaCha ni Marcos. Kapag niratsada ito, goodbye pabahay dahil ang lupa ay aariin kundi man ng dayuhan, o ng tulad ng mga Villar. Hangga’t umiiral ang buktot na pamamahala sa gubyerno, korupsyon at ang dinastiya sa pulitika, suntok sa buwan ang proyektong pabahay.

9. Korupsyon at agawan ng pwesto sa gubyerno

Ito ay eksaktong kumbinasyon ng ekonomya at pulitika ng nasa poder. Negosyo ang pamamalakad sa gubyerno. Matapos mamuhunan para sa halalan, kukubra na ng tubo. Bida lagi ang korupsyon taun-taon at kibit-balikat lamang ang tugon sa trilyong pisong napupunta lamang sa korupsyon. Tama! Nakalista lamang sa ilalim ng korupsyon. Walang napapanagot. Dito rin maiuugnay ang bangayan sa pulitika ng “team unity” na halos isang taon pa lang ay “team hiwalayan” na at maging ang pagiging maka-China at maka-US ng mga Marcos. Isang taon pa lang, tila ramdam na kaagad ang paghahanda sa para sa eleksyon sa 2028. Ang agawan sa kapangyarihan ay laro ng agawan sa kaban ng bayan. Tama, maging ang nangyaring rigodon sa Senado kahapon lamang.

10. Pagka-tuta sa US

Ang ngalan ng ama at ng anak ay kapwa tuta ng US. Kailangan ng dagdag na base militar ng US, ensigida, dinagdagan ng apat pa. Ganito ang kongretong larawan ng isang relasyong tagibang na puro tango sa among imperyalista. Kapag sa kapritso ng US, etsa-pwera ang kapakanan ng mamamayan. Gera ang tunguhin ng galaw ng US kontra sa Tsina na ibinubugaw dahil pain ang Pilipinas bilang sabik na biktima. Tuloy ang paghahamon ng gera ng US sa Tsina sa pamamagitan ng serye ng mga Balikatan. Tuloy ang daloy ng mga angkat na produkto dahil ito ang nais ng amo. Palawakin at paigtingin pa ang ang mga malakihang kontra-mamamayang opensiba laban sa NPA dahil banta ito sa istabilidad ng imperyalistang pangingibabaw sa bansa. Baguhin ang Konstitusyon ng Pilipinas para maluwag na makapagpapasok ang US ng mga armas nukleyar saan man naisin nito sa bansa.

11. Palpak na tugon sa El Niño

Simula’t sapul, ang El Niño ay sinasalubong ng kainutilan ng gobyerno. Ang pinakasimpleng paraan na ginagawa ay ang pamumudmod ng ayuda na bagamat nakatutulong kahit paano, ginagawa ito ng mga pulitiko bilang puhunan sa pulitika. Hindi ito inihaharap bilang suliraning pangkapaligiran, walang alternatibo para harapin ang kakapusan ng pagkain at pagkalugi ng mga magsasaka. Todo-larga ang operasyon ng mga minahan, ng mga proyekto sa reklamasyon, habang walang mekanisasyon sa agrikultura o pagpapaunlad ng teknolohiya. Ang sistema ng pagmomonitor sa pinsala nito ang siya nang pinakamataas na antas ng pagharap sa problema.

Larawan ang makatang si Browning at ang politikong si Marcos Jr. ng dalawang mukha ng bagol—isang nagmamahal at isa namang walang malasakit sa nasasakupan. Kung anong kislap ng isa ay siya namang kalawang ng kabila. Ang pagmamahal ay may kaakibat na sakripisyo, kabutihang-loob at malasakit samantalang ang nangingibaw sa galit at pagkamuhi ay ibayong pagpapahirap, kapabayaan at pagiging makasarili. Ang una ay may kaakibat na suporta ng masa habang ang huli ay aani ng paglaban ng taumbayan dahil sa pang-aapi’t pagsasamantala. #